Dating Mabait at Matulungin ang Dalaga sa Lahat ng Tao; Bigla Itong Nagbago Matapos ang Isang Pangyayari

Si Luisa ay isang dalagang matagumpay sa kaniyang karera sa trabaho. Siya ay mag-isang namumuhay nang puman*w ang kaniyang mga magulang ngunit hindi niya nararamdaman ang pagiging mag-isa sapagkat marami siyang mga kamag-anakan at mga kasamahan sa trabaho sa kaniyang paligid. Lingid sa kaniyang kaalaman ay madalas lamang silang nagpaparamdam at umaaligid sa kaniya sapagkat siya ay madali nilang nalalapitan sa tuwing sila ay nangangailangan ng tulong o pabor.

“Luisa, baka naman mayroon kang ekstrang perang naitatabi diyan? May gusto kasing gadget ‘yung anak ko. Ang tagal niya na akong kinukulit tungkol dun kaso hindi ko pa talaga mabigay. Baka naman puwedeng pa-birthday mo na sa kaniya ‘yun?” hiling ng isang pinsan ni Luisa.

“Ay, ganun ba? Sige, ito oh. Pasabi na lang din happy birthday,” tugon ni Luisa.

“Luisa, hindi pa kasi ako nakakakuha ng graphic artist eh. Pero ‘di ba kaya mo naman ‘to? Madali lang naman ‘di ba? Baka puwedeng ikaw na lang ang gumawa? Baka kasi pagalitan na ‘ko ni boss eh,” pakiusap ng kasamahan ni Lusia sa trabaho.

“Ah ganun ba? Sige ako na ang bahala d’yan,” ang sabi ni Luisa.

“Luisa, baka naman merong bakanteng trabaho diyan sa kumpaniya niyo? Baka naman puwede mong ipasok ‘yung pinsan mo diyan?” tanong ng tiyahin ni Luisa.

“Sige po Tita, gagawan ko po ng paraan,” sagot ni Luisa.

Isang gabi ay naaksidente si Luisa habang papauwi mula sa trabaho. Malaking pinsala ang naidulot nito sa kaniyang katawan. Siya ay naoperahan at matagal na nanatili sa ospital.

Advertisement

Bagaman hindi pa rin siya makalakad pagkalabas ng ospital ay kinailangan niyang kumuha ng nurse na aagapay at mag-aasikaso sa kaniya sapagkat wala ni isa sa kaniyang mga kamag-anakan ang nag-alok na siya ay tulungan o agapayan sa kaniyang kalagayan.

‘Di nagtagal ay natanggal siya sa trabaho sapagkat hindi pa rin maayos ang kaniyang kalagayan at mahigit isang buwan na siyang hindi nakakapasok.

Nang dahil dito ay unti-unting naubos ang ipon ni Luisa. Umabot sa punto na kinailangan niya nang pahintuin sa trabaho ang kaniyang nurse kahit medyo hirap pa siyang makalakad at kumilos.

Sa mga panahong ito naramdaman ni Luisa ang pag-iisa. Tila ba’y nalimutan siya ng kaniyang mga kamag-anakan at mga dating kasamahan sa trabaho matapos mawala ang lahat sa kaniya at wala na siyang maibigay sa kanila.

“Matapos ang lahat ay hindi ko akalaing magagawa nila ito sa akin. Para silang mga bulang biglang naglaho nang mawalan ako ng kakayahan at salapi. Para ko lang sinayang ang lahat ng panahon, pagmamahal at pag-aalalang pinakita ko sa kanila noon. Sana ay hinayaan ko na lang silang lahat noon. Mali rin siguro ako para isipin na hindi nila ako pababayaan dahil sa pamilya na ang naging tingin ko sa kanilang lahat. Mula ngayon ay sarili ko na lang ang iisipin ko. Tutal naman ay sarili ko lang din naman ang aasahan ko at wala nang iba,” ang sabi ni Luisa sa kaniyang sarili.

Mula noon ay naging malamig na ang pakikitungo ni Luisa sa lahat ng taong nakakasalamuha niya. Kahit na may nakikita siyang nahihirapan at nangangailangan ng tulong ay pinababayaan niya ito.

“Hirap na nga akong tulungan ang sarili ko, tapos tutulungan ko pa sila,” ang sabi ni Luisa sa sarili.

Makalipas ang mahabang panahon ay naging maayos na ang kalusugan ni Luisa. Bagaman salat na sa yaman ang dalaga ay agad siyang naghanap ng trabaho ngunit parati siyang nabibigo.

Advertisement

Isang araw, sa kaniyang paghahanap nang mapagkakakitaan ay nakaramdam nang pagkawalang pag-asa si Luisa. Siya ay napaupo na lamang sa gilid ng kalsada habang umiiyak.

Ilang saglit ay may batang musmos na lumapit sa kaniya.

“Ate, ‘wag ka nang umiyak. Heto tinapay. Hati na lang po tayo,” alok ng bata.

Napatitig sa pagtataka si Luisa.

“Kung hahatian mo pa ako diyan eh paano ka? Eh ‘di magkukulang na ‘yung pagkain mo at maya-maya ay magugutom ka na?” tanong ni Luisa.

“Ayos lang po ako. Puwede naman po uli akong magtrabaho mamaya sa pagbabantay ng mga sasakyan diyan sa parking-an para makabili uli ng tinapay,” sagot ng bata.

Napailing si Luisa at sinabi sa bata: “Alam mo bata, hindi ka dapat masyadong mapagbigay kasi aabusuhin ka lang ng mga tao. Tingnan mo ang nangyari sa akin. Napakabuti ko sa kanilang lahat noon pero nung naaksidente ako, naghirap at wala nang maibigay ay bigla silang nawala lahat sa paligid ko. Iniwan na lang nila ako at pinabayaan.”

“Huwag niyo po sanang isipin na lahat ng tao ay masama at mapang-abuso dahil sa isang parte ng buhay niyo na naranasan ito. Mayroon pa rin naman pong ibang mga taong may mabubuting puso. Huwag po kayong mawalan ng pag-asa. Darating din po sila sa buhay niyo. Manaig po sana sa inyong puso ang kabutihan na taglay niyo noon pa man,” pahayag ng bata bago ngumiti at iniwan ang dalaga.

Advertisement

Hahabulin pa sana ni Luisa ang bata upang isauli ang tinapay na bingay nito sa kaniya nang bigla siyang nakatanggap ng tawag mula sa kumpaniyang pinag-applyan niya nung isang araw:

“Hello? Is this Ms. Luisa Fuentes?”

“Yes po, ma’am,” sagot ni Luisa.

“Hi! I’ve reviewed your resume and I’ve also heard a lot about you from Manang Elena. Sa kaniya rin kasi kami umoorder ng mga lutong pagkain dito sa office for lunch,” ang sabi ng kaniyang kausap sa kabilang linya.

“Will you be able to start working for us by next week after completing the requirements that I will email you later?” tanong pa ng kausap ni Luisa.

“Yes, ma’am! Thank you so much!” ang sabi ni Luisa.

Matapos ang pag-uusap nila ng bago niyang boss ay agad niyang tinawagan si Manang Elena na dati nilang pinagoorderan ng mga lutong pagkain sa opisina. Labis niya itong pinasalamatan. Hindi niya akalaing si Manang pa ang magpapakita nang pagmamalasakit sa kaniya.

Kinabukasan naman ay agad na binalikan ni Luisa ang lugar kung saan nakilala ang musmos na bata upang pasalamatan sa mga sinabi nito sa kaniya at upang bigyan ng makakain. Pinagtanungan niya ito sa mga tao sa paligid at sa parking area na pinagtatrabahuhan nito ngunit walang nakakakilala sa batang ito hanggang sa may Aleng lumapit kay Luisa at sinabing nakita siya nito kahapon sa gilid ng kalsada na nakikipag-usap sa hangin. Ikinuwento nito na hindi lamang siya ang unang tao na naghanap sa musmos na batang inilarawan niya.

Advertisement

“Mukhang isa ka sa mga masusuwerteng tao na tinulungan ng batang anghel na ‘yun,” wika ng Ale bago ngumiti at lumisan.

Hindi nakaimik si Luisa. Siya ay napangiti na lang din at tahimik na nagpasalamat.

Nang dahil sa mahiwagang pangyayaring ‘yun at dahil sa kabutihang natanggap ni Luisa mula kay Manang Elena at sa mga bago nitong kaopisina ay muling nanumbalik ang pagtitiwala ni Luisa patungkol sa kabutihan ng mga tao. Muling bumalik ang dating mabuting kalooban ng dalaga. Mas naging maingat na siya upang hindi maabuso at mas sinala na niya kung sinu-sino ang mga tao mas karapat-dapat na tulungan.