Masayang Nagkita-kita ang Magkakaibigan sa Taunan Nilang Pagtatagpo; ‘Di Nila Akalain na Hahantong sa Iyakan ang Masayang Tagpuan

Masayang Nagkita-kita ang Magkakaibigan sa Taunan Nilang Pagtatagpo; ‘Di Nila Akalain na Hahantong sa Iyakan ang Masayang Tagpuan

HeartbreakingStories

Piyesta na naman sa lugar ng isa sa magkakaibigan sa kolehiyo na si Dan. Gaya ng nakagawian, taon-taon ay magkikita na naman ang magkakaibigan sa bahay nila upang maki-piyesta at makapagkumustahan.

Pagkadating ng magkakaibigan kina Dan ay bahagya silang nagkumustahan bago pagsaluhan ang handa habang nagkukuwentuhan. Matapos kumain ay sinimulan na nila ang pagvi-videoke at ang inuman. 

Lahat sila ay nagkakasiyahan hanggang sa kalaliman ng gabi kung saan natuon sila sa inuman at seryosong usapan tungkol sa kanilang mga buhay. Isa sa mga napag-usapan nila ay tungkol sa kanilang mga trabaho, sa mga kaklase nilang pamilyado na at sa buhay pag-ibig ng bawat isa. 

Maya-maya ay napunta ang kanilang usapan tungkol sa kaibigan nilang si Ella.

“Ikaw? Ano na bang balita sa’yo? Wala ka pa rin bang bagong nobyo after nung kay Brent?” tanong ni Dan.

“Sayang din ‘yung sa inyo. Biruin mo ilang taon kayo tapos ganoon lang ang nangyari sa inyo. Akala pa naman namin, kayo na talaga ang para sa isa’t-isa,” wika ni Trina.

“Puwede bang ‘wag na natin siyang pag-usapan?” pakiusap ni Ella.

“Oh bakit? Affected ka pa rin? Mahal mo pa rin siya? ‘Di ba’t tatlong taon na rin ‘yun? Hindi ka pa rin nakakapagmove on? Wala bang ibang nanliligaw sa’yo ngayon?” pang-aasar ni Sam.

“Paano ka naman kasi makakabingwit ng bagong nobyo eh parati kang nakabalot. Kung ‘di ka naka-long sleeves eh naka-cardigan ka naman,” pambubuska ng isa sa mga kaibigan nila.

Sa kanilang pang-aasar at pangungulit ay may isa sa mga lasing nilang kaibigan ang biglang humablot ng suot na cardigan ni Ella. Pilit itong pinigilan ng dalaga ngunit sa lakas ng kanilang kaibigan at bilis ng pangyayari at wala siyang nagawa. Tuluyan itong natanggal sa kaniya.

Natahimik at lahat sa gulat nang makita nila ang peklat ni Ella sa kaniyang pulsuhan. Nagmamadali naman ang dalaga na itago ito at ibalik sa pagkakasuot ang kaniyang cardigan. 

Pagkaayos ni Ella sa kaniyang sarili ay sinagot niya ang tanong ng kaniyang mga kaibigan tungkol sa nararamdaman niya sa dati niyang kasintahan, “Hindi ko na siya mahal kundi naguumapaw ang galit sa puso ko.”

“Pero ‘di ba kung nagagalit at apektado ka pa rin sa nakaraan niyo, ibig sabihin may feelings ka pa rin para sa kaniya?” lakas loob na pagtatanong ni James.

“Sa tuwing binabalikan ko ang mga pinagsamahan namin noon ay wala akong maalalang pagmamahal. Puro kasinungalingan at pagtataksil ang naaalala ko. Sa tuwing naaalala ko ang lahat ng ‘yun ay pakiramdam ko’y nababoy ang pagkatao ko. Hindi ko mapatawad ang sarili ko na hinayaan kong tratuhin niya ako nang ganoon. ‘Yan ang kinakakagalit ko! Galit ako sa sarili ko!” pahayag ni Ella bago humagulgol sa pag-iyak.

Hindi man sinabi ni Ella ang buong detalye ng masaklap na dinanas niya ay damang-dama ng kaniyang mga kaibigan ang paghihirap ng kaniyang puso. Pilit nilang pinakalma ang kaibigan at nung tumahan na ito ay humingi sila ng tawad sa kaniya, “Sorry, nasobrahan ‘yung pang-aasar namin sa’yo. Hindi man lang namin naisip ‘yung nararamdaman mo.”

“At saka puwede bang kahit anong mangyari, ‘wag mo nang uulitin ‘yung ginawa mo? Lagi mong tatandaan na nandito kaming mga kaibigan mo para sa’yo,” pahabol ni Trina.

Mula noon ay hindi na nila inaasar si Ella tungkol sa dating kasintahan nito. Ni banggitin ang pangalan ng binata ay hindi na nila ginagawa. Pilit na lamang nilang dinadamayan at sinasamahan ang kaibigan sa abot ng kanilang makakaya. Madalas na rin nila itong kontakin upang makipagkumustahan at alamin ang kalagayan nito. Naging isa sa layunin nila na iparamdam kay Ella o sinuman sa kanilang magkakaibigan na hindi sila nag-iisa at na mayroon silang matatakbuhan sa oras na kailanganin nila.

Sa kanilang pagtutulong-tulungan ay unti-unti nang nagsalita si Ella sa kanila. Naging malaking tulong ito para sa kaniya na mailabas niya ang kaniyang mga hinanakit at saloobin. Tinulungan din siya ng kaniyang mga kaibigan na patawarin ang kaniyang sarili sapagkat hindi naman niya kasalanan ang nangyari sa kanila ng dati niyang kasintahan.

Nang simulan ni Ella na patawarin ang kaniyang sarili ay nakalaya ang puso niya na nakulong noon sa galit. Dahil dito ay bumilis ang paghilom ng sugat niya sa nakaraan. Muli niyang naibangon ang kaniyang sarili nang taas noo at buo ang loob.

More Stories