“Nakabingwit ng Matabang Isda” ang Dalaga nang Magkaroon ng Mayamang Nobyo; Ito na Kaya ang Lalaking Magpapaligaya sa Kaniya Habambuhay?

“Nakabingwit ng Matabang Isda” ang Dalaga nang Magkaroon ng Mayamang Nobyo; Ito na Kaya ang Lalaking Magpapaligaya sa Kaniya Habambuhay?

HeartbreakingKarmaStories

Mataas ang ambisyon ni Nadine, 26 taong gulang, para sa kaniyang sarili kaya mataas din ang pamantayan niya sa pagpili ng magiging boyfriend. Kailangang ito ay guwapo, matipuno ang pangangatawan, at mayaman.

Hindi naman imposibleng magkandarapa ang mga lalaki kay Nadine lalo’t napakaganda naman talaga niya. Talagang nag-invest siya sa pagpapaganda upang matiyak na maraming tiyansang makabingwit ng mayamang lalaking magbibigay sa kaniya ng magandang buhay. Laki kasi siya sa hirap, at nais niyang patunayan sa kaniyang inang may iba nang pamilya, na kaya niyang tumayo sa sariling mga paa.

At hindi nga nabigo si Nadine. Isang mayamang lalaki na doble ang edad sa kaniya, ang naningalang-pugad sa kaniya. Matapos niyang magsaliksik sa buhay niya, napag-alaman niyang may-ari ito ng isang food chain at restaurants, at hiwalay sa asawa. Wala pang isang buwan, hindi na niya pinatagal. Sinagot na niya kaagad si Menandro. Lagi siyang sinusundo nito sa trabaho, kaya naman naging usap-usapan siya ng mga kasamahan.

“Girl, de-kotse ka na ngayon ah?” biro sa kaniya ng isang kasamahan.

“Oo nga! Naisuko mo na ba ang ‘Bataan?’ Baka mamaya may asawa na iyan,” ganting biro naman ng isa.

“Hoy, syempre inalam ko muna kung may sabit. Hiwalay na sa asawa. Diyan na nga kayo!” nakangiting sabi ni Nadine. Nariyan na kasi si Menandro.

“Hello, love! How’s your day?” tanong ni Nadine kay Menandro habang nasa loob ng kotse.

“Mabuti naman… well, I have a surprise for you,” sabi ni Menandro. Isa pa sa mga kinatutuwaan ni Nadine sa nobyo ay hindi siya nito dinadala sa mga pag-aari nitong food chain at restaurant. Dinala siya nito sa isang mamahaling restaurant. Matapos ang ilang kuwentuhan, binigyan siya nito ng isang credit card.

“A-ano ito, love?” tanong ni Nadine kay Menandro.

“It’s a credit card. Bilhin mo ang lahat ng gusto mong bilhin, my love. Ako nang bahala,” sabi sa kaniya ni Menandro.

“T-talaga ba? S-sigurado ka? Alam mo love, hindi mo naman kailangang gawin ito. Hindi naman pera ang habol ko sa iyo,” sabi ni Nadine subalit alam naman niyang labas sa ilong ang mga sinabi niya.

“I insist. Gusto ko happy ka lagi my love. Kaya lahat ng gusto mo, bilhin mo,” sabi ni Menandro.

At ganoon nga ang ginawa ni Nadine. Lahat ng mga naibigan niya ay binili niya magmula sa sapatos, damit, at bagong gadget. Maging ang mga panggrocery niya ay kinuha niya mula sa credit card na may mataas na credit limit. Nililibre rin niya ang mga kasamahan sa trabaho kapag lumalabas sila. Tunay na nagbuhay-prinsesa si Nadine.

“Nakabingwit ka ng matabang isda, girl!” biro sa kaniya ng kasamahan habang sila ay kumakain sa lunch break.

“Ano na nga palang nangyari doon sa boylet mo bago si Menandro? Yung akala mo mayaman pero hindi naman pala, kaya makalipas lang ng isang buwan ay hiniwalayan mo na,” tanong naman ng isa pa niyang kasamahan sa trabaho.

“Naku huwag na nating pag-usapan si Charles. Bad trip ako roon eh. Wala naman palang pera. Hindi siya nababagay sa akin. Thankful naman ako dahil kung hindi ko siya hiniwalayan, hindi ko makikilala si Menandro. Oh kita mo ngayon eh ‘di lumalangoy ako sa pera?” sagot ni Nadine.

Kaya naman isang araw, laking-gulat ni Nadine nang makipaghiwalay sa kaniya si Menandro nang malaman nito kung magkano ang inabot ng kailangan nitong bayaran dahil sa mga ginastos niya. Binawi rin nito ang credit card.

“S-sandali lang love, s-sabi mo kasi gamitin ko lang kung gusto ko…” nagkakandabulol si Nadine. Ayaw niyang mawala sa kaniya si Menandro dahil mawawala rin ang sustento nito sa kaniya.

“Oo, pero hindi ko akalaing ganiyan pala ang ugali mo. Tama nga si Charles. Isa kang manggagamit na babae! Pera lamang ang habol mo,” sabi ni Menandro.

Napamaang si Nadine nang banggitin ni Menandro ang pangalan ng dating kasintahan.

“C-Charles? B-bakit kilala mo si…”

“Oo, si Charles. Kaibigan ko siya. Alam mo ba kung anong nangyari sa kaibigan ko matapos mong paibigin at iwanan nang matuklasan mong hindi siya mayaman? Muntik na siyang magpatiwak*l at nadepress. Isa kang manggagamit, Nadine. Kung may delicadeza kang babae, hindi mo sasamantalahin ang pain na inihain ko sa iyo, na ibabalik mo sa akin ang credit card, at hindi mo ito gagalawin. Pero ang kapal ng mukha mo. Alam mo ba kung magkano ang inabot ng mga ginastos mo? Mga nasa kalahating milyong piso!” galit na sabi ni Menandro.

“S-sinasabi mo bang… h-hindi mo ako mahal at pinaglaruan mo lang ako? Na niligawan mo ako para iganti ang kaibigan mo?” naiiyak na tanong ni Nadine.

“Ano pa nga ba? Oo. Tama ka. Kaya magdusa ka ngayon. Bayaran mo ang mga kinuha mo sa akin, kundi idedemanda kita,” sabi ni Menandro.

Walang nagawa si Nadine kundi bayaran ang mga naiutang niya sa credit card ni Menandro. Ibinenta niya ang mga mamahaling bag, sapatos, at damit na binili niya gamit ang credit card nito; kung hindi ay idedemanda siya nito. Tumagal ng halos limang taon bago niya tuluyang mabayaran si Menandro sa kaniyang mga pagkakautang.

Napagtanto ni Nadine na mali ang kaniyang ginagawa na ang sukatan lamang sa paghahanap niya ng taong mamahalin ay pera. Natutunan niya ito sa mahirap na paraan.

More Stories