Akala ng Matandang Kargador ay Habambuhay Nalang Siyang Mahirap, Nagbago ang Lahat nang Makilala Niya ang May-Ari ng Grocery

Akala ng Matandang Kargador ay Habambuhay Nalang Siyang Mahirap, Nagbago ang Lahat nang Makilala Niya ang May-Ari ng Grocery

InspiringStoriesSuccess

Nangangatog ang kalamnan na pinunasan ni Aling Telay ang kanyang pawis sa noo. Kanina pa siya nakakaramdam ng pagkahilo, palibhasa ay ni hindi pa siya nag-aalmusal.

Sa edad niya ay marami na ang sumasakit sa kanya, pero pinipilit pa rin ng ale na magbanat ng buto dahil wala naman siyang ibang aasahan.

Ang kanyang asawang si Arnold ay pumanaw isang taon na ang nakalipas sa sakit na pneumonia. Habang ang nag-iisa niya namang anak, si Anjo na binata na sana ngayon ay bigla na lamang nawala noong ito ay siyam na taong gulang pa lamang.

“Wow! Ang ganda nanay!” natatandaan niyang sabi ni Anjo, iyon ang umaga bago ito mawala.

“Gawa ni Nanay iyan. Nabili ko ang mga palamuti sa gilid ng simbahan,” nakangiting sabi niya. Itinuhog niya kasi ito ng bracelet na may nakasulat na pangalan nito.

Kung alam niya lang na iyon ang araw na mawawala sa kanya ang anak, sana ay hindi niya na ito pinayagang maglaro sa labas.

Halos mabaliw siya noon, lalo pag naririnig ang sabi-sabi na sindikato raw ang kumuha. Kaya nga umalis sila sa lugar nila at lumuwas rito upang makalimot.

“Ne, painom ha?” pakiusap niya sa isa sa mga tindera sa palengke.

Nakangiti namang tumango ito.

Matapos uminom ay ini-stretch niya ang mga braso, “May ipapabuhat ka ba?”

“Yang dalawang banyera po.” sabi nito, tapos ay inabutan siya ng kinse pesos na ibinulsa niya naman.

“Balikan ko nalang yang isa ha,” sabi niya. Marami ang napapatingin habang bitbit niya ang malaki at mabigat na banyera.

Paano kasi, dito sa Navotas Fish Port, siya lamang ang babaeng nagba-batilya. O sa madaling salita, kargador. Lahat ay lalaki na. Ano naman ang gagawin niya? Gustuhin niya mang magtinda ay wala naman siyang perang puhunan. Mahal pa ang pwesto sa palengke.

Nang matapos sa pagbubuhat ay muling tumigil sa isang gilid si Aling Telay, sumasakit ang balakang niya. Lingid sa kaalaman ng babae ay pinagmamasdan siya nina Dinio at Almar.

Kargador rin ang dalawa sa palengke pero walang masyadong kumukuha sa mga ito, pareho kasing malikot ang kamay.

“Tang*na, nadaig tayo ni tanda. Ang daming parokyano kahit na mabagal.” reklamo ni Almar.

“Ikaw kasi, bobo kang manguha. Halatang halata tuloy na tayo ang nagka-interes sa relo ni Martha,” sisi naman ni Dinio sa kasama. Noong isang araw lang kasi ay tinangka nilang nakawin ang gintong relo na padala ng asawa ng isa sa mga tindera.

Napatingin ang dalawa nang dumaan sa kalsada ang isang owner type jeep na may malakas na tugtog at makulay na tarpaulin.

“Malapit na! Grand opening! 50% off sa lahat ng items, presyong divisoria! Punta na sa Donald’s Grocery!”

Nagkatinginan silang dalawa, palibhasa ay pareho ang likaw ng bituka, isang ngiting tuso ang kumawala sa kanilang mga bibig.

“G*go, mag-apply tayong kargador. Tiyak na maraming makukuha diyan, kaysa papitik-pitik tayo rito. Isama na rin natin si Aling Telay,” sabi ni Dinio.

Naguluhan si Almar, “Bakit isasama natin? Eh kalaban nga natin ang matandang yan? Mamaya sumipsip pa yan doon eh!”

“Para pag nahuli tayo, sa kanya natin ibintang. Walang palag yan. O di nakalusot na tayo, na-dispatsa pa natin. Sakaling mawalan tayo ng trabaho sa grocery makakabalik tayo dito sa Fish Port na wala nang karibal, diba?”

Nagkasundo silang kumbinsihin ang ale. Hindi naman naging mahirap dahil natuwa pa nga si Aling Telay, sana ay mas malaki ang bigayan.

Pumayag naman ang management ng grocery na maghintay sila at tumambay sa labas, pero hindi raw obligasyon ng mga customer na bayaran sila. Kung magkano ang iabot, iyon lang. Bawal mamilit.

Unang araw ng paghihintay nila ay marami agad ang lumalapit kay Aling Telay, hindi dahil mas malakas ang ale- ang bagal nga nito eh, kundi dahil sa awa. Para kumita naman ang matanda.

Maba-badtrip na sana ang dalawa habang nakatanaw kay Aling Telay na abalang maglagay ng mga kahon sa tricycle nang tumigil ang isang magarang kotse sa kanilang harapan.

Bulungan ng mga tindera, ito raw ang may ari ng grocery. Maya-maya pa ay bumaba ang isang binata, nakangiti ito sa kanila.

“Pre, hindi ko na ila-lock ha? Makibantay nalang,may kukunin lang akong papeles sa loob.”

Tumango lang naman sina Almar at Dinio, ito na ang pagkakataon nila. Walang masyadong tao noon dahil siyesta time.

Mabilis nilang binuksan ang kotse at dinampot ang isang maliit na bag. Sa pagmamadali nilang magbungkal ng pera ay nagka-laglagan na ang mga gamit. Isa sa mga nahulog sa lupa ang luma at maliit na bracelet pambata.

Parang namalikmata si Aling Telay na lumuhod sa lupa at dinampot ang bracelet, hinaplos-haplos pa ang bawat letra: A N J O.

Di napansin ng dalawang lalaki na nakalapit na pala sa kanila ang matanda.

Magtatanong palang sana ang babae sa dalawa nang biglang may magsalita sa likod, “What the f*ck are you doing?”

Nataranta ang dalawang kawatan at nilapitan ang may-ari, “Ser, pasensya na. Binabantayan namin ang sasakyan eh. Ito si lola tinangkang nakawin ang bag mo. Kakaagaw namin ayan napaupo na,”

Hindi naman makatingin si Aling Telay sa may-ari, matinding hiya ang kanyang nararamdaman pero mas lamang ang pananabik dahil nakita niya ang bracelet.

“S-Ser, sorry ho. Maniwala ho kayo, hindi ho ako nagtangkang magnakaw. Sa tanda kong ito ay marangal akong nagtatrabaho. Pero, mawalang galang na, saan nyo ito nakuha?” tanong ng matanda at unti-unting tumingala.

Nagkagulatan sila ng kaharap.

“Nanay?”

“Anjo!”

Mahigpit na nagyakap ang mag-ina na kay tagal pinaglayo ng panahon. Nahagip ng sindikatong nangunguha ng bata si Anjo, mabuti na lamang at isang mabuting mag-asawa ang kumupkop sa kanya. Umayos ang kanyang buhay pero kulang pa rin dahil wala ang kanyang nanay.

Kaya sobrang saya niya dahil nagkita sila ulit.

“Halos ikamatay ko noong mawala ka anak..” hindi pa rin makapaniwala si Aling Telay at hinahaplos-haplos pa ang pisngi ng kanyang Anjo, na ngayon ay binata na.

“Itinago ko po ito, alam ko kasing magkikita tayo ulit,” sabi ng lalaki at iniangat ang bracelet.

Tatakbo pa sana ang dalawang kawatan pero maagap ang mga tauhan ni Anjo sa grocery, nakulong sina Dinio at Almar.

Inialis na ng binata ang kanyang ina sa lugar na iyon. Binawi nila ang maraming oras na malayo sila sa isa’t isa.

More Stories