Nakatagpo ang Dalaga ng Murang Kapehan, Mahal Pala ang “Presyo” na Babayaran Niya

“Mommy, ano ba ‘tong lugar na ito? Iskwaters area na yata itong nilipatan natin! Malapit sa sapa, ang liit ng bahay, ang pangit at wala man lang magandang lugar na pwedeng i-Instagram! Bakit ganito tapos wala tayong kwarto?! Mas maganda pa ‘yung kwarto ng mga yaya ni daddy!” busangot ni Hazel ang anak ni Veronica na kakauwi lamang galing sa ibang bansa.

“Tigilan mo nga ako, Hazel, hindi tayo mayaman at isa pa hiwalay na kami ng tatay mong lalakero at abusado kaya kung gusto mo sa kaniya ka e ‘di sana hindi ka na sumama sa akin dito sa ‘Pinas! Mahirap ang buhay, maswerte ka pa nga at may bubong kang nasisilungan!” baling ni Aling Veronica sa kaniyang anak. 

“Kung alam ko lang na ganito kahirap e ‘di sana nagtiis na ako doon kay daddy!” sigaw pang muli ni Hazel sa kaniyang ina. Hindi na lang pinansin ni Veronica ang kaniyang anak dahil alam niyang nag-aadjust pa ito sa bago niyang buhay. Matapos ang ilang taong pagtitiis ng babae sa tatay ni Hazel ay napagpasyahan niyang makipaghiwalay na rito at bumalik sa Pilipinas. Halos dalawang taon din ang lumipas bago sumunod sa kaniya si Hazel sa ‘Pinas at kahit na alam niyang mas magiging mahirap ang buhay niya ay mas masaya ngayon ang ginang.

“Wala man lang Starbucks na malapit dito tapos sa public school pa ako papasok! Anong klaseng buhay ‘to! Isang taon lang ang kaya kong ibigay dapat kay daddy ako makapagkolehiyo! Hindi rito!” wika niya sa sarili habang naglalakad papasok sa paaralan nang mapansin niya ang isang kapehan. Pumasok siya at bumili ng maliit na kape, nasarapan ang dalaga kaya naman naisip niyang gawan ito ng paraan.

Katulad ng inaasahan ay naging maarte at maldita si Hazel sa eskwela, wala rin itong bukambibig kung ‘di ang mayaman niyang ama at nagbabakasyon lamang siya rito sa ‘Pinas upang tapusin ang kaniyang hayskul at sa ibang bansa magkokolehiyo.

“Magandang umaga po, anong order nila?” tanong sa kaniya ng kahero.

“The usual,” maarteng sagot ni Hazel at sabay abot ng sosyal niyang tumbler.

“Po?” nagtatakang tanong muli ng lalaki sa kaniya.

Advertisement

“Ano ba ‘yan, lagi na akong bumibili rito pero mukhang hindi pa rin ako natatandaan. Iced mocha ang order ko! Ang tanda mo na kasi nagbabarista ka pa, dapat yata sa’yo magretiro na,” ismid pang sagot ni Hazel sa lalaki at inikot ang kaniyang mata.

“Pasensya na po kayo, pero kayo na lang ang magsalin ng kape sa lagayan niyo. Hindi po kasi kasukat ang tumbler niyo sa lagayan namin. Pasensiya na po,” ngiting paumanhin pa rin ng lalaking tumanggap ng order niya.

Wala naman nagawa si Hazel kung ‘di kuhanin pabalik ang kaniyang lagayan at mas nagdabog pa siya saka naghintay sa gilid at binantayan ang matandang lalaki na ngayon lamang niya nakita. Uma-umaga siyang bumibili ng kape sa shop na ito at kahit na hindi kilala ang pangalan ay aminado siyang masarap ang timpla sa murang halaga ngunit palagi rin niyang isinasalin ang nabiling kape sa kaniyang mamahaling lagayan para ipa-inggit sa mga kaklase niya sa eskwela. Sa halos isang buwan niyang pagbili roon ay ngayon niya lamang napansin ang matandang lalaki.

“Siguro wala na kayong makitang trabaho kaya naawa ang may-ari sa inyo at tinanggap kayo rito kahit ang totoo ay napakatanda niyo na!” wika ni Hazel sa lalaki habang binabantayan pa rin ito sa ginagawa niyang kape. Sakto pang walang ibang kostumer doon kaya naman nilakasan talaga niya ang boses.

“Hindi naman po siguro,” malumanay na sagot ng lalaki sa kaniya.

“Kung hindi lang masarap ang kape rito ay hindi ako magtitiis na bumili sa cheap na coffee shop na ito. Mabuti na lang at malayo ang ibang sosyal na mga kapehan sa inyo kasi kung nagkataon ay baka sarado na kayo at mawalan ka na ng trabaho. Mga Pilipino talaga, mga mahihirap!” pangmamaliit niya pang muli sa matanda at tumawa ng malakas.

Mabilis naman niyang itinikom ang kaniyang bibig nang may biglang pumasok na isang matandang babae na gusgusin. Napa-ismid lalo si Hazel at itinirik pa lalo ang kaniyang mga mata. “Ano ba ‘yan, ang dugyot naman ng umaga ko,” bulong niya sa sarili.

“Magandang umaga po,” masiglang bati ng matandang lalaki kahit hindi pa ito tapos sa pagtitimpla ng kape ni Hazel.

Advertisement

“Atty. may dala po akong kaunting pasasalamat sa inyo. Sana po ay tanggapin ninyo,” wika ng aleng may dalang mga plastic na galing sa palengke.

“Naku naman, tulong ko po iyon sa inyo. Hindi niyo po ako kailangan pasalamatan. Gusto niyo po ba ng maiinom? Ipagtitimpla ko po kayo,” malimbing na sagot naman ng lalaki.

“Atty? Sino pong sinasabi niyong atty? Itong matandang ito?” nagtatakang tanong ni Hazel sa ale.

“A? Opo, hindi niyo po ba kilala si Atty. Karlito siya po ang may-ari nitong kapehan na ito at siya rin ang nilalapitan ng mga mahihirap na katulad ko rito sa lugar namin. Hulog ng langit si Atty!” pagpupuri pang muli ng ale sa lalaki.

Hindi naman makapaniwala si Hazel at mabilis itong lumabas. Kaagad niyang sinampal ang sarili at nagmadaling umuwi. Hiyang-hiya siya dahil sa pangmamaliit niya sa lalaki na isang abogado at may-ari pa pala ng kapehan na iyon. Hindi siya makapaniwala na ang ganoong klase ng tao ay kayang magpakumbaba at maging simple lamang sa buhay. Naabutan niya ang kaniyang ina na naglalaba at mas lalo pa siyang naiyak.

“Mommy, i’m sorry,” iyak pang muli ni Hazel sa kaniyang ina at napaluhod na lamang ito sa harap ng ale. Nagtataka naman si Aling Veronica at kaagad itong pinatayo.

“Mommy, ang totoo niyan kaya ako umuwi rito kasi wala nang pera si daddy. Nalulong siya sa bisyo kaya naubos ang pera niya. Iniwan na rin siya ng mga babaeng pinalit niya sa’yo. Hindi ko maamin sa sarili kong mahirap na tayo pero mas malalala pa ako sa mga totoong may pera. Napakasama ko, mommy!” hagulgol ni Hazel sa ina at hindi naman nagsalita ang ale bagkus ay niyakap lamang niya ang bata.

Sinabi rin ni Hazel ang totoong nangyari at ang kaniyang mga inasal sa eskwelahan. Una silang humingi ng tawad kay Atty. Karlito at nagprisinta pa ang dalaga na magtrabaho roon upang matutunan niya ang magkaroon ng pag-iingat sa pera. Simula rin noon ay tumaas ang tingin ni Hazel sa mga simpleng mamamayan ng Pilipinas dahil nakikita niya kung paano magbanat ng buto ang bawat isa at magtulungan sa oras ng pangangailangan. Hindi kalauna’y namuhay nang simple ang dalaga at mas natanggap niya na walang mali sa pagiging mahirap.