Pilit na Pinipigilan ang Binatang Ito na Mangarap nang Matayog, Isang Milagro Pala ang Kakampi ng Lalaki

“’Tay, sa Maynila ako magkokolehiyo at gusto kong maging marino! Ilang taon lang iyon at makakabawi na ako sa lahat ng hirap na dinaranas natin, alam kong maiaahon ko rin kayong lahat sa hirap kasama ng mga kapatid ko,” wika ni Rene, panganay na anak ni Mang Atoy.

“Anak, hindi mo kailangang gawin iyon, ang mahalaga ay ‘yung ikaw, maayos ang kalagayan mo at hindi ka magkasakit. Bawal kang mapagod, alam mo naman ‘yun ‘di ba?” sagot ng kaniyang ama.

“Pero, ‘tay, alam ko sa sarili kong kaya ko na. Alam kong kakayanin kong mag-isa sa Maynila, mamasukan akong waiter katulad ni Gary na kapitbahay natin. Tingnan niyo nga iyon, inhinyero na at may bahay pa. Kung kaya niya, kaya ko rin ‘yun,” masigasig na sagot ng binatilyo.

“Diyos ko, Rene, ito na naman tayo sa napakatayog mong pangarap. Hindi ba sinabi ko sa’yong babaan mo lang ang pangarap mo? Dito ka lang sa atin, mangisda o ‘di naman kaya maglinis ng mga kwarto sa kabilang hotel. Alam mo naman na sakitin ka at hindi mo kayang mabuhay nang ikaw lang mag-isa,” baling ni Aling Rita, nanay ng binata.

Saglit na natahimik si Rene at tumingin na lamang ito sa malayo.

“Huwag mong sabihin sa akin na galit ka, alam mong napakamahal magpa-ospital ngayon at alam mo rin na nag-aaral ang tatlo mong kapatid kaya hindi ko na kakayanin pang maglabas ng malaking pera kapag nagkataon,” wikang muli ng ale sa kaniya.

“Bakit parang napakaliit ng tingin niyo sa akin, bakit parang ayos na sa inyo na rito lang tayo habang buhay? Hindi man lang ba kayo nangangarap na magkaroon ng sementong dingding, maayos na bahay at masarap na pagkain? Bakit kayo ganyan, ‘nay, napakaliit ng pangarap niyo!” baling ni Rene sa kaniyang ina.

“Aba, anak, maswerte ka nga at makakapagtapos ka ng hayskul, kami ng tatay mo ay hindi man lang nakatapak diyan. Alam kong malaki ang paghanga mo kay Gary pero hindi lahat ng swerte ni Gary ay maaaring mangyari sa’yo, baka pagdating mo sa Maynila ay iba ang ihip sa’yo ng tadhana,” paliwanag ni Aling Rita rito.

Advertisement

“Paano natin malalaman kung hindi ko susubukan?! Pwede naman ako bumalik dito kung talagang salungat sa akin ang langit pero hindi ‘yung ganito! Hindi ‘yung punong-puno tayo sa takot na para bang kulang na lang kadenahan niyo ako para makita niyo ang bawat galaw ko!” sigaw ni Rene sa kaniya.

“Anak, tama na, huwag mong taasan ng boses ang nanay mo. Marami kang hindi naiitindihan,” awat ni Mang Atoy rito.

“Ano ang hindi ko naiintindihan? Na may sakit ako sa puso kaya mahina at hindi pwedeng mapagod? Na may sakit ako sa puso kaya hindi ako maaring mangarap nang matayog? Na may sakit ako sa puso kaya ang pwede lang sa akin ay ‘yung ganitong buhay?! Alin doon ang hindi ko naiintindihan?” baling muli ng binata.

Saglit na hindi nagsalita si Aling Rita at napaupo siya saka tinanggal ang salamin sa mata upang pahiran ang pumapatak na luha niya.

“Tapos iiyak kayo ng ganiyan sa akin, ‘nay! Mag-iingat naman ako. Alam ko na ang kondisyon ko at alam ko na dapat kong pangalagaan ang kalusugan ko para hindi tayo gumastos,” saad muli ng binata saka lumapit sa kaniyang ina.

“Anak,” umiiyak na sabi ni Aling Rita saka hinawakan ang pisngi ng binata.

“May sakit ka sa puso,” dagdag nito.

“Matagal ko nang alam ‘yan, ‘nay! Alam na alam ko ho,” mabilis na sagot nito sa ale saka hinawakan ang kamay ng babae.

Advertisement

“May sakit ka sa puso at tinaningan na ang buhay mo,” iyak ni Aling Rita sa kaniyang anak at napatakip siya ng mukha rito.

“Ano ‘yang sinasabi niyo? Gumagawa lang kayo ng kwento para hindi ako umalis,” inis na sabi ni Rene.

“Anak, iyon ang totoo. Matagal ng sinabi ng doktor na maswerte na kami kung aabot ka ng 18 anyos dahil ibig sabihin nun ay natakpan ang butas ng puso mo. Kaya sobra kami kung mag-ingat para sa’yo,” lumuluha na ring sabi ng kaniyang ama.

“Hindi ko masabi sa’yo, anak, ang totoo mong kondisyon dahil hindi mo alam kung paano kami ng tatay mo bumabangon sa araw-araw at hinihiling na nandito ka pa sa tabi namin. Alam kong napakahirap at alam kong karapatan mong malaman iyon pero hindi ko kaya, anak, na mabuhay ka at binibilang mo na lang ang mga araw na matitira sa’yo,” iyak pang muli ni Aling Rita.

Hindi nakapagsalita si Rene at napaluhod ito saka napaiyak nang tahimik.

“Anak, huwag kang umiyak, parang awa mo na, masama iyan sa puso mo,” yakap kaagad ng kaniyang ina sa kaniya.

“Nay, 16 anyos na ako at may dalawang taon na lamang ako sa mundong ito. Hayaan niyo akong magdesisyon sa dalawang taon na iyon,” iyak ni Rene sa kaniyang mga magulang.

Hindi na lang nagsalita pa ang mag-asawa at nag-iyakan na lamang sila ng mga sandaling iyon. Dahil sa takot ay mas pinili ni Rene na hindi magpatingin ng kaniyang puso at mas hiniling na pagbigyan siyang makipagsapalaran sa Maynila ng dalawang taon.

Advertisement

Walang nagawa ang mag-asawa at tanging dasal na lamang ang naging proteksyon nila sa binata.

Hindi nagtagal ay nakapagtapos si Rene ng kolehiyo sa tulong scholarship at ngayon ay buhay pa. Awa ng Diyos ay natakpan ang butas sa puso nito kaya naputol ang taning sa buhay ni binata. Milagro kung maituturing ito ng lahat. Araw-araw nga raw itong iniluhod ni Rene at ang kaniyang pamilya sa Panginoon na pagbigyan siyang mabuhay sa mundong ito.

Sa huli, pinatunayan ni Rene na walang sakit at walang imposible sa pananampalataya dahil sa huli’y ibibigay ng Diyos ang nararapat.