Inday Trending

Inday Trending

Nagtanim ng Galit sa Diyos ang Lalaki Dahil Lahat Nalang ay Kinuha Nito, Isang Malaking Biyaya Pala ang Nakahandang Ipagkaloob sa Kanya

Nagtanim ng Galit sa Diyos ang Lalaki Dahil Lahat Nalang ay Kinuha Nito, Isang Malaking Biyaya Pala ang Nakahandang Ipagkaloob sa Kanya
InspiringMiracleStories

Gusto nang sumuko ni Domingo sa kaniyang pag-aaral at magtrabaho na lamang para sa kaniyang pamilya. Panganay kasi ang lalaki at ngayon ay malaking dagok sa buhay ang kanilang pinagdaraanan.

“Anak, huwag mong ihinto ang buhay mo nang dahil lang sa akin. Malapit na akong mawala at kailangan mong mas maging matatag kaya dapat makapagtapos ka,” saad ni Mang Berto, ang tatay ng binata.

Halos limang taon na itong nakikipaglaban sa sakit. Marami nang komplikasyon ang matanda at dahil kapos sa pera ay hindi na nila maipagamot pa sa ospital. Mas pinili na lang na sumubok ng mga natural na halamang gamot.

“Aanhin ko ang diploma ‘tay kung wala kana. Nang dahil sa akin, nang dahil sa kagustuhan kong magka-diploma ay mawawalan naman ako ng ama. Pati mga kapatid ko mawawalan ng isang mabuting ama,” matigas na saad ng binata habang pinipigilan nitong tumulo ang kaniyang mga luha.

“Anak, hindi totoo iyan. Alam mong kagustuhan nating lahat ang makapagtapos ka. Kaya wag mong sayangin anak, ilang buwan na lang at makaka-graduate kana. Iyan lang ang tanging maipapamana ko sa’yo,” saad ng matanda habang ito ay umuubo.

Masakit man para kay Domingo ngunit pinaalis pa rin siya ng ama para pumasok sa eskwela. Pagiging Civil Engineer ang kursong kinuha nito sa Maynila at ngayon, ilang buwan nalang ang hinihintay ay abot kamay na niya ang pangarap. Kaya katulad ng sinabi ng kaniyang ama ay mas tinatagan pa niya ang loob- hinarap ang araw-araw na may ngiti at positibong pananaw na mapagagamot din niya ang tatay.

Image courtesy of www.google.com

Matagal nang nilisan ng kaniyang ina ang mundong ibabaw, namaalam ito noong ipinanganak ang bunso niyang kapatid. Dahil sa bahay lang ito nanganak, labis na dugo ang nawala sa ale na naging sanhi ng maagang paglisan. Ganoon rin ang sanggol, ilang oras lang ang itinagal nito.

Matindi ang sikat ng araw, tumatakbo si Domingo pauwi sa kanilang bahay at bitbit ang kaniyang diploma. Malayo pa lamang ay sumisigaw na siya sa saya.

Image courtesy of www.google.com

“Itay! Nakapagtapos na ako! Mga kapatid!” sigaw ng binata ngunit nakapagtatakang walang lumalabas sa kanilang bahay upang salubungin siya. Kaya agad siyang pumasok sa kanilang tahanan.

“Ano’ng nangyari Vincent?” tanong ni Domingo sa kaniyang kapatid. Nakita niyang tulog ang ama ngunit umiiyak ang mga ito kaya dali-dali niyang binitiwan ang diploma at niyakap ang ama para gisingin.

“Tay, andito na si Domingo mo. Naka-graduate na ako. Gising na ‘Tay!” sigaw ng binata sa kaniyang ama. Unti unting nawala ang ngiti ng binata nang mapansing wala nang hininga ang matanda.

Image courtesy of www.google.com

“Kuya, hindi na niya kinayang hintayin ka pa. Wala na si tatay, hindi na siya nagising pa kaninang umaga,” saad ng kaniyang kapatid.

Sabay- sabay nilang niyakap ang kanilang ama, alam nilang maayos at masaya itong namaalam sa mundo dahil kahit nasa kabaong na ang matanda ay nakangiti at maaliwas ang mukha nito.

Hindi na nakapag- enroll pa si Domingo sa review center para sa kaniyang board exam dahil naubos ang pera niyang ipon sa pagpapalibing sa kaniyang ama at ngayon naman sa pag-asikaso niya sa mga kapatid.

“Kuya, ngayon ang araw ng exam mo. Kumain ka muna nitong kamoteng inihanda namin para may laman ang sikmura mo,” pahayag ni Balong, ang isa pang kapatid ng binata.

Image courtesy of www.google.com

“Salamat, kahit naman mag exam ako ngayon alam kong hindi ako papasa,” malungkot na saad ni Domingo sa kapatid.

“Kuya, magtiwala ka lang sa Panginoon at hindi Niya tayo papabayaan,” baling namang muli ni Balong. Ngumiti na lamang si Domingo.

Pagdating ni Domingo sa pagsusulit at handa na siyang sagutan ang mga tanong, doon niya napagtantong wala siyang dalang calculator at ang ballpen niyang gamit ay malapit nang maubos.

“Ito na ba talaga ang paraan Mo para patigilin na ako sa paniniwala ko Sa’yo at sa mga pangarap ko?” tanong ng binata sabay tingin sa itaas. Alam niyang hindi siya sasagutin ng Diyos ng mga oras na iyon. Halos sampung minuto rin siyang nakayuko at nawalan na ng pag-asa.

“Bahala na, andito na rin naman ako. Bahala Ka na kung ano ang gusto Mong mangyari sa amin ng mga kapatid ko,” bulong pa niyang muli saka siya bumalik sa test paper at kahit walang calculator ay ginawan niya ng paraan na masagutan ang mga kumplikadong tanong sa pagmamano-manong kwenta. Hindi niya inaasahang aabot pa siya sa oras dahil sa hirap ng kaniyang mga sinagutan.

“Kuya kamusta ang exam mo?” salubong na tanong sa kaniya ng mga kapatid.

“Wala, wala na tayong pag-asa. Hindi na magiging engineer ang kuya ninyo. Samahan niyo na lang ako sa palayan at magsaka na tayo,” diretsong sagot ni Domingo sa kapatid.

Habang naglalakad siya ay umaagos ang kaniyang luha.

“Hindi mo man lang ako pinagbigyan sa kahit anong hiling ko. Una sa nanay at sa kapatid ko, sumunod sa tatay ko, kahit man lang sana maipakita ko yung diplomang hinintay niya hindi mo pa pinagbigyan. Ngayon naman sa exam ko! Sana hindi mo nalang ako pinahirapan ng anim na taon para sa wala!” galit na pahayag ni Domingo.

Pakiramdam ng lalaki ay pinabayaan siya ng Diyos at wala nang hiling na dininig ito mula sa kaniya. Kaya ngayong araw ay napagpasyahan niyang mamuhay na lang sa probinsya at kalimutan ang lahat ng kaniyang mga pangarap.

Isang umaga, pumunta ni Domingo sa bayan para bumili ng bagong tsineles para sa mga kapatid at bumili na rin ng kanilang tanghalian.

“Domingo, congrats!” wika ng isang tindera, ngumiti lamang ang binata sa sinabi ng ale kahit pa nga hindi naman niya naiitindihan kung bakit. Ngunit hindi lamang isang tindera ang bumati sa kaniya, maging ang ibang aleng kaniyang nasasalubong.

Agad niyang kinuha ang diaryo at naalalang ngayon nga pala ang labas ng resulta sa mga bagong enhenyero.

Agad niyang hinanap ang kaniyang pangalan at bumagsak ang kaniyang luha at napaluhod ang binata.

Image courtesy of www.google.com

“Paano nangyari ito?” sambit niya sa sarili at tumakbo pauwi para balitaan ang kaniyang mga kapatid.

“Kuya nabalitaan namin sa mga kapitbahay natin. Sabi ko naman sa’yo kuya e hindi ka papabayaan ng Diyos,” saad ni Balong. Niyakap ito ng mahigpit ni Domingo at tumingin sa langit.

“Sobra sobra ang binigay Mo sa akin, salamat dahil kahit nawalan na ako ng pag-asa Sa’yo ay hindi Mo pala ako tinalikuran,” pahayag niya.

Lumabas ang resulta at hindi lang basta nakapasa ang binata, siya pa ang top 1!

Ngayon ay isa nang matagumpay na engineer si Domingo.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

More Stories