Darating Sila sa Espesyal Kong Araw

Ilang araw na lang at magaganap na ang matagal nang pinakahihintay ni Rose Ann, iyon ay ang magmartsa at umakyat sa entablado para kunin ang kanyang diploma. Magtatapos ang dalaga sa kursong Arkiterktura na matagal na niyang pangarap na makamit. Ilang taon niyang pinagsumikapan na magsunog ng kilay at ito na nga, malapit na niyang maabot ang kanyang pinakaaasam-asam ngunit sa lahat ng magtatapos sa taong iyon ay si Rose Ann ang malungkot dahil sa nalalapit na espesyal na araw sa buhay niya ay hindi kumpleto ang kanyang mga mahal sa buhay.

“O, apo bakit nakabusangot na naman ang mukha mo? Di ka ba masaya dahil ilang araw na lang at ga-gradweyt ka na sa kolehiyo. Pagkatapos ay kukuha ka ng board exam. Tiyak kong maipapasa mo iyon at magiging ganap na arkitekto ka na talaga,” wika ng kanyang Lola Remi.

“Hindi ko po kasi mapigilang malungkot, lola dahil magtatapos ako sa kolehiyo na hindi ko man lang makakasama sina Papa, Mama at Ricky,” sagot ng dalaga.

“Huwag kang mag-alala, hindi man sila makadalo sa pagtatapos mo ay siguradong masayang-masaya sila sa iyo, apo. Saka hindi ka naman nag-iisa, narito ako. Pupunta ako sa espesyal na araw mo,” sabi ng matanda sabay yakap nang mahigpit sa dalaga.

Sa eskwelahan, habang nag-aasikaso si Rose Ann ng mga dapat ayusin sa nalalapit na pagtatapos ay nakasabay niya ang mga kaklase niyang sina Bernadette at Ylona.

“Rose, balita ko candidate ka for magna cum laude? Ang galing mo talaga girl!” masayang sabi ni Ylona.

“Naku, siguradong proud na proud sa iyo ang parents mo at ang lola mo!” tugon naman ni Bernadette.

Tanging ngiti lang ang naiganti ng dalaga sa dalawang kaklase. Mayamaya ay nagkuwento na ang mga ito kung ano ang mga balak kapag natapos na ang graduation nila.

Advertisement

“Ano ang balak niyo girls? Kami, pupunta kami sa beach kasama ko ang Mommy, daddy, mga kapatid ko at iba naming kamag-anak. Iyon kasi ang ipinangako sa akin ni daddy, e,” kuwento ni Bernadette.

“Kami naman, sabay-sabay kaming kakain sa labas at manoood ng sine,” sabad naman ni Ylona. “E, ikaw ano ang balak mo, Rose?” tanong nito.

“A, e baka maghanda na lang kami ni lola sa bahay,” aniya.

“Gusto mo sumama sa amin?” yaya ni Bernadette.

“Oo nga. Sama ka na lang din sa amin. Isama natin ang Lola Remi mo,” wika pa ni Ylona.

“Naku, huwag na! Nakakahiya sa inyo. Saka oras niyo iyon kasama ang pamilya niyo kaya ayokong makigulo. Huwag niyo ako alalahanin, kasama ko naman si lola, sabay din naming iseselebra ang espesyal nating araw,” sagot niya sa mga kaklase.

Nang makauwi sa bahay ay nagkulong si Rose Ann sa kanyang kuwarto. Hindi niya nagawang pigilin ang lungkot na nararamdaman. Bakit ba kasi hindi makakarating ang pamilya niya sa araw ng pagtatapos niya?

“Ang daya niyo naman!” bulong niya sa sarili habang humihikbi ngunit sa gitna ng kanyang pag-iisa ay may naisip na plano ang dalaga para makasama pa rin niya ang kanyang mga mahal sa buhay.

Advertisement

Isang araw bago ang nakatakdang araw ng kanyang pagtatapos ay muli siya kinausap ng kanyang lola.

“O, apo bukas na ang pinakahihintay mong araw. Nalulungkot ka pa ba?” tanong nito sa kanya.

“Hindi na po lola. Nakaisip na po ako ng paraan para makasama sina Papa, Mama at Ricky sa graduation ko,” aniya sabay hawak sa mga kamay ng matanda.

“Ha? P-paano naman, hija?” nagtataka nitong tanong.

“Ako po ang bahala. Siguradong darating sila at makakasama ko sila sa pagpapakuha ng litrato para may remembrance ako na kasama sila,” sagot ng dalaga.

Hindi naman makapaniwala si Lola Remi sa balak ng kanyang apo ngunit sinang-ayunan na lamang niya ito para kahit paano ay mawala ang lungkot ng dalaga.

Nang sumunod na araw ay masayang-masaya si Rose Ann dahil dumating na ang araw na pinakaaabangan niya. Suot na niya ang toga at nagsimula nang magmartsa paaakyat ng entablado para tanggapin ang kanyang diploma at medalya ng karangalan. Nang matapos ang seremonya ay agad niyang pinuntahan ang kanyang lola para yakapin ito.

“Binabati kita, apo! Hangad ko ang tagumpay mo!” masayang bati ni Lola Remi.

Advertisement

Mayamaya ay nakiusap siya sa isang niyang kaklase na kuhanan sila ng litrato sa pamamagitan ng cell phone. Laking gulat ng kanyang kaklase at iba pang taong naroon ang ginawa ni Rose Ann. Nagpakuha siya ng litrato kasama ang kanyang lola katabi ang life size na standee ng kanyang yumaong ama, ina at kapatid. Pinasadya niya talaga ang pagpapagawa sa mga standee para sa araw ng kanyang pagtatapos ay posible pa rin niyang makasama ang mga namayapa niyang mahal sa buhay. Maagang binawi ang kanyang mga magulang at kapatid sa isang aksidente na tanging siya lang ang himalang nakaligtas dalawang taon na ang nakalipas.

“Apo, hindi ko inakala na magagawa mo ito. Hinahangaan kita. Kahit paano ay natupad ang pangarap mo na makasama ang Papa, Mama at kapatid mo sa graduation mo. Siguradong proud na proud sila sa iyo, hija!” mangiyak-ngiyak na sabi ng kanyang lola.

“Para po sa inyo at sa kanila ang diploma at medalyang ito, lola. Mahal na mahal ko po kayo at mahal na mahal ko din po sila. Sana ay masaya po sila kung saan po sila naroon ngayon. Alam kong balang araw ay magkakasama-sama din tayo,” maluha-luhang tungon ng dalaga.

Hinangaan ng mga kaklase, mga guro at iba pang tao na naroon ang ginawa ni Rose Ann. Ipinakita ng dalaga na kahit hindi na niya makakasama ang mga magulang at kapatid sa pisikal na aspeto ay nakagawa pa rin siya ng paraan para makapiling ang mga ito sa araw ng kanyang pagtatapos.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!