Kinain ng Binatang Ito ang Isang Platitong Mani, Nagulantang Siya nang Malaman ang Kwento sa Likod ng mga Maning Ito

“O, pare, napadalaw ka? Wala naman kaming handaan ngayon, ha?” pabirong bati ng kaibigan ni June sa kaniya, isang araw umaga nang dalawin niya ito sa bahay.

“Hindi naman ako makikikain! Loko ka! Teka, maiba ako, may gagawin ka ba ngayon? Samahan mo naman ako ro’n sa bayan, bibili lang ako ng damit para sa interbyu ko bukas sa trabaho,” sagot niya, matapos niyang maupo sa silya sa bahay nito.

“Aba, himala! Napagpasiyahan mo nang maghanap ng trabaho!” biro pa nito saka nagtatatalon sa saya dahilan upang mapatawa na lamang siya.

“Oo nga, eh, napagtanto kong pabigat na talaga ako sa bahay namin! Ano, pupwede ka ba? Angas mo na lang ako sa motorsiklo mo, ha? Sapat lang ‘tong pera ko pangbili ng damit,” daing niya, kinindatan lamang siya ng kaniyang kaibigan saka inihagis sa kaniya ang susi ng motorsiklo nito.

“Walang problema, pare! Saglit, magbibihis lang ako. O, huwag ka nang mangalkal d’yan sa kusina namin, ha? Baka mahuli ka ni lola, yari ka na naman!” bilin nito sa kaniya.

“Oo na, dalian mo na!” sigaw niya dahilan upang magmadaling mag-ayos ang kaniyang kaibigan.

Simula pagkabata, mayroon lamang iisang kaibigan ang ngayo’y binata nang si June. Hindi dahil sa masama ang kaniyang pag-uugali, ito ay dahil simula nang sila’y magkakilala nito, tinanggap siya nang buong-buo nito.

Tinanggap nito ang kapilyuhan niya, ang pagiging tamad niya at ang kaniyang pagiging mahiyain sa iba. Ito ang naging dahilan kung bakit unti-unti, naging komportable siya sa pakikipagsalamuha sa iba at bukod pa ro’n, ito ang naging dahilan upang siya’y higit na magsumikap sa buhay. Naging maagang ang kaniyang buhay kolehiyo dahil sa naturang kaibigan. Bukod sa palagi siya nitong inaangkas sa motor dahilan upang siya’y makatipid sa pamasahe, lagi pa siyang tinutulungan nito sa kaniyang mga leksyon dahilan upang labis siyang magpasalamat dito.

Advertisement

At dahil nga palagi silang magkasama, tinuring na rin siyang apo ng lola nito na halos siya nang nag-alaga sa kanilang dalawa simula pa noong sila’y bata. Palagi silang hinahandaan ng pagkain nito at pinangangaralan tungkol sa buhay. Dahil nga siya’y may pagkapilyo, palagi niya itong kinukupitan ng pagkain kapag ito’y nakakatulog dahilan upang palagi siyang habulin nito ng walis tingting na labis niyang ikinatutuwa. 

Ngunit kahit pa ganoon, nakaramdam siya ng katamaran nang siya’y makapagtapos ng pag-aaral. Kung ang matalik niyang kaibigan ay dumiretso na agad sa pagtatrabaho, siya nama’y sa kama dumiretso upang humilata araw-araw dahilan upang sila’y magkawalay na at maging pabigat siya sa kaniyang pamilya.

Sa kabutihang palad naman, ilang buwan lang ang nakalipas, nakapagpasiya na siyang magtrabaho kagaya ng kaniyang kaibigan dahilan upang agad siyang maghanap ng mga kumpanyang naghahanap ng empleyado at sakto namang agad siyang nakahanap ng mapagtatrabahuhan. At dahil nga siya’y nagtitipid at nais magpaturo ng mga dapat isagot sa interbyu, agad niyang nilapitan ang kaniyang kaibigan.

Noong araw na ‘yon, habang nagbibihis ang kaniyang kaibigan, naggala-gala siya sa bahay nito hanggang sa nakaabot na siya sa kusina. Tila nagningning ang kaniyang mga mata nang makita niya ang isang platitong mani dahilan upang agad niya itong kainin. 

Ngunit bago niya pa maubos ang isang platitong mani, bigla na lang lumabas ng silid ang lola ng kaniyang kaibigan dahilan upang agad niyang lunukin ang nginunguyang mani. Hinahanda na niya ang sarili sa paghabol at pagbubunganga nito ngunit labis siyang nagulat nang bigla siya nitong abutan ng tsokolate.

“O, masyado ka talagang pilyo at matakaw, pati mga sinapa kong mani mula sa tsokolateng ito, kinain mo!” sigaw nito dahilan upang agad siyang mapatakbo sa lababo’t siya’y sumuka nang sumuka ro’n.

Hindi magkamayaw kakatawa ang kaniyang kaibigan habang kinukuhanan naman siya ng bidyo ng naturang matanda. 

“Lola naman! Bakit kasi hindi mo agad itinapon ‘yon!” sambit niya habang pinupunasan ang luha niya kakasuka.

Advertisement

“Aba, malay ko bang may dadating na pat*y gutom!” sambit pa nito saka humagalpak nang tawa dahilan upang mag-ihit na kakatawa ang kaibigan niya. 

Napatawa na lang din siya sa kalokohang ginawa niya at doon niya napagtantong tila na-miss niya ang ganitong klaseng pangyayari sa bahay na ito.

Mayamaya pa, nang siya’y mahimasmasan na, agad na niyang niyayang umalis ang kaniyang kaibigan at sila’y masayang namili ng kaniyang susuotin sa bayan.