Inis na Inis ang Mister sa Bungangerang Asawa, Nagbago ang Isip Niya nang Maranasan ang Hirap ng Pagiging Ina

“Jenny naman! Isang pirasong plato hindi mo pa magawang hugasan? ‘Yan na nga lang ang gagawin mo, hindi mo pa magawa?” wika ni Miriam sa panganay na anak.

“At ikaw, Chester? Bakit ganito kadumi ang uniporme mo? Pati ba naman medyas mo nangingitim sa dumi! Hindi ka ba naaawa sa naglalaba?” wika naman ng ina sa pangalawang anak na lalaki.

“Rafael! Ano ba naman?! Lahat ba ng laruan mo itatambak mo dito sa lapag? Batang-bata ka pa pero hindi ka padadaig sa mga kapatid mo sa pagkakalat, ano?” eto naman ang pangaral ng pagod na pagod nang ina sa bunsong anak.

Araw-araw na ganito ang eksena sa bahay ng pamilya Santos. Si Miriam ang naiiwan sa bahay upang mag-asikaso sa mga anak habang pumapasok sa trabaho ang kanyang mister na si Dante.

“Ano ka ba naman, Miriam? Buong araw akong pagod sa trabaho, tapos pag-uwi ko puro kayo sigawan? Wala na ba akong pahinga?” sabi ni Dante sa asawa nang maabutan itong sinesermunan ang kanyang tatlong anak.

“Buong araw na akong walang habas na gumagawa ng gawaing bahay! Kaunting tulong lang naman ang hinihingi ko sa mga anak mo pero hindi nila maibigay. Tapos ngayon ko lang sila mapagsasabihan, mangungunsinti ka pa?” inis na tugon ni Miriam sa asawa.

“Oo na! Bwisit!” sagot ng inis na inis na si Dante.

Pumasok na lamang ito sa kanilang kwarto at pinilit ang sarili na makatulog ng maaga para hindi na marinig ang bunganga ng asawa. Bago siya matulog, hiniling at ipinagdasal niya pa na sana’y minsan ay mabigyan siya ng katahimikan sa bahay.

Advertisement

Kinabukasan, nagising si Dante sa ingay ng kanyang tatlong anak. Tila nag-aaway-away ang mga ito. Agad bumangon si Dante upang tingnan kung ano ang nangyayari.

“Hoy! Ano ba kayo? Sabadong-sabado tapos puro away kayo? Ngayon na nga lang ako nasa bahay,” wika ng iritadong ama.

“E, papa! Si Rafael kasi pinaki-alamanan na naman ‘yong mga gamit ko. Bwisit!” reklamo ni Chester sabay hampas sa makulit nilang bunso.

“Maka-reklamo ka, e ikaw nga sinira mo ‘yong lipstick ko. Lahat na lang tinatapakan mo!” dagdag naman ng panganay na dalagang si Jenny.

“Malamang! Lahat ng gamit mo nasa sahig,” sagot naman ng nang-iinis pang si Chester.

Nagrambulan na ang magkakapatid habang nakatulala lamang si Dante at pinapanood kung gaano kagulo ang kanyang tatlong anak. Napansin din niyang punong-puno ng hugasin ang lababo, napaka-galas ng sahig, at tila isang malaking bagyo ang dumaan sa loob ng kanilang bahay. Nang matauhan ay bigla na lamang itong napasigaw.

“HOY! TUMIGIL NGA KAYO! ANG GULO-GULO!”

Natahimik ang tatlo, tapos maya-maya ay biglang nagtawanan ang mga ito.

Advertisement

“Bakit kayo tumatawa?! May nakakatawa ba?!” sigaw ni Dante sa mga anak na patuloy na nagtatawanan.

“Para ka nang si mama! Hahaha!” pang-aasar ng panganay na si Jenny.

“Nasaan ba ang mama ninyo?”

“Umalis po. Biglaan lang daw, papa. Si Tita Karina kasi bigla raw pong isinugod sa ospital. Sa susunod na linggo raw po ang balik ni mama. Hindi ka na ginising dahil nagmamadali po siya.”

Wala nang nagawa si Dante. Agad siyang tumawag sa kanyang boss upang magpaalam na hindi muna makakapasok dahil sa emergency ng kanyang misis. Mabuti na lamang at agad naman din itong pumayag.

Lunes pa lamang ng umaga, maagang bumangon si Dante upang gawin ang mga bagay na ginagawa ng kanyang misis. Nagluto ng agahan, naghain para sa tatlong anak na papasok sa eskwela, at inihatid ang bunsong si Rafael.

“Sisiw! Eto lang naman pala ang ginagawa ni Miriam. Puro pa siya bunganga,” nakangiting bulong ni Dante sa sarili.

Nang makauwi nang mag-isa sa bahay, sinimulan na niya ang mga gawaing-bahay. Naghugas ng mga pinagkainan, nagwalis at lampaso sa loob ng bahay, at naglaba ng mga damit. Maya-maya pa ay nagsimula na rin siyang magluto ng hapunan para sa tatlong anak na pauwi. Sinundo na rin niya ang bunso at pinabayaang maglaro sa kanilang sala.

Advertisement

“Hay salamat, natapos din. Makaupo na nga at makapag-relaks…” ‘ika ni Dante sa sarili, ngunit natigilan siya nang makarinig ng isang napaka-lakas na galabog mula sa sala. Napatayo siyang agad at nanlambot sa nakita.

“Put–! Diyos ko! Pamana pa sa’kin ‘yan ng lola mo!”, sigaw ni Dante nang makitang nabasag ng kanyang bunso ang kanyang antigong vase.

“Sorry, papa. Naglala…” hindi na natapos ni Rafael ang pagpapaliwanag nang bigla siyang paghahampasin ng sinturon ng kanyang ama. Wala rin itong tigil sa pagsigaw at pagmumura.

Biglang dumating si Jenny at Chester na agad umawat nang makita ang ginagawa ng ama sa kanilang kapatid.

“Papa! Tama na po! ‘Di po niya sinasadya!”

“Nakakapagod mag-alaga sa inyong tatlo! Tapos ngayon magkakampihan kayo?! Pinagluto kayo, pinakain! Pinaghugas ng plato, tapos binihisan! Ayan pa ang igaganti ninyo?!” tumatalsik pa ang laway ni Dante habang galit na galit sa mga anak.

“Mama! Mama ko! Gusto ko si mama!” biglang ngawa ng bunsong si Rafael.

“Mama?! Bakit? Binubungangaan din naman kayo ng mama niyo ah? Bakit kapag ako na, gaganyan kayo?”

Advertisement

“Hindi po nananakit si mama…”

Biglang nabitawan ni Dante ang hawak niyang sinturon. Tila natauhan siya sa narinig mula sa bibig ng anak. Para bang binuhusan siya ng isang tabong malamig na tubig at biglang nahimasmasan.

Naisip ni Dante na dahil sa labis na pagod ay naging mabilis din ang pag-init ng kanyang ulo. Agad niyang nilapitan ang bunsong anak na umiiyak at niyakap.

“Sorry, anak! Patawarin mo si papa. Mainit lang ang ulo… Mga anak, patawad!” napaiyak si Dante matapos makita ang mga latay na natamo ng bunso nang dahil lang sa bugso ng init ng kanyang ulo.

Lumipas ang isang linggo at ganoon pa rin ang eksena sa kanilang pamamahay. Ngunit napipigilan na ni Dante ang labis na pag-init ng ulo dahil alam niyang malapit na ring umuwi ang kanyang asawa. Handa na siya sa mga sasabihin kay Miriam sa kanyang pagdating.

Pagbaba ni Miriam ng tricycle, agad siyang sinalubong ng humahagulgol na asawa.

“O, bakit?! May nangyari ba?!”

“Mahal, patawad! Pasensiya na kung palagi pa kitang inaaway dahil sa panenermon mo. Alam ko na ang lahat ng hirap at pagod mo sa bahay. Sa totoo lang, hinahangaan na kita sa tiyaga at pasensiya mo sa pamamahala ng ating tahanan,” wika ni Dante habang nakayakap ng mahigpit sa kanyang misis.

Advertisement

Nakangiti lamang si Miriam habang kinakalma ang umiiyak na asawa.

“Salamat naman at naiintindihan mo na. Halika na’t pumasok, magluluto na ako nang makakain na tayo. Na-miss ko kayo!” sagot ni Miriam.

Magmula noon ay natuto nang intindihin ni Dante ang pagod at hirap ng pagiging maybahay. Kaya naman imbis na dumagdag pa sa sakit ng ulo ni misis sa tuwing uuwi siya, kahit papaano’y tumutulong na lamang siya sa ilang gawaing bahay at sa pagdidisiplina sa mga bata.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!