Kahit Marami Nang Perang Naipon ang Lalaki ay Iniwan Pa Rin Siya ng Nobyang Matagal nang Karelasyon, May Mabigat Palang Dahilan ang Dalaga

Simula 4th year highschool ay magnobyo na si JM at Ariella, hanggang ngayong 3rd year college na ang dalawa. Pareho sila ng pinapasukang unibersidad pero magkaiba ang kursong kinukuha, Engineering si JM habang Education naman si Ariella dahil nais nitong maging guro. Dahil limitado lang ang pera nila, nakukuntento na ang dalawa na mag-date sa park habang kumakain ng fishball na may gulaman bilang panulak, masaya na sila sa ganoon basta magkasama.

“Babe, ano kaya ang feeling ng kumakain sa sosyal na restaurant no?” tanong ni Ariella habang ngumunguya ng kikiam.

“Sus, nagpaparinig ka lang eh.” biro ni JM.

“Huy hindi ah, naiisip ko lang. Kasi tignan mo, nakikita ko sa TV parang ang romantic. Iyon bang kumakain tapos may kandila sa mesa, tapos may wine at parang may mga dahun dahon na sosyal yung pagkain. Masaya siguro no?” sabi ng babae.

“Hayaan mo, makakakain din tayo sa ganyan. Tyatyagain natin,” sabi ni JM at inakbayan ang nobya.

Makalipas ang tatlong taon.

Isa nang ganap na Engineer si JM at dahil magaling ang lalaki ay marami ang kumukuha sa kanya, kahit yata Linggo ay okupado siya ng mga kliyente. Minsan na lang sila magkita ni Ariella pero tinetext niya naman ang babae at palaging pinapadalhan ng mamahaling bulaklak.

Kapag nagkikita sila ay dinadala niya ito sa pinakamahal na restaurant at manonood sila ng sine bago niya ito ihatid pauwi, hindi niya lang maintindihan nitong nakaraan kung bakit matamlay ang babae at parang lumilipad ang utak kahit pa kausap na niya ito. Inisip ni JM na baka maraming activity sa school dahil isa na itong teacher.

Advertisement

Lumipas pa ang ilang buwan at padalang na nang padalang ang kanilang pagkikita, hindi naman pumalya si JM sa pagpapadala ng mamahaling mga regalo. Nagulat siya isang araw nang humiling ang babae na magkita sila dahil sobrang importante raw, tatanggi sana si JM pero sabi ng babae ay ngayon lang naman daw ito hihiling ng ganoon at di na mauulit kaya pumayag na siya.

“Ano?! Bakit, anong problema mo? Bakit ka nakikipaghiwalay?!” gulat na sabi ni JM matapos sabihin ng nobya na ayaw na nito, narito sila ngayon sa isang restaurant.

“Hindi mo naman maiintindihan JM,” sagot ng babae.

“Ah talagang hindi, kasi binibigay ko naman sayo lahat, mamahaling regalo, eto! Candlelight dinner tulad ng hiniling mo noon! Bulaklak, chocolate lahat, ano pang kulang?” naguguluhang tanong niya.

“Fishball, at ikaw. Oras mo, masyado kang natuon na kumita ng pera nalimutan mo na kung saan tayo masaya. Kahit nga sa park mo lang ako dalhin noon kuntento na ako, ayaw ko ng mamahaling mga regalo. Gusto ko ikaw pero di mo yon nakita JM, sorry.” sabi nito at tumayo na, naiwang nakatulala ang lalaki.

Naisip niyang tama ang babae, sa kagustuhan niyang kumita ng pera nawalan na siya ng oras para dito. Nawalan ng saysay ang mga pinag iipunan niya. Binigyan niya muna ng oras ang nobya na mag-isip-isip, tapos ay muli niyang kinausap ito para humingi ng isa pang pagkakataon. Hindi naman siya binigo ng babae.

Di nagtagal ay nagpakasal sila at natuto na si JM na i-balance ang kanyang trabaho at personal na buhay.

Walang masama sa paghahangad na kumita, wag lang sana natin kalimutan ang mga pangunahing bagay na nagpapasaya sa atin. Dahil ang pera, mabilis kitain. Pero ang mga taong nagmamahal sa atin, minsan lang dumating sa buhay natin.

Advertisement

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!