Gumastos ang Ginang ng Daang Libong Piso Para Palitan ang Bag na Nawala Niya, Lubos ang Panlulumo Niya Nang Malamang Peke Lang Pala Ito

Malapit na magkaibigan ang magkapitbahay na si Angie at Vicky. Parehong may trabaho ang kanilang mga asawa at may tig-isang anak na lalaki. Hindi tulad ni Vicky, nakaka-angat sa buhay si Angie dahil isang engineer ang asawa nito at isang doktor naman ang anak na lalaki.

Isang araw, nabalitaan ni Vicky na may gaganaping high school reunion ang kanyang mga kaklase noong araw. Dahil sa kagustuhan niya na magmukhang mayaman sa tingin ng mga dating kaklase, naisipan niyang hiramin ang mamahaling Louis Vuitton bag ng matalik na kaibigan. Narinig niya kasi noong nakaraang araw habang kausap ni Angie ang isa pang kapitbahay na nasa P100,000.00 ang bili ng kanyang anak dito.

“Mare! May pabor sana akong hihingin. May reunion kasi kami ng mga kaklase ko. Alam mo naman! Dapat maganda. E yung binili kong damit, mukhang bagay na bagay doon sa bag mo. Pwede ko bang mahiram?” malambing na sabi ni Vicky kay Angie.

“Ayun ba? Oo naman. Ikaw pa ba? O sige, kunin mo lang doon sa kwarto ko”, agad namang pagpayag nito.

Tuwang tuwa si Vicky. Agad niyang pinaghandaan ang nalalapit na reunion. Labis itong nagpaganda at nagpa-salon pa.

Dumating na ang araw ng kanilang reunion. Gandang ganda si Vicky sa kanyang sarili, at mukhang mayaman talaga damit at bag na dala. Agad naman itong napansin ng mga kaklase niya.

“Bongga naman! Talagang maganda na ang buhay mo, ano?”, pagpuri ng isa niyang kaklase.

“Ganda naman ng bag mo, Vicky! Magkano ang bili mo d’yan?” tanong naman ng isa.

Advertisement

“Nako. P100,000.00 ang bili ko d’yan.” mayabang na sagot ni Vicky. Tagumpay ang kanyang pagpapasikat sa mga dating kaklase.

Nagka-yayaan silang sumayaw sa gitna ng stage dahil tumugtog ang mga kantang usong uso noong kabataan nila. Agad namang nagpuntahan ang lahat sa gitna ng stage at masayang nagsayawan. Iniwan ni Vicky ang kanyang bag sa ibabaw ng upuan, alam niyang wala namang kukuha dito dahil may tiwala naman siya sa mga kasama at may guard naman sa kanilang venue.

Matapos ang halos kalahating oras na sayawan, agad namang napagod ang magkakaklase. Nagpasya na silang maupo ulit dahil magkakainan na sa sosyal na buffet na nakahanda para sa kanila. Nanlaki ang mga mata ni Vicky nang makarating sa kanyang upuan.

“Nasaan?! ‘Yong bag ko? Nakita niyo?! Huy!” pasigaw na tanong ni Vicky. Kabang kaba na ito dahil hindi niya alam kung paano ito ipapaliwanag sa kaibigan. Alam din niyang hindi niya kayang palitan ito dahil sa pagkamahal mahal na presyo.

Naghanap naman agad ang mga kasamahan niya. Sa ilalim ng upuan, sa ilalim ng mesa, sa admin ng venue, sa ibang upuan at mesa doon. Lahat iyon ay tiningnan nila, ngunit nawala na ito. Agad naman niyang naisip na baka nakita sa CCTV kung sino ang kumuha, sa kasamaang palad ay hindi na raw pala gumagana ang mga CCTV sa lugar na iyon.

Galit na galit si Vicky. Hindi na niya inisip ang iisipin ng mga kaklase, nagsisigaw siya sa gitna ng venue at nanghiram pa ng mic upang inannounce ang nawawalang bag na hiniram niya lamang.

“Hoy kayo! Kung sino mang dukha ang kumuha ng bag ko, isauli mo na! Kapal ng mukha!” sigaw ng galit na galit na si Vicky sa microphone sa stage.

Imbis na nagkukwentuhan at nagsasaya ang lahat, nauwi na lamang sa paghahanap ng nawawalang bag ni Vicky. Ngunit sa kasamaang palad, matapos ang halos apat na oras na paghahanap ay bigo silang matunton ito. Napagdesisyunan na lamang ni Vicky na umuwi at gumawa ng paraan. Naisip niyang hindi niya pwedeng sabihin kay Angie na nawala niya ang bag nito dahil regalo ito ng kanyang anak at napakamahal nito.

Advertisement

Nang makauwi, agad niyang kinausap ang asawa niya. Ipinaliwanag niya ang nangyari.

“Mahal, bakit hindi mo na lamang sabihin kay Angie? Baka maintindihan naman niyang hindi mo ginusto ang nangyari.” tanong ng nag-aalalang asawa. Alam niyang hindi madali ang maglabas ng ganoong kalaking pera, na para lamang sa isang bag.

“Hindi mo ba naiintindihan? Please naman! Gawan mo ng paraan! Kailangan kong palitan yun! Magagalit sa akin yun ng sobra. O Diyos ko. Hindi ako mapapatawad nun.” sumamo ni Vicky sa asawa habang walang tigil ang pag-iyak.

Wala nang nagawa ang kanyang asawa. Mayroon silang ipon para sa pag-aaral ng kanilang anak sa kolehiyo, pero dahil nasa high school pa lang naman ang binata, naisip niyang baka pwedeng gamitin muna iyon. At dahil kulang pa iyon ng mga nasa P30,000.00, iniutang niya muna iyon sa isang kakilala.

Kinabukasan, agad pumunta ng mall si Vicky. Laking pasasalamat niya nang makita ang eksaktong bag ng kaibigan. Agad niya itong binili sa halagang P100,000.00. Matapos ay dumiretso na siya sa bahay ng kaibigan upang isauli ang bag.

“Mare! O bakit parang hingal na hingal ka? Saan ka ba nanggaling?” tanong ni Angie na nakitang kakaiba ang kinikilos ng kaibigan.

“Ah, wala naman Mare. Eto na nga pala ang bag na hiniram ko sa’yo. Salamat! Gandang ganda silang lahat.” pag-abot ni Vicky sa kaibigan.

“Nilinis mo pa, mare! Mukha tuloy bagong bago. Walang anuman, hiramin mo lang kung kailan mo gusto.” tugon ng mabait na si Angie.

Advertisement

Makalipas ang mahigit dalawang taon, sa wakas ay nakaraos na si Vicky at ang kanyang pamilya na mapalitan ang ipon para sa pag-aaral ng anak, pati na rin ang inutang niya na pangdagdag. Lubos ang pagsisisi niya sa ginawang kapabayaan.

Isang araw, nagkukwentuhan ang dalawa sa bahay ni Angie. Nang biglang maisip ni Vicky na umamin na sa ginawang pagkakamali sa kaibigan. Tutal ay nakabayad naman na siya sa mga utang nang dahil sa bag na iyon, sa tingin niya’y ayos na lang din na malaman ng kaibigan upang wala silang tinatago sa isa’t isa.

“Mare, alam mo ba? May aaminin ako sa’yo. Sana ‘wag kang magalit. ‘Yong bag na hiniram ko sa’yo noon? Nawala ko ‘yon.” pag-amin ni Vicky.

“Ha? Anong sinasabi mo, e binigay mo naman sa akin yun noon?” pagtataka ni Angie.

“Nako, sana nga ‘wag kang magalit. Kasi binili ko ‘yon para palitan. Rinig ko kasi nung nag-uusap kayo ng kapitbahay noon na mahal ang bili ng anak mo doon at pinag-ipunan talaga. Kaya hiyang hiya ako, na kahit magkautang ako e pinilit kong makabili.” hiyang hiyang pag-amin ni Vicky sa kaibigan.

“Hala! Diyos ko! Hindi ko ba nabanggit sa’yo?!” sabi ni Angie. Gulat na gulat naman si Vicky sa reaksyon ng kaibigan.

“Sa greenhills ko lang binili ‘yon! Kaya ko lang sinabi sa kapitbahay natin na mamahalin yun, e kasi saksakan ng yabang nun e. Pero, peke lang ‘yon! Class A! P2,500.00 lang yun! Diyos ko!” awang awa si Angie kay Vicky. Hindi siya makapaniwalang bumili pa ito ng mamahaling bag para lamang mapalitan ang mumurahin niyang bag.

Napanganga naman sa gulat si Vicky. Hindi siya makapaniwala sa narinig sa kaibigan. Hindi rin niya sukat akalain na pinilit niyang gumastos ng isang daang libong piso para sa bag na nasa dalawang libo lang pala. Kung nagsabi lang agad sana siya ng totoo sa kaibigan noon.

Advertisement

Wala nang nagawa si Vicky. Itinawag niya sa mall kung pwede pang i-refund ang bag, ngunit imposible na ito dahil mahigit dalawang taon na ang nakalipas noong binili niya ito. Pagsisisi na lamang ang nagawa niya.

Mula noo’y nangako sila na hindi na sila magtatago ng kahit anumang sikreto sa isa’t isa upang maiwasan ang mga ganitong pangyayari.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!