Pabigat na ang Nanay ng Lalaking Ito Kung Kaya Iniwan Niya na Lamang Ito sa Home for the Aged, Tila Mapaglaro Naman ang Tadhana nang Siya ang Tumanda

Mula nang ma-biyuda ang ina ni Gino ay mag-isa na lamang siyang itinaguyod ng matanda. Kung anu-anong trabaho ang pinasok nito para lamang mabuhay sya, kahit di sanay sa hirap ay tiniis ng kanyang ina na mamasukan. Tumanggap ito ng labada, ang mga kamay ay halos sugatan na sa hirap na dinaranas. Napapawi lamang ang pagod ng babae tuwing makikita ang nakangiting anak, busog at malusog.

Sa kabila naman noon, simula pagkabata ay di binigyang halaga ni Gino ang lahat ng sakripisyo ng ina. Ang nakikita niya lamang ay ang mga bagay na hindi nito kayang ibigay, habang tumatagal ay naiipon ang sama ng loob niya sa babae dahil sa mga pagkukulang nito. Ang kaklase niya nga, ibinibili palagi ng laruan ng nanay nito, bakit di magawa iyon ng nanay niya?

Lumaking makasarili si Gino, nang makatungtong siya ng kolehiyo ay tripleng kayod naman ang ginawa ng kanyang ina para matustusan ang mga pangangailangan niya sa eskwela kahit pa ang ilan doon ay gawa-gawa niya lang. Sus, malay ba ng nanay niya sa mga iyon? Uto uto ang babae, konting paawa niya lamang ay manghahagilap agad ito ng pera. Kahit saang lupalop ng impyerno pa.

Dahil matalino ang binata, kahit bulakbol ay nakapagtapos siya ng kolehiyo. Nakakuha rin sya ng magandang trabaho, malaki ang sahod at doon niya nakilala ang asawang si Ehra. Siguro kaya sila magkasundo ay parehong walang puso ang dalawa, may edad na ang nanay ni Gino at nagsisimula nang maging ‘pabigat’ para sa kanila.

“Hon, dalhin nalang natin sa bahay ampunan ng mga matatanda ang nanay mo. Masikip na rito sa bahay natin, lalo ‘pag nagkaanak na tayo,” sabi ng babae. Ni hindi man lang naisip na ang bahay na tinitirhan ay pag aari ng matanda.

“I agree.. gusto ko na nga ring magka-baby pero baka kaya hindi pa dumadating kasi na-stress pa ko kay mama. Wag kang mag alala, ipa-process ko ang papers nya. May alam akong home for the aged dito,” pag sang ayon naman ni Gino, tamatangu-tango pa ang lalaki. Ang galing talagang mag isip ng misis niya!

Tama nga naman ito, hindi na rin naman mapakinabangan ang matanda sa bahay nila. Tuwing maghuhugas ito ng pinggan ay madalas pang makabasag dahil sa malabong mata at pasmadong mga kamay, baka maubos ang plato nila.

Napaka-epal rin, palaging gustong makipagkwentuhan tungkol sa mga walang kwentang bagay. Paulit ulit rin naman ang sinasabi, bingi pa.

Advertisement



Dahil may pera ay mabilis na naisakatuparan ni Gino ang paglalagak sa matanda sa isang bahay ampunan, mula nang mapunta ang nanay niya roon ay gumaan na ang pakiramdam nila sa bahay. Nawalan na ng pabigat. Nagbabayad na lang siya doon at minsan, sumisilip dahil inuusig siya ng katiting na kunsensyang natitira sa kanya.

Mabilis lumipas ang mga taon, ngayon ay may 2 year old na anak na si Gino at Ehra. Nanananghalian sila nang makatanggap si Gino ng tawag mula sa home for the aged kung saan nananatili ang kanyang ina.

“Gino, speaking. O, what about her?” aniya. Ngumunguya pa, tinatamad makipag usap.

“Sir, hindi na po maganda ang lagay ng nanay nyo.. Malungkot mang sabihin pero parang di na siya aabot sa isang linggo. Parang araw na lang ang binibilang po. ” malungkot na sabi ng babae sa kabilang linya.

“Talaga? Diba matagal na siyang nakaratay? I mean ano pang hinihintay?” nagalak na sabi nya, aba, di rin biro ang bayad sa home for the aged ha! Makakaluwag-luwag na siya ngayon, ito naman ang hinihintay nya eh.

Natahimik ang babae sa kabilang linya, halatang nabigla sa sinabi niya.Kakaibang anak ito, binalitaan nang mamamatay ang ina ay natuwa pa.

“S-sir.. baka gusto nyo pong dalawin sya for the last time. Request nya po kasi na makausap kayo, may importante raw pong sasabihin,” mahinang sabi nito.

Advertisement

Napabuntong hininga naman si Gino, napakaraming arte! “Okay okay. I’ll be there ng 3pm mamaya, settle ko na rin yung last payment ko dyan sa inyo. Sure na naman siguro na this month na lang sya.. ano diba, just in case. Alam mo na- mamatay.” sabi ng lalaki at pinutol na ang tawag.

Ilang sandali pa ay nasa home for the aged na si Gino, sinamahan sya ng nurse patungo sa kwarto ng matanda. Parang lantang gulay ito na nakahiga sa kama, nangayayat ito. Walang buhay ang mga mata pero pilit na ngumiti nang makita sya.

“Anak..” hirap na bulong nito.

“Ano raw yung sasabihin nyo? May request daw kayo?” naiinip na sabi ni Gino, sumusulyap pa sa suot na orasan.

Bumalatay ang sakit sa mukha ng matanda dahil sa kawalang interes ng kanyang anak. “Maganda naman ang trabaho mo.. mag-donate ka sana ng mga electric fan rito. At sana, makapagbigay ka ng pondo sa kanila para naman maghahain na sila ng masarap na pagkain.” habol ang hiningang sabi nito, sinundan pa ng pag ubo.

“Ayos ang trip mo ma. Kung kailang mamamatay ka na saka ka pa nagrerequest ng ganyan?” nakataas ang kilay na sabi ng lalaki.

“Barya lang iyan sa sweldo mo.. impyerno ang buhay rito. Ang hirap-hirap mag-isa. Kaming mga iniwan na ng pamilya.. napakalungkot dito. Sana maging maginhawa na.” sabi pa nito.

“Bakit nga ngayon ka lang nagrerequest ng ganyan, kung kailang mamamatay ka na?” ulit ni Gino dahil di siya sinagot ng matandang babae.

Advertisement

“Para kapag ikaw naman ang iniwan ng anak mo dito ay di ka mahirapan tulad ng dinanas ko..” Iyon lang at nawalan na ng hininga ang matanda.

“Lo? lolo? Kain na po kayo,” sabi ng nurse, dahilan upang magising mula sa pagmumuni muni si Gino. Ibinuka niya ang bibig upang isubo ang lugaw na ibinibigay ng nurse.

Tahimik na pinahid niya ang butil ng luha sa kanyang mga mata, dahil nagkatotoo ang sinabi ng kanyang ina maraming taon na ang nakalipas. Dito rin siya itinapon ng sariling mga anak at ngayon ay nasasaktan siya dahil alam niya na ang pakiramdam. Mabagsik ang naging pagbalik ng tadhana.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.