Sa Kwarto ni Nancy

“Uuwi ka na, Love?” ang tanong ni Nico sa kaniyang latest girlfriend na si Mitch, habang nagbibihis ito sa kaniyang harapan. Katatapos lamang nilang magpakasasa sa makamundo nilang gawain, ngunit agad na itong bumangon sa kama at nagsimulang magbihis.

“Yes, may trabaho pa kasi ako, e,” sagot naman nito.

Wala namang pagpo-protestang pumayag lang si Nico na umalis na ang nobya. Hinatid niya pa nga ito sa sakayan at hinalikan bago tuluyang umandar ang taxi.

Ngunit pagkaandar na pagkaandar pa lamang ng sinasakyan nito ay agad na niyang isinend sa cellphone number nito ang isang text message na kanina niya pa tinipa.

“Love, Iʼm breaking up with you..but itʼs not you, itʼs me.” sabay block ng number nito sa cellphone niya upang hindi na ito makatawag pa.

At sa isang iglap lang malaya na naman siyang maghanap ng ibang babae. Agad niyang kinontak ang kaibigan niya at nagpasundo siya patungo sa isang bar.

Tuwang-tuwa si Nico sa kasasayaw sa dance floor. May tama na siya ng alak noon. Napakaraming babaeng nagsasasayaw sa paligid niya at talaga namang ikinagagalak iyon ng babaerong binata.

Ngunit isang babae ang talaga namang pinakaumako sa kaniyang atensyon. Nakaupo ito sa isang sulok at nagmamasid-masid lang sa paligid. Nakasuot ito ng purong itim na ternuhang fit na sando at napakaiksing shorts na halos wala nang itinatago pa. Animo kinulang ito sa tela, iyon ang gustong-gusto ni Nico.

Advertisement

Agad niya itong nilapitan, “Hi, Miss!” bati niya.

“Hello, pogi,” sagot naman nito sa malambing na tono.

“Nico nga pala,” aniya pa sabay abot ng kaniyang kamay.

“Nancy,” muli ay sagot naman ng babae.

Iyon ang umpisa ng kanilang mga pag-uusap na maya-maya paʼy agad nang lumalim nang lumalim. Ilang sandali paʼy hindi na lang basta pag-uusap ang nangyayari sa dalawan nasa madilim na sulok ng lugar na iyon. Naglulumikot na ang kanilang mga kamay na kung saan-saang parte na ng kani-kaniya nilang katawan nakakarating. Kasabay iyon ng paglulumikot ng paksa ng kanilang pag-uusap.

Maya-maya paʼy nagkayayaan na ang dalawa na magkasarili sila upang isakatuparan na ang maruming paksang kanina pa nagiging dahilan ng kanilang pag-iinit.

Tila nahihipnotismong sumama si Nico kay Nancy. Umaasang muli na namang maiibsan ang init ng kaniyang katawan sa pamamagitan ng mga halik at haplos ng dalaga.

“Bilisan mo, Pogi, gutom na ʼko,” nakakagat-labi pang bulong ni Nancy sa kaniyang tainga na agad namang nakapaghatid ng excitement kay Nico. Dahil doon ay mas binilisan niya ang paglalakad.

Advertisement

Nakarating sila sa kwarto nito. Pagpasok pa lang ay may kung anong hindi magandang naramdaman na si Nico sa loob. Idagdag pa ang masangsang na amoy na agad na sumalubong sa kaniya, ngunit mas nangingibabaw pa rin ang kaniyang pagnanasang malasap ang langit sa piling ng dalaga.

Nagpatuloy siya sa pakikipaghalikan sa mapusok ring babae na animo takam na takam na sa kaniyang katawan. Hayag na hayag nang pareho ang kanilang kahubdan sa isaʼt isa na mas lalong nakadagdag ng pag-aalab sa nagaganap ngayon.

Nahiga na sa kama ang dalawa. Kasabay ng lalong pagtindi ng kanilang pag-iinit ay ang paglakas din ng samyo ng masangsang na amoy.

Nang hindi makatiis ay ihininto muna ni Nico ang ginagawa kay Nancy upang hanapin kung saan nagmumula ang amoy na iyon. Suminghot-singhot siya. Hinanap niya nang hinanap kung saan nanggagaling ang hanggang sa mapadako siya sa isang sulok ng kwarto..ganoon na lang ang kaniyang pagkagulantang nang makita ang ilalim ng kama!

Isang nabubulok na bangkay ng lalaking sobrang putla na ng hitsura!

Biglang napaharap si Nico kay Nancy na nooʼy nagsisimula na ring magpalit ng anyo. Matutulis at mahahaba ang ngipin at mga kuko. Kulubot ang balat na may maiitim na gilagid, dila at labi. Naglalaway ito na tila ba isang asong nauulol!

“A-Aswang!”

Naghihiyaw sa takot si Nico. Gusto niyang magtatakbo! Ngunit napakalakas ni Nancy kayaʼt wala nang nagawa si Nico kundi ang mabalot na lamang ng matinding takot at pangamba para sa kaniyang buhay.. hanggang sa isang maglakas na kalabog ang narinig nila.

Advertisement

Nilingon ni Nico ang pinanggalingan ng kalabog at halos mapahinga siya nang malalim sa nakita. Mga tanod iyon! Sa wakas ay ligtas na ang buhay niya. Mukhang narinig ng mga ito ang mga sigaw niya kanina.

Malaki ang aral na natutunan ng binata sa pangyayari. Sayang nga lamang at kahit kailan ay hindi na niya magagamit ang mga aral na iyon, dahil ngayon ay nakalagak na siya sa kulungan ng mga baliw. Nawala ang katinuan ni Nico, matapos ang nakatatakot na pangyayari sa kaniyang buhay.