Ang Maganda Kong Ina

Bata palang ay naiinis na si May sa mga pangangantiyaw na naririnig niya sa kanilang mga kapitbahay. Nagtatarabaho kasi ang kanyang Ina sa Japan at malaki kung magpadala ng pera.

Mula noong nasa elemantarya pa lamang siya hanggang ngayong nasa koleheyo na siya ay hindi pa rin ito tumitigil sa pagtatrabaho at hindi nagkukulang sa pagpapadala ng pera. Dumaan siya sa eskinita pauwi sa kanilang bahay nang marinig niya ang malakas na bulungan ng mga tsismosang nakatambay sa magdamag sa kanto.

“Naku! Iyang si May, magmamana din ‘yan sa kanyang Inang si Meanne. Magiging pokpok lang din ‘yan ng Japan. Tignan mo naman, kaya talaga siya pinag-aral ng kanyang Ina para huwag magaya ritong pokpok, pero kapag nananalaytay ang kalandian sa katawan ay ganoon rin ang bagsak niyan.” anang isang babaeng malakas pa sa bulong ang boses.

“Naku! Tama ka, pero atleast kahit pokpok si Maeanne ay napa-ganda niya ang kanilang barong-barong bahay noon,” segunda naman ng isa.

“Pero kahit na! Tks! Kung ako ang maghuhusga, mas maigi parin na iyong pinapakain mo sa iyong pamilya ay galing sa marangal. Hindi iyong galing sa pamomokpok,” anang isang babae na agad namang sinang-ayunan ng lahat.

Gusto niyang patigilin ang mga ito sa malakas na bulungan na animo’y sinasadya naman ng mga ito para marinig niya. Ngunit imbes na patulan ay mas minabuti na lamang niyang huwag kumibo, kaya dire-diretso na siyang naglakad upang mabilis na makauwi sa bahay nila.

“O! Meanne nandito na pala si May, kadarating lang.” Naririnig niyang masiglang sambit ng kanyang Lola.

“May, nais ka raw makausap ng iyong Mama.” sigaw nito sa kanya, ngunit animo’y walang naririnig at dire-diretso siyang pumasok sa kanyang silid.

Advertisement

Naiinis siya sa mga taong hinuhusgahan ang trabaho ng kanyang Mama, pero mas naiinis siya sa kanyang Ina dahil sa klase ng trabaho nito. Noon pa mang bata pa siya simula noong naghiwalay ang kanyang Papa at Mama ay marami na ang nanligaw sa kanyang Ina, ngunit kahit isa sa manliligaw niya’y wala itong sinagot.

Marami ang nagagandahan sa Mama niya dahil totoong napakaamo ng mukha nito, pero mas pinili ng kanyang Mama ang mag-abroad at mag-trabaho sa malayo upang matustusan ang pangangailangan nila. Simula noon ay lagi na siyang nakakarinig ng hindi magandang salita ng mga kapitbahay nilang mapanghusga at wala nang ginawa kundi ang bantayan sila. Lalong-lalo na noong naipagawa ng kanyang Ina ang maliit nilang bahay.

Makalipas ang dalawang Linggo

Nagtataka siya dahil ang daming tao sa bahay nila, wala naman siyang natatandaang meron silang panauhin o okasyon man lang. Mabibilis ang hakbang na pumasok siya sa loob.

“Surprise!” nakangiting mukha ng kanyang Mama ang sumalubong sa kanya sa may pintuan.

Gusto niyang matuwa ngunit may bahagi rin ng puso niya ang hindi masaya. Kaya hindi siya gumanti sa ngiting sinalubong nito. Sa halip ay nakasimangot niya itong nilampasan upang makaakyat na sa kanyang silid.

“Teka lang May,” pigil ng kanyang Mama. “Hindi ka ba masayang makita ako? Hinanda ko itong lahat para sa’yo, kasi alam kong matutuwa ka kapag nakita mo ako.”

“Hindi ako natutuwang makita ka.”

Advertisement

“Ano?” Nakangangang tanong ng Ina na halos mangiyak-iyak dahil sa sinabi niya.

“Uulitin ko pa ba? Hindi ako natutuwang Makita ka, bakit ka pa ba umuwi? Hindi ko naman kailangan ang presensiya mo. Sana doon ka nalang nanatili sa Japan, sapat narin naman sa’kin na pinapadalhan mo nalang ako ng pera. Tignan mo, nagpa-fiesta ka rito alam mo bang nagpi-fiesta rin ‘yong mga tsismosa nating kapitabahay.

Alam mo ba kung bakit? Dahil umuwi kana, umuwi na ang bigating pokpok ng Japan. Ah– sabagay, maganda ka naman kaya hindi mahirap sa’yo kitain ang pera. Ito,” turo niya sa nagaganap na kasiyahan. “Kita mo ba ito sa pagiging pokpok mo! Nagsisisi ako kung bakit ikaw pa ang naging Nanay ko. Ikinakahiya kita!” malakas siyang nasampal ng ginang.

“Hindi mo alam kung ano ang mga pinagsasabi mo, May!” Umiiyak nitong sambit. “Kung alam mo lang, kung alam mo lang kung gaano kahirap maghanap buhay sa ibang bansa matustusan ko lang ang pangangailan mo, ninyo. Tapos ganyan lang ang isasalubong mo sa’kin!” Dinuro-duro siya nito. Humahagulhol narin siya ng iyak.

“Kahit minsan, hindi ko pinatulan ang panghuhusga nila sa’kin dahil kilala ko ang sarili ko. Ni minsan hindi ako nagpa-apekto sa kanila dahil mas mahalaga kayo sa’kin. Mas iniisip ko ang kinabukasan niyo, naglilinis ako ng halos limang bahay sa isang araw doon sa Japan, maipadala ko lang ang perang bubuhay sa inyo. Kumakayod ako nang marangal at hindi ginagamit ang aking dangal. Tapos iyan lang ang maririnig ko sa’yo!” umiiyak nitong wika.

Ang kasiyahan ay napalitan ng iyakan. Hindi na makapagsalita si Meanne sa kakaiyak. Buong puso namang nakonsensiya siya dahil sa mga masasakit na salitang namutawi sa kanyang bibig. Dapat pala ay hindi niya agad hinusgahan ang sariling Ina.

“S-sorry Ma,” mahina niyang bigkas at lumapit rito upang yakapin. “Patawarin niyo po ako Ma.”

Mula noon ay mas naging malapit si May sa Mama niya, nakaririnig pa rin siya ng mga tsismis pero hindi niya na hinahayaang pumasok iyon sa utak niya. Dahil alam na niya ngayon na ang kanyang ina ay mabuting babae at ginagawa lamang ang lahat para sa kanya. Sinuklian niya iyon sa pamamagitan ng pag aaral ng mabuti.

Advertisement

Images courtesy of www.google.com

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!