Hindi Pinapansin ng Biyudang Ito ang Pagdaing ng Anak na Masakit ang Ulo; Huli na ang Lahat Nang Mag-pasya Siyang Bumawi Dito

“Mama! Mama! Mama!” Ang paulit ulit na sabi ng pitong taong batang si Jomar, tila nagpapapansin sa inang si Maricar.

“Bakit, Jomar? Nakikita mong nagtatrabaho ang nanay mo, hindi ba? Doon ka na muna sa salas at maglaro!” Inis na sagot ng inang mabilis maubos ang pasensiya, hindi pa kasi nito natatapos ang presentation na kailangan niyang ipasa ng araw ding iyon.

“Laro tayo, Mama! Please?” Paglalambing ng bata.

“Isa, Jomar.” Nagsimula nang mapikon ang ina sa kakulitan ng anak.

“Kahit sandali lang, mama. Lagi na lang po kayong nagtatrabaho.” Patuloy na pangungulit ni Jomar.

“Anong sabi mo?! Ulitin mo ‘yang sinabi mo!” Nagulat si Jomar nang bigla nang sumigaw ang ina.

“Puro ako trabaho? Bakit, Jomar? Sa tingin mo ba’y may maihahain akong pagkain sa mesa kapag hindi ako nagbanat ng buto? Sino na lang ang bubuhay sa atin, ikaw ba? Ha?” Nanggagalaiting sagot ni Maricar. Hindi man lamang nito naisip na isang pitong taong gulang na bata lang ang kausap. Mula nang mabiyuda ito sa maagang edad ay ginagawa niya ang lahat upang magampanan ang tungkulin ng isang ama at ina.

Nangingilid na ang luha ng bata, na hindi naman gaanong naintindihan ang sinabi ng ina. Ang alam lang niya ay galit na naman ito. “Sorry po.”Agad naman itong nagpunta na sa salas tulad ng inutos ng ina.

Advertisement

Napabuntong hininga si Maricar. Agad naman niyang naisip na nasaktan ang anak sa mga nasabi. Ngunit nang maalala na isang oras na lamang bago ang deadline ng kanyang ipapasang presentation ay bumalik na lang ito sa pagtatrabaho kaysa manghingi ng tawad at magpaliwanag sa anak.

Nagpatuloy ang mga araw na ganoon ang eksena sa kanilang pamamahay.

Isang araw ay nakaramdam ng matinding pananakit ng ulo ang bata. Sa totoo lang ay halos araw araw na niyang nararamdaman ito. Alam niya na magagalit na naman ang ina kapag siya’y nagsabi kaya nung mga nakaraan ay pilit niyang tinitiis ang nararamdaman. Ngunit sa tindi ng sakit, naisip na ni Jomar na magsabi sa ina upang humingi ng tulong. Lumapit ito sa inang subsob muli sa trabaho. “Mama! Mama! Mama!”

“Ano na naman ngayon, Jomar?” Wala na namang pasensiyang sagot ni Maricar. Ang reaksyon na inaasahan ng bata.

“Masakit po ang ulo ko.” Hinaing ni Jomar.

“Ganon ba? Eh kung ikaw kaya ang magtrabaho buong maghapon at magdamag, ikaw kaya ang tumapos ng lahat ng mga gawain ko? Masakit ang ulo mo? Paano pa kaya ang ulo ko, ha? Hindi lang ulo ang masakit sakin. Buong katawan ko na! Tapos mangungulit ka pa?” Muli, gigil na gigil na naman ang ina. Sa anak na niya nailalabas lahat ng stress at pagod sa mga ginagawang trabaho.

“Eh Mama masakit na po talaga eh. Palagi na pong masakit.” Paiyak na reklamo ng bata.

“Subukan mo kasi akong intindihin, Jomar! Puro ka laro, eh. Alam ko namang nagpapapansin ka lang!” Bintang ng ina.

Advertisement

Napagod na si Jomar na ipagpilitan ang pagpapaliwanag sa sakit na dinaramdam. Kaya tiniis na lamang niyang muli ang matinding pagkirot ng ulo.

Isang Lunes ay gumising na si Maricar upang maghanda sa ipe-present niyang konsepto sa opisina. Matagal niya itong pinaghandaan dahil maaari siyang ma-promote kapag nagustuhan ito ng kanilang mga kliyente. Nagmamadali nang nag-aayos si Maricar nang makita ang anak na hindi pa bumabangon sa higaan.

“Jomar! Alas sais na. Baka gusto mong bumangon at maghanda na sa pagpasok sa eskuwela?” Wika ni Maricar.

“Mama, nahihilo po ako. Parang di ko po ata kayang pumasok ngayon.” Nanghihinang sambit ni Jomar.

“Ano? Anong kahibangan ito? Ikaw bata ka, wag mo akong pinaglololoko ha! Alam ko yang mga ganyang style. Ang mahal mahal ng ibinabayad ko sa eskwelahan mo tapos aartehan mo ako ng ganyan? Bangon na! Isa!” Mahabang litanya ng ina.

Wala nang nagawa ang bata kung hindi piliting pumasok sa eskwela.

Habang nagpepresent na si Maricar sa harap ng mga bigating kliyente, naramdaman niya ang cellphone nyang walang humpay sa pag vibrate sa kanyang bulsa. Isa, dalawa, tatlo, higit pa. Humingi ng tawad ang babae sa mga kliyente at nag excuse panandalian upang sagutin ang tawag.

“Ma’am Maricar? Ito ho ba ang nanay ni Jomar?” Sabi ng lalaki sa telepono.

Advertisement

“Oo, ako nga. Anong meron at panay ang tawag mo? Alam mo bang nasa importanteng meeting ako sa trabaho?” Sagot ni Maricar.

“Pasensiya na ho. Guro ho ito ng anak ninyo. Kung pwede ho lamang ay magmadali na kayong pumunta sa ospital sa bayan dahil isinugod na ho si Jomar. Hinimatay ho ang anak ninyo dahil ho sa matinding pagkahilo. Hindi sinasadya ay nabagok ang ulo niya sa semento ng school grounds habang flag ceremony.” Mangiyak-ngiyak na lahad ni Mr. Duhat.

Imbis na maawa at mag-alala, tinapos muna ng babae ang kanyang meeting bago puntahan ang anak.

Maganda naman ang kinalabasan ng presentation ni Maricar. Siya ay na-promote na bilang Executive Project Manager. Sa wakas ay may nakitang ngiti sa mukha ng ina. Agad niyang pinuntahan ang anak, at excited din siyang ibalita na nagbunga na ang kanyang mga paghihirap. Ngayo’y maaari na siyang makabawi kay Jomar.

Pagdating ni Maricar sa ospital ay nakita niya si Mr. Duhat na nakayuko at nanginginig ang mga balikat.

“Mr. Duhat, nasaan na ho si Jomar?” Tanong ng ina.

Tumingin lang sa ina ng bata ang guro. Sa di malamang dahilan ay biglang kumirot ang puso at kinabahan ng labis si Maricar.

“Wala na si Jomar. Wala na ho ang anak ninyo.” Humihikbing tugon ni Mark.

Advertisement

Parang sinampal sa mukha ng tadhana si Maricar. Hindi siya makapaniwala sa mga naririnig. Bigla niyang naalala ang mga pagkakataong nagrereklamo ang anak sa sakit ng ulo at kung paano pa niya pinagbintangan ang anak na gumagawa ng kuwento.

Nang dahil sa pinilit pang pinapasok si Jomar sa kabila ng matinding sakit sa ulo at pagkahilo, nawalan ng malay ang bata at tumama ng matindi ang ulo sa semento. Alam ni Maricar na siya ang dahilan ng pagkawala ng anak.

Halos mabaliw ang ina sa pagsisisi dahil sa hindi pagpansin sa hinaing ng kanyang anak. Natutunan niyang hindi dapat niya dapat ipinagsawalang bahala ang anak nang dahil lang sa kanyang trabaho.