Mas Pinili ng Lalaki ang Maluhong Nobya Kaysa sa Inang Tunay na Nagmamahal sa Kanya, Nagsisisi Siya Dahil sa Huli ay Iniwan Din Siya Nito

Isang taon pa lang na ka-relasyon ni Mark si Cassandra pero baliw na baliw na siya sa babae. Nakilala niya ito sa pinagtatrabahuhang opisina sa Pasay, simula noon ay di na niya ito tinigilan. Maganda si Cassandra at magaling magsalita, kayang-kaya nitong magdala ng usapan. Kaya lang, maraming galit dito sa office dahil maldita ang babae at ‘plastic’ daw, hindi iyon pinansin ni Mark at inisip niyang naiinggit lang sa ganda ng nobya ang mga naninira.

“Baby, parang gusto ko yung bag na nakita natin sa mall kahapon, yung kulay white?” malambing na sabi ni Cassandra.

Naalala ni Mark na nasa 4,000 pesos ang halaga ng bag, siguro naman hindi magtatampo ang nanay niya kung hindi muna siya makakapagbigay ng pang-kuryente ngayong sahod, ngayon lang naman siya papalya.

“Sige, bibilhin natin.” sabi niya sa nobya at inakbayan ito.

“Yehey!” masayang sabi ng babae na napapalakpak pa.

Wala namang kaso iyon sa nanay ni Mark, kahit mahirap ang buhay ay di niya naman inoobliga ang anak na magbigay sa kanya. Masaya siyang nakikitang masaya ito, kahit pa wala na siyang pangbili ng maintenance na gamot sa puso, hindi alam ng kanyang anak ang sakit niya.

Pero nasundan pa nang nasundan ang pagpapabili ni Cassandra, dumating nga sa puntong kahit pamasahe ni Mark ay nagkukulang. Nagtitiis siya na magkape sa opisina at sinasabi sa mga kasamahan na kumain na siya sa bahay pero ang totoo ay nagugutom siya, ayos lang yun basta masaya si Cassandra sa mga bago niyang gamit.

Isang araw, sweldo noon at nakasimangot ang babae dahil tumanggi si Mark na pumunta silang mall, sa halip ay dinala ng lalaki ang nobya sa bahay nila upang ipakilala sa kanyang ina.

Advertisement

“Ma, girlfriend ko po, si Cassandra. Cass, mama ko.” pagpapakilala ni Mark sa dalawa.

“Kumusta ka Cassandra? Kain muna kayo.” sabi ni Aling Minda, ang nanay ni Mark.

Tumango lang ang babae at palihim na umirap, di ito interesado sa mga ganito. Pag alis ni Aling Minda ay agad nitong hinarap si Mark.

“Wag mong sabihing dito lang tayo? Di man lang ba tayo lalabas?” tanong nito.

Nagtaka naman si Mark, dapat nga ay masaya itong ipinakilala niya sa kanyang ina dahil ibig sabihin noon ay seryoso siya sa kanilang relasyon.

“Di kaba masaya baby?” tanong niya rin dito.

“Obviously hindi. Anong gagawin ko rito? Tsaka may gusto akong bilhin sa mall eh, ayaw mo kong samahan!” mataas na ang boses ng babae.

“Baby kasi, ilang buwan na rin akong di nakakapagbigay kay mama. Nakakahiya na rin kaya nagtitipid muna ako ngayon.” matapat na paliwanag niya sa babae.

Advertisement

“Ah so mas mahalaga yung hiya mo sa mama mo kaysa sa mapasaya mo ako?” makitid ang utak na sagot ni Cassandra.

Hindi naman nakaimik agad si Mark, nagugulat siya sa inaasta ng nobya.

“Hindi, ganito nalang Mark. Pumili ka na lang, mama mo ba or ako?” nag akto pang naiiyak ang babae. Hindi naman ito natiis ni Mark.

“Babe naman, syempre i-ikaw. Ikaw ang priority ko.” at niyakap niya ang nobya. Pumayag na rin siyang pumunta sila sa mall.

Hindi niya alam, naririnig pala iyon ng kanyang ina at dahil nasaktan ito sa mga sinabi niya ay kumirot ang dibdib, bukod pa sa hindi na rin ito nakakainom ng gamot.

Nalaman na lang ni Mark na inatake ang kanyang ina dahil naabutan ito ng kanyang kapatid na nakahandusay sa kusina. Pagdating niya sa ospital ay natuklasan niya ring may sakit ito sa puso.

Ilang araw absent ang lalaki dahil busy sa pag aalaga ng inang nasa ospital na hindi pa rin gumigising at ganoon na lang ang pagkadismaya niya nang magtext sa kanya si Cassandra at sabihing nakikipagbreak na ito.

Nakarating din sa kanya na may bago na itong boyfriend, isang lalaking maraming pera na magbibigay ng lahat ng luho niya.

Advertisement

Ngayon alam na ni Mark ang habol sa kanya ng babae at nagsisisi siya na pinili niya ito kaysa sa kanyang nanay. Iyak siya ng iyak sa tabi ng kanyang ina, ito lang ang babaeng nagmamahal sa kanya ng totoo at sinaktan niya pa ito.

Saktong dumilat ang ginang at hinimas ang mukha niya.

“Ma, sorry.” sabi niya habang tigib ng luha.

Ngumiti lang ang babae at tumango, napayakap si Mark sa kanyang ina.

Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.