Ang Pangit Mo Kasi

“Sandra! Pumasok ka nga dito! Hindi ba sabi ko sayo huwag kang lalabas ng bahay? Ano na lang sasabihin sayo ng mga tao dyan? Nakita mo naman ang itsura mo sa salamin tapos ibabalandra mo pa dyan sa labas? Hindi ka ba nahihiya ha?” saway ni Mang Toni sa kanyang siyam na taong gulang na anak na nakaupo sa kanilang pintuan habang pinapanuod ang mga batang naglalaro ng chinese garter.

“Tay, gusto ko lang naman pong makipaglaro sa mga bata. Lagi na lang po akong mag-isa dito sa loob ng bahay.” malungkot na sambit ni Sandra, bagamat agad naman siyang sumunod sa utos ng ama.

“Kung maganda ka sana, edi sana nasa labas ka at nakikipaglaro sa kanila. Ang kaso hindi kaaya-aya ang itsura mo! Baka magalit pa ang mga magulang ng kalaro mo kapag natakot yan sila sayo.” galit na ika nito dahilan para humangos papuntang kwarto ang bata at doon umiyak.

Laging laman ng tuksuhan at tsismis ang anak ni Mang Toni na si Sandra dahil sa hindi pangkaraniwang itsura nito. Kumpleto naman ang mga parte ng kanyang mukha ngunit kirat ang isa niyang mata, may batik-batik na kulay puti ang kanyang balat sa pisngi, at tabingi ang kanyang labi dahilan para ikahiya at itago niya na lamang ito sa loob ng kanilang bahay.

Dahil nga hindi niya matanggap na ganoon ang itsura ng kanyang anak, nang malaman niyang naghahanap ng maalagaan ang kanyang baog na kaibigang galing Korea, agad niya itong ipinaampon.

“Naku! Babae! Oh my goodness Toni! Aalagaan ko siya ng mabuti!” ika ni Jelai, kaibigan ni Toni, tuwang-tuwa ito nang makitang mahaba ang buhok ng bata.

“Okay lang kahit ganito itsura niya?” sambit niya saka itinanggal ang bandana ng anak.

“O-oo naman! Ako bahala sa kanya!” sabik na sabik na ika ng babae “Hi baby girl! Ako na ang bagong mommy mo!” dagdag pa nito, nag-uumiyak naman ang batang si Sandra at ayaw bumitaw sa ama.

Advertisement

Lumipas ang isang taon, dinala na nga ng kaibigan ni Mang Toni ang bata sa Korea. Doon niya ito pinag-aral at inalagaan nang mabuti. Labis ang pagmamahal na ibigay niya dito. Lahat ng magagandang damit at sapatos ay kanyang binibili para sumaya ang bata. Ngunit katulad dito sa Pilipinas, naging laman rin doon ng tuksuhan ang bata.

“Sandra, huwag mo na lang silang pansinin, okay? Huwag mo hayaang ibaba nila ang pagkatao mo. Maganda ka, at gaganda ka pa kapag may sapat ng pera si Mommy, pangako, tiis tiis ka muna ha.” masinsing ika ni Jelai sa umiiyak na bata pag-uwi galing paaralan.

Tinupad nga ng babae ang pangako niya sa bata dahil nang tumuntong ito sa kanyang ika-labing walong taong gulang, pina-plastic surgery niya ito. Kuminis ang balat, pumantay ang mga mata at labi nito. Sobrang ganda ang kinalabasan ng operation sa dalaga. Halos maiyak siya nang makita ang sarili sa salamin.

“Sa wakas, hindi na ako ikakahiya ni Tatay.” maluha-luhang ika ni Sandra habang nakatingin sa salamin at hinahaplos-haplos ang mukha.

“Gusto mo bang umuwi ng Pilipinas anak para magpakita sa Tatay mo?” alok naman ng butihing umampon sa kanya, agad naman sumang-ayon ang dalaga saka siya niyakap ng mahigpit bilang pasasalamat.

Umuwi ngang Pilipinas si Sandra kasama ng kanyang tumayong ina, ngunit tila gumuho ang kanyang mundo ng masilayaan ang kalagayan ng ama. Buto’t balat na ito at tila hindi naaasikaso ang sarili.

“Tatay, ano pong nangyari sa inyo?” nag-aalalang sambit ni Sandra, saka niya nilapitan ang ama na nakahiga sa kanilang papag. Noong una ay hindi niya ito nakilala ngunit hindi kalaunan, napagtanto niyang ang anak niya ito.

“Anak ko! Napakaganda mo na!” sigaw niya ng puno ng kaligayahan, “Alam mo ba, sising-sisi ako bakit kita pinaampon kay Jelai, wala na kasing nag-aalaga sakin simula noong pumunta kang Korea. Gusto man kitang bawiin, wala akong magawa para makausap kayo. Ang hirap hirap mabuhay mag-isa. Napagtanto kong hindi mahalaga ang itsura mo, anak. Ang mahalaga ay makasama kita habang nabubuhay pa ako. Patawarin mo ang Tatay.” hagulgol ni Mang Toni saka siya niyakap ng anak.

Advertisement

Dahil sa kalagayan ng ama, pinakiusapan ni Sandra ang kanyang nanay-nanayan na manatili muna sila dito sa Pilipinas, laking pasasalamat niya nang pumayag ito kaya naman wala siyang minutong sinasayang para ipakita sa ama kung gaano niya ito kamahal kahit pa ikinakahiya siya nito dati.

Wala nang mas sasakit pa kapag kadugo mo na ang nagkaila sayo dahil sa panlabas na kaanyuan mo, masakit man ito at talagang nakakababa ng pagkatao, kailangan mo pa rin silang mahalin at tanggapin sa oras na wala na silang makapitan.