Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Nabudol Daw si Yaya - Inday Trending

Nabudol Daw si Yaya

“Diyos ko! Anong nangyari, Minna?! Bakit nagkaganito ang bahay?!” bulalas ng hindi na halos makahingang ina ng tahanan na si Josephine nang makitang halos nalimas na ang bahay nila.

“Mama! Lahat po ng gadgets ko nawawala! Laptop, cellphone, camera, pati mga charger! Pati na rin ‘yong ipon kong kaunting pera na nakatago sa cabinet, wala na!” naiiyak na pahayag ni Cheska, ang bunso sa dalawang anak ng mag-asawa.

Inikot ni Geraldo, ang ama ng tahanan, ang buong bahay at siguradong-sigurado siya. Nilooban at napagnakawan sila. Pero paano nangyari iyon, kung naiwan naman sa bahay ang katiwala nilang si Minna?

“Minna! Anong nangyari?!” nanlulumong paulit-ulit na tanong ni Josephine sa kanilang kasambahay na kanina pa hindi sumasagot at panay lamang ang iyak.

Nilapitan na ng panganay na anak na si Rocelle ang kasambahay at saka pinainom ng tubig. Sinusubukan niyang pakalmahin ito upang makapagbigay na ng pahayag at mailahad ang nangyari.

Habang hinihintay na kumalma si Minna, abala naman itong si Geraldo sa pagpapakalma sa sariling asawa. Ilang taon kasi nilang pinundar at pinaghirapan ang lahat-lahat ng kagamitan sa bahay na iyon. Mahigit sa dalawampung taon ang inilagi ng mag-asawa sa Hong Kong bilang mga domestic helper, at nang magkaroon na ng sapat na ipon ay nagpasayang magretiro na upang makapaglaan naman ng oras sa kanilang mga anak.

Kaya’t ganoon na lamang ang panlulumo ng mag-asawa nang makita ang kalunos-lunos na lagay ng kanilang bahay. Mula sa pinakamalalaking appliances, hanggang ultimo bumbilya ng ilaw ay nawawala!

“Ate, please lang! Magsalita ka na. Ilang araw lang kaming nagbakasyon, tapos pag-uwi namin ay ganito ang maaabutan namin? Ano bang nangyari?!” pagmamakaawang sabi ni Rocelle.

“A- ate… N- na- nabudol po ako!” pagsisiwalat ni Minna sabay takip na naman sa kanyang mukha at nagpatuloy sa pag-iyak.

“Ha?! Nabudol? Paano? Kailan pa?! Tatawag na ako ng pulis. Irereport natin ‘to kaagad!” sagot ni Rocelle.

“Kagabi lang, ate. Nagring ang telepono tapos isang lalaki ang sumagot. Ang pakilala niya sa akin, kaibigan daw po siya ng pamilya ninyo. Pupunta raw po siya rito dahil ipinagbilin niyo raw po na bantayan ang bahay kasama ko,” paliwanag ni Minna.

Gigil na gigil naman itong si Geraldo dahil hindi siya makapaniwalang nagpaloko ang kasambahay nila sa ganoong klase ng scam.

“Diyos ko! Tapos pinatuloy mo naman dito sa bahay?! Ni hindi mo kami tinawagan upang ikumpirma? Ano ka ba naman, Minna? Hindi ka ba nag-iisip?” ani Geraldo.

“Pasensiya na po. Mabilis akong naniwala dahil nagpakita pa siya sa’kin ng ID. Kaapelyido niyo pa nga po.”

“Tapos ayun… Nung pagkagising ko kaninang umaga, ganito na po ang nadatnan ko sa bahay. ‘Wag na po kayong magreport sa pulisya dahil malamang ay nakalayo-layo na ‘yon,” suhestiyon ni Minna sa kanyang mga amo.

Doon na kinutuban ng kakaiba si Geraldo. Halos tatlong taon na rin nilang kasambahay itong si Minna, at hindi rin ito ang unang beses na naiwan ang babae sa bahay. Kaya’t hindi siya kumbinsido sa mga sinasabi nito.

“Magpahinga ka na muna sa kwarto,” utos ni Geraldo kay Minna at agad namang sumunod ang babae.

Walang tigil sa pag-iyak si Josephine. Ngunit nahinto silang lahat nang marinig ang sinabi ni Geraldo.

“Hindi ako naniniwala kay Minna. May ibang nangyari rito sa bahay. At isa pa, hindi ako naniniwala na madaling mauuto si Minna sa mga budol-budol na ‘yan!” galit ngunit pabulong na sabi ni Geraldo upang hindi siya marinig ni Minna.

“Psst! Papa! Hindi ba’t may CCTV ang kapitbahay natin na si Mang Rodel? ‘Di ba nabanggit niya noon na hagip noon ang labas ng bahay natin? Ibig sabihin, maaaring nakuhanan kung sino ang naglabas-pasok sa bahay natin,” pabulong ding sabi ni Rocelle sa kanyang ama.

Natigilan ang pamilya nang may marinig na langitngit na nagmumula sa isang nakasarang aparador malapit sa kanilang kusina.

“What?! Kanina binuksan ko ‘yan e kasi tiningnan ko kung nandiyan pa ‘yong mga vintage na wine ni papa! Paano ‘yan sumara mag-isa?!” bulalas ni Cheska na halatang takot na takot na.

Tatakbo na dapat itong si Geraldo upang kunin ang telepono at tumawag sa pulisya, nang bigla na lamang bumukas ang pinag-uusapan nilang aparador at isang lalaki ang lumabas mula roon!

“Tama na ‘yang diskusyon niyo, napakahaba! Wala namang kwenta, parang mga ugali ninyo!” sigaw ng misteryosong lalaki, na bigla na lamang tumakbo papalapit kay Geraldo.

“Papa! May hawak siyang kutsilyo! PAPA!” napasigaw ang magkapatid nang makitang malapit nang turukan ng napakatalim na kutsilyo ang kanilang ama.

Mabuti na lamang ay alisto at naging mabilis ang pag-aksyon nitong si Josephine. Dinampot niya ang suot na takong at sana mabilis na ipinukpok sa ulo ng lalaki. Gulat na gulat ang lahat nang bigla na lamang bumulagta sa sahig ang hindi nila kilalang lalaki.

“Sino ‘yan?! Tatawag na ako ng pulis, tatawag na ako!” nanginginig na sabi ni Rocelle sabay dampot sa kanyang cellphone. Ngunit bago pa man niya matawagan ang pulisya, bigla na lamang isang malakas na putok ng baril ang umalingawngaw.

“Layuan niyo si Wilfredo! Layuan niyo ang nobyo ko. Kundi, isa pa sa inyo ang patatamaan ko. Rocelle, ibaba mo ‘yang hawak mong cellphone. Isa!” pagbabanta ng kanina pa pala nagmamatiyag na kasambahay na si Minna. May hawak itong baril na galing pa sa kwarto ng amo niyang si Geraldo.

Nakita nilang duguan na ang balikat ni Geraldo. Siya pala ang tinamaan ng pagpapaputok ni Minna kanina.

“Kung ayaw niyong masaktan pang lalo, makinig at sumunod kayong lahat sa sasabihin ko,” matigas na utos ni Minna.

“Aalis na ako. Magpapanggap kayong walang nangyari, at hindi kayo magsusumbong sa pulis. Oo, tama kayo. Hindi totoo na na-budol ako. Kasabwat ko si Wilfredo na kunin ang lahat ng kagamitan at pagmamay-ari ninyo!” dagdag pa nito habang paikot-ikot na itinututok ang baril sa kanyang mga amo.

“Bakit?! D- dahil lang ba hindi ka napagbigyan sa pag-bale mo?” tanong ni Josephine.

“LANG?! Oo! Dahil nga roon. Nakapagbakasyon kayo, pero ang simpleng pag-bale ko ng dalawampung libo, hindi niyo maibigay?! Mga wala kayong kwenta! Kaya nararapat lang sa inyo ang lahat ng ito!” gigil na sagot ni Minna.

“Ang kapal ng mukha mo! Matapos kang pagkatiwalaan ng buong pamilya namin. Itinuring ka na nga naming isa sa amin. E matagal nang nakaplano ang bakasyon namin, hindi ang pag-bale mo ng sahod mo! Wala kang utang na loob!” palabang sagot ni Cheska.

Sa gigil ni Minna, naisipan niyang tapusin na lamang ang lahat at paputukan na ng baril ang bawat miyembro ng pamilyang pinangangamuhan niya. Nang bigla na lang…

“Ibaba mo ang baril!” sigaw ng isa sa limang pulis na rumesponde. Kasama nila ang kapitbahay nilang si Mang Rodel na kanina pa pala tumawag nang pulis nang maulinigan ang unang pagputok ng baril.

Hindi nakinig si Minna at kinalabit pang muli ang gatilyo. Mabuti na lamang ay dumaplis ito at walang natamaang kahit na sino. Doon na umaksyon ang pulisya at agad na pinosasan si Minna, pati na rin ang nobyo at kasabwat nitong si Wilfredo na wala pa ring malay.

Isinugod din sa ospital si Geraldo upang masigurong matigil na ang pagdudugo ng kanyang balikat.

Matapos ang ilang oras na paglilitis kay Minna, nakumpirma ng pulisya na nagawa lahat ni Minna ang panloloko nang dahil sa nobyong si Wilfredo.

Si Wilfredo pala ang dating nagdedeliver ng inuming tubig sa baranggay nila. At nang malulong sa ipinagbabawal na gamot ay nanghingi ng tulong kay Minna upang may ipambili ng kanyang bisyo. Iyon din ang dahilan ng pagbale ni Minna ng pera sa kanyang amo. At si Wilfredo rin ang may ideya na pagnakawan ang buong pamilya.

Naipakulong na ang mag-nobyo at nakamit na ng pamilya ang hustisya mula sa panloloko. Naibalik din sa kanila ang ilan sa mga kagamitang ninakaw mula sa kanilang bahay.

Nang dahil sa nangyari, naging mas maingat ang pamilya sa pagpili ng kasambahay na kanilang kukunin upang hindi mailagay sa panganib ang kanilang mga buhay.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.