Umakyat ang Magkakaibigang Ito sa Isang Bundok upang Mag-camping; Ngunit Iba na ang Ikinikilos ng Isa sa Kanila nang Sila ay Bumaba

Napakahilig ng magbabarkadang sina Carl, Fredo, Dan at Shawn na pumunta sa mga kabundukan at doon ay mag camping ng ilang araw. Ngunit imbes na pangalagaan ang kalikasan ay nagiiwan pa sila ng ikasisira nito.

“Carl, paabot naman niyang yosi sa tabi mo,” wika ni Fredo.

“Oh, ano ba to Dan yung kalat mo nasa tent ko,” sigaw ni Carl

“Hagis mo na lang diyan sa labas! Ang arte nito,” sagot naman ni Dan.

Pinagpagan ni Carl ang kaniyang tent at itinapon ang ilang upos ng sigarilyo, mga balat ng sitsirya at mga resibo sa may puno katabi ng kaniyang tent. Kinagabihan ay nag-inuman ang magkakaibigan, matapos nito ay basta na lamang nilang inihagis ang mga bote ng alak sa katabing sapa.

“Oy dito lang kayo ha, magbabawas lang muna ako doon sa may damuhan,” wika ng lasing na si Shawn.

“Saan naman kami pupunta? Sa tabi mo?” pabirong sagot ni Fredo saka nagtawanan silang lahat.

Nagkanya-kanyang pasok na sila sa kanilang mga tent at nagsitulog. Hindi na nila hinintay si Shawn dahil sanay naman din itong mag-isa sa kagubatan. Magaalas-otso na ng umaga nang magising ang apat. Sinimulan na nila ang paghahanda ng kanilang almusal.

Advertisement

“Shawn, ang tahimik mo ata, ayos ka lang?” tanong ni Dan.

“Oo ayos lang ako, oh ano ba ‘yan bakit diyan niyo hinagis ‘yong balat ng itlog? Ang kalat niyo talaga!”

Nagkatinginan na lamang ang tatlo dahil hindi naman ganoon ang pag-uugali ni Shawn. Ito pa nga ang pasimuno ng kanilang pagkakalat, paguukit nila ng mga imahe sa puno at pagsira ng ilang magagandang halaman na nadadaanan nila.

Pinanood lamang nila ang kaibigan na kumuha ng isang plastik at pinagpupulot ang mga kalat sa kanilang paligid.

“Mula ngayon wag na kayong magkakalat ha, ito ang plastik, diyan niyo ilagay ang basura at dalhin natin pagbaba.”

“Uy ang weird mo Shawn, may lagnat ka ba? Ikaw pa nga naghagis niyang bote na yan kagabi,” wika ni Carl

Laking gulat niya nang lapitan siya ni Shawn, nanlilisik ang mga mata nito at galit na galit na lumapit sa kaniya. Halos hindi na niya makilala ang kaniyang kaibigan.

“Teka lang Shawn relax ka lang, sige ito tutulungan ka na lang naming maglinis,” wika ni Fredo.

Advertisement

Naguguluhan man ang tatlo ay sabay-sabay silang kumuha ng mga plastik at sinimulan ang pamumulot ng basura. Nang makitang nakalayo na si Shawn ay nagbulungan sila.

“Ano bang nangyari dun? Kagabi normal naman siya eh, paggising niya iba na ang awra niya,” tanong ni Carl.

“Ewan ko, hayaan mo na baka tinotopak lang yun,” sagot naman ni Dan.

Nang matapos sila ay saka sila kumain ng agahan. Inumpisahan na rin nila ang kanilang pagiimpake upang maagang makababa ng kabundukan. Nang maiayos ang mga gamit ay naglakad na sila pababa ng bundok, dala pa rin ang mga basurang nasa plastik.

“Ano ba to Fredo, mukha naman tayong magbabasura nito may dala pa tayong mga boteng walang laman.” bulong ni Carl.

“Sshh, pag nakatalikod na si Shawn mamaya sa paanan ng bundok ihagis mo na lang ulit.”

Ganun na nga ang ginawa ng dalawa, nang makalingat si Shawn ay inihagis nilang ulit ang mga plastik ng basura sa kabundukan. Ipinagpatuloy nila ang paglalakad ngunit hindi pa man sila nakakalayo ay may matandang lalaki na lumapit sa kanila. Hinarang nito si Shawn at hinawakan sa braso.

“Bumalik ka, iwan mo ang katawan ng batang iyan,” sigaw ng matanda.

Advertisement

“Manahimik ka, wala kang alam, tanda!” sagot ni Shawn.

“Sino ka? Bitawan mo si Shawn, sigaw ni Dan.”

“Hindi niyo naiintindihan, ibang nilalang na ang nakatira sa katawan ng kaibigan niyo, hindi na siya iyan! Kung aalis kayo ngayon ay tuluyan na siyang mawawala,”

Labis na kinilabutan ang tatlo habang tinitingnan ang galit na galit na si Shawn, pinaanyayahan sila ng matanda sa kaniyang tahanan habang sapilitan nilang hinihila ang kaibigan. Sa isang upuan ay itinali nila ito upang mapigilan sa pagwawala.

“Sabihin mo sa akin maligno, bakit ka naninirahan sa katawan ng batang ito?” tanong ng matanda.

“Mga wala silang respeto sa kalikasan, hindi na nila iginalang ang tahanan ko, tinuturuan ko lamang sila ng leksiyon!”

“Kaya sasama ka sa kanilang pag-alis? Hindi ba’t dito ang tahanan mo?”

“Iiwan ko na dapat ang katawang ito oras na makababa kami ng bundok, ngunit ibinalik nila ang kalat na ipinapulot ko sa kanila. Akala niyo hindi ko alam? Ihinagis niyo ulit ang mga basura!” sigaw niya sa kanila.

Advertisement

Nagwawala na ang maligno at hindi na ito mapigilan ng tatlong lalaki, pinayuhan sila ng matanda na humingi ng tawad at ipangakong hindi na uulitin ang mga ginawang kasalanan.

“Patawad, patawarin mo kami, hindi naman namin intensyon na sirain ang tahanan mo,” wika ni Fredo.

“Hindi na kami uulit pangako, ibalik mo lang si Shawn sa amin,” ayon kay Dan.

“Makakaasa ka magiging malinis na kami sa kapaligiran,” pangako ni Carl.

Tinitigan lamang sila ng maligno, maya-maya pa’y nawalan na ito ng malay at halos bumagsak na ang katawan ni Shawn.

“Anong nangyari?” tanong ni Shawn.

“Hindi mo ba natatandaan?” tanong ni Carl.

“Nakababa na kayo ng bundok iho, sinaniban ka ng isang maligno, sa inyong apat, sana ay magsilbi itong leksiyon, maaring hindi niyo nakikita ang ibang nilalang sa paligid pero nariyan lamang sila, kaya matuto kayong gumalang sa kalikasan,” habilin ng matanda.

Advertisement

Nagpasalamat muna ang tatlong magkakaibigan sa matanda bago nagpatuloy sa kanilang pag-uwi. Sa sobrang takot ay hindi na sila muling bumalik sa bundok na iyon. Ngunit tinupad nila ang kanilang pangako na hindi na muling magkakalat ng basura sa kapaligiran.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.