Ipinagpalit ng Mister ang Misis sa Dating Nobyang Nanloko sa Kanya, Nagdusa Siya sa Pagkakamaling Nagawa

Dalawang taon nang kasal sina Stephen at Lani at maayos naman ang kanilang pagsasama. Si Lani ang bumuo ng kaniyang pagkatao at ito rin ang muling nagpatibok ng kaniyang puso matapos itong mawasak nang ipagpalit siya ng dati niyang kasintahan sa isang mayamang binata. Si Lani din ang nagtulak sa kaniya na magsumikap kaya ngayon ay hindi na siya isang pipitsuging fishball vendor dahil mayroon na siyang sariling restaurant.

“Ginabi ka na naman. Kumain ka na ba? Sandali lang at iinitin ko yung pagkain.”

Nagpuyat na naman si Lani sa paghihintay kay Stephen. Hindi alam ni Stephen kung paano niya nahaharap si Lani na tila ba wala siyang kasalanan.

Anim na buwan na ang nakakalipas nang muling magkrus ang landas nina Stephen at Michelle, ang dati niyang kasintahan. Simula noon ay naging madalas na ang kanilang pagkikita. Aminado si Stephen na kahit mahal niya si Lani ay hindi nawala ang nararamdaman niya sa dating kasintahan.

Napatunayan ni Stephen na totoo nga ang kasabihan ng first love never dies dahil lalong lumalalim ang pagmamahal niya sa babae. At ang madalas nilang pagkikita ay nauwi sa isang bawal na relasyon.

Tatlong buwan nang niloloko ni Stephen ang kaniyang asawa. Tatlong buwan na siyang sumisiping sa iba. Gabi-gabi pa rin siyang umuuwi sa kanilang tahanan at sinisiguro ni Stephen na walang ebidensyang maiiwan sa kaniyang katawan sa tuwing nagkikita o nagsisiping sila ni Michelle. Ayaw niyang maghinala ang asawa. Ayaw niya itong masaktan. Kahit papaano ay malaki ang utang na loob niya rito.

Hindi bulag si Lani. Alam niyang may ibang babae ang kaniyang asawa. Natuklasan niyang may relasyon si Stephen sa dati niyang kasintahan nung aksidente niya silang nakitang naghahalikan habang pumapasok sa loob ng isang condo unit sa tapat ng pag-aari ng kanyang kaibigan. Ang paalam sa kaniya ni Stephen ay magca-cater siya sa isang kasalan sa Baguio pero ibang babae pala ang trinatrabaho nito.

Tiniis ni Lani ang pangbababae ng asawa. Naniniwala siyang siya pa rin ang mahal nito. Kung sakali mang dumating ang panahon na ipagtapat sa kaniya ni Stephen ang lahat at humingi ito ng kapatawaran ay handa siyang patawarin ito at kalimutan ang lahat alang-alang sa sanggol na nasa kaniyang sinapupunan.

Advertisement

Binigo ni Stephen si Lani nang iwan niya ito para sumama kay Michelle. Matapos niyang ipagtapat ang kaniyang kataksilan ay sinabi niya rin dito na inaasikaso na niyang ang kanilang annulment. Kahit pa nagmakaawa si Lani at lumuhod ito sa kaniyang harapan ay hindi nagbago ang kaniyang desisyon. Hindi na niya mahal si Lani. Si Michelle ang mahal niya.

“Malapit ka nang maging ama. Buntis ako.” Ang huling pag-asa ni Lani para siya ang piliin ni Stephen ay gumuho nang marinig niya ang sagot ng asawa.

“Buntis si Michelle at ako ang ama. Susustentuhan ko ang bata pero huwag mong ipapaalam sa kaniya na ako ang kaniyang ama. Ayokong masira ang pamilyang binubuo namin ni Michelle. As soon as ma-grant ang annulment natin ay magpapakasal na kaming dalawa.”

Pinalaya ni Lani si Stephen. Hindi na siya naghabol. Ngayon ay itutuon na lang niya ang buo buhay niya sa kaniyang anak. Siya ang tatayong tatay at nanay. Hindi niya hahayaang maramdaman nito na may kulang kahit na hindi buo ang kanilang pamilya.

Nagkamali si Stephen sa kaniyang desisyon na makipaghiwalay kay Lani. Ilang buwan pa lang nang pagsasama nina Stephen at Michelle ay nagsimula nang makaramdam ng pangungulila si Stephen. Palagi niyang hinahanap ang presensya at pag-aaruga ni Lani. Pero mas pinairal niya ang kaniyang pride. Mas pinili niyang panindigan ang kaniyang desisyon.

Lalong nagsisi si Stephen nang matuklasan niyang niloloko lang pala siya ni Michelle. Matagal na pala itong kasal sa iba. Ang mas malala pa ay hindi siya ang ama ng anak nito. Ipinagpalit ni Stephen ang kaniyang asawa’t anak para mabuhay sa isang kasinungalingan.

Hinanap ni Stephen si Lani para humingi ng tawad. Nais niyang buuin muli ang kanilang pamilya. Gusto niyang bumawi sa kaniyang mag-ina. Pero huli na ang lahat nang matagpuan niya ito. Heto sya ngayon, nakatanga sa loob ng simbahan habang kasalukuyang ikinakasal si Lani sa ibang lalaki.

Kung dati ay siya ang nagmamadali para mapawalang bisa ang kanilang kasal ngayon ay nangangarap si Stephen na sana ay siya na lang ang lalaking nasa harapan ng altar. Siya na lang sana ang lalaking pinakakasalan ni Lani. Siya na lang sana ang kinikilalang ama ng kanilang anak. Ngunit hanggang pangarap na lang ang lahat. Pangarap na kailanman ay hindi na matutupad.