Ang Tatay Kong Bagong Laya ng Kulungan

Masayang binitbit ni Manoy ang bag niyang puno ng damit. Matapos ang ilang taong pagkakakulong ay makakalaya na siyang muli. Masaya niyang nilanghap ang hangin sa presinto.

“Manong, wala ka namang malalanghap dahil naka-aircon tayo. Paglabas mo naman ay masangsang na ang kalsada,” biro ng pulis na naging kaibigan niya na rin. Aba, dito na siya halos tumanda. Pitong taon lang ang anak niya noong makulong siya, bente siyete anyos na ngayon ang binata.

Habang siya naman ay 62 na.

Nakangiti niya namang binalingan ito,”Wala nang mas babango pa rito sa labas, kahit usok sa tambutso ay ayos na rin kaysa sa loob,” biro niya rin.

Inakbayan siya ng pulis at inabutan ng 500.

“O ano ito?” nagtatakang tanong niya.

“Mabait ka naman Manong, pamasahe mo iyan.”

“Hindi na, susunduin ako ng anak ko-“

Advertisement

“Sige na. Tulong ko na yan sa iyo. Ingat ka ha? Marami nang manloloko ngayon,” sabi nito.

Masaya siyang tumango bago lumabas ng presinto, napabuntong hininga pa siya. Mabait pa rin talaga ang Diyos, may nagbigay sa kanya ng pera. Ang totoo kasi ay hindi naman talaga siya susunduin ng anak na si Reginald. Baka nga hindi nito alam na nakalaya na siya.

Buhat nang makulong kasi siya ay tila ba sumama na ang loob ng bata sa kanya, hindi siya dinadalaw nito. Sumakay siya ng jeep, marami ang nag-iba sa lugar. Pakiramdam niya ay pinanganak siyang muli, nagtaas ang pamasahe at tama ang pulis, ang dami nang kawatan.

Buti na nga lang at mabait ang driver kaya sinuklian siya ng tama. Buti na lang rin, tandang-tanda niya pa ang pauwi sa kanila.

Humugot muna siya ng lakas ng loob, bago kumatok.

Napalingon naman si Reginald sa tatlong katok sa kanyang pintuan, ewan niya ba pero iba ang kanyang pakiramdam. Biglang bumilis ang tibok ng kanyang puso.

“Ako na po papa,” sabi ng anak niyang si Edward.

“Hindi na, kumain kana dyan. Ako na,” nagpagpag pa siya ng kamay dahil kasalukuyan siyang nagkukumpuni ng nasira nilang DVD player.

Advertisement

Pinihit niya ang seradura, “Sino yan-” hindi niya na natapos ang pagsasalita nang makilala ang kaharap.

Ang magaling niyang ama.

“Anak!” sabi nito at niyakap siya nang pagkahigpit-higpit. Wala namang reaksyon si Reginald at namanhid lang.

“Ano’ng ginagawa mo rito?”

“Laya na ako! K-kumusta ka na? Diyos ko po,anak binata kana!” naluluhang sabi ng matanda.

“Binata? May anak na nga ako,” mapait na sabi niya at tinalikuran ito.

Gulat na lumingon ang matanda sa batang lalaking nakamasid lang sa kanila, “Ito na ang apo ko? Hay Diyos ko napakaraming nawalang panahon sa akin, gwapong bata! Ako ang lolo Manoy,” masuyong sabi nito at hinalikan sa noo si Edward na gumanti naman ng yakap.

Muling binalingan ni Manoy ang anak, “Nasaan ang misis mo nak?”

Advertisement

“Tingnan mo, wala ka talagang alam sa akin. Paano kasi ay kung anu-anong kalokohan ang ginawa mo noon kaya ka nakulong. Wala na ang nanay ni Edward dahil hindi kinaya ng katawan ang panganganak,”

Napapahiyang tumango si Manoy pero sinubukan niya pa ring pasiglahin ang usapan,”Grabe na ang panahon ngayon. Kay raming kawatan kanina, akala naman nila ay may mananakaw sila sa akin. Karamihan pa ay mga binatilyong naniniktik lang,” kwento niya.

“Nagsalita ka, eh mas malala ka pa sa kanila. Nga pala, kung dito ka titira ay kanya-kanya tayo. Ayoko ng pabigat.”

Nasaktan si Manoy sa sinabi ng anak kaya tumahimik nalang siya. Bukod sa wala na siyang mapupuntahan, nais niya pa ring bumawi kay Reginald kaya nanatili siya sa kanila. Mabait ang mga kapitbahay na kinukuha siyang karpintero kaya kumikita ang matanda.

Magaspang man ang pakita sa kanya ng anak ay malambing naman ang kanyang apo kaya parang pambawi na rin. Isang hapon ay masayang nagme-meryenda ang maglolo.

“Alam mo? Kamukhang kamukha mo ang papa mo apo. Ganyang edad rin si Reginald ko noong iwan ko siya eh,” sabi ng matanda, kasunod ang isang mapait na ngiti.

“Sino po ang nag-alaga kay Papa? Tsaka bakit sabi niya po, bad ka raw kaya ka nakulong?” usisa ni Edward.

Tumango si Manoy, hindi naman siya dapat na magsinungaling sa bata.

Advertisement

“Oo, nakulong ang lolo. Kung sinu-sino ang nag-alaga sa papa mo, kaya nga siguro sumama ang loob niya sa akin eh. Pero narito na ako, babawi na ako sa kanya. Tingin mo ba, mapapatawad pa ng papa mo ang lolo?”

Lingid sa kanilang kaalaman ay kanina pa nakikinig si Reginald, galit ito na nagsalita.

“Pwede ba wag mong nilalason ang utak ng anak ko? Wag kang magbait-baitan dahil alam naman natin pareho ang tunay mong kulay! Mamam*tay tao ka kaya ka nakulong! Bigla kang susulpot at guguluhin kaming mag-ama rito tapos ay ikaw tong magpapanggap na mabait?!

Hindi, hindi na kita mapapatawad! Nakakahiya ka! Pinagsisisihan ko na naging ama kita!” galit na sigaw nito.

Nanginginig ang labi ni Manoy at nais niyang magpaliwanag pero tanging iyak na lamang ang nagawa ng matanda. Lulugo-lugo siyang naglakad palabas.

Samantalang napaupo naman si Reginald, sinubukan niyang hawakan ang anak pero galit nitong inalis ang kamay niya at umiiyak na nagtatakbo sa kwarto ang bata.

Ilang sandali pa, mabibilis na katok ang narinig niya sa kanilang pintuan.

“Pasok,bukas iyan.” matamlay niyang sabi.

Advertisement

Tumambad sa kanya si Mang Dencio, ang matanda na ring kumpare ng kanyang ama. Nagulat siya dahil ang alam niya ay nakaluwas na ito sa probinsya kasama ng anak, matagal na.

“Nandyan ba si Pareng Manoy?” tila nagmamadaling sabi nito.

“Wala ho, lumabas sandali. Bakit ninyo hinahanap?”

Saglit pa itong kumurap-kurap, “I-Ikaw na ba si Reginald? Naku kailangang-kailangan kong makausap ang tatay mo eh, kaya lang naghihintay na sa baba ang anak ko dahil babalik na kami sa probinsya. Pwede bang ipasabi ko nalang sa iyo?”

Tumango si Reginald, iyon ay kung mag uusap pa sila ng matanda.

“Naku sa wakas kamo ay nalinis na ang pangalan niya. Alam kong huli na ang lahat dahil maraming taon na ng buhay niya ang nasayang, pero nahuli na ang totoong salarin!” sabi nito.

Dumagundong ang puso ni Reginald, “A-Ano hong ibig ninyong sabihin?”

Doon kumunot ang noo ni Mang Dencio,”Hindi mo ba alam kung bakit nakulong ang tatay mo? Ay nako, hindi ba’t iniwan kayo ng nanay mo dahil sumama sa Amerikano? Hindi alam ng tatay mo kung paano ka bubuhayin, ang alam ko ay nais kang isama ng iyong ina pero hindi siya pumayag. Umiiyak pa iyan sa akin dahil naaawa raw sa iyo na nagugutom ka.

Advertisement

Nagkarpintero iyan, panadero, naglako ng isda. Kaya lang ay sakitin ka eh, kaya hirap pa rin. Tapos sabay kaming napasok sa pabrika ng sabon, tuwang tuwa nga siya dahil may regular na syang trabaho para raw sa iyo. Tandang tanda ko noong gabing iyon, pinangakuan siya ng boss namin na bibigyan ng bonus kaya nagkwento pa na ibibili ka raw ng laruan. Basta raw makikihatid lang ang bag sa sinabi nitong address.

Syempre ginawa naman ng tatay mo, para sa bonus. Para sa iyo. Iyon pala ay na-set up siya, pagdating niya roon ay may bangkay na. Tapos kutsilyo pala ang laman ng bag na ipinadadala, sumakto naman na pumunta ang mga pulis kaya siya ang nahuli. Ang pare ko, nakakaawa. Napakarami naming witness noon na hindi niya iyon magagawa pero wala eh, mahirap kalaban ang may pera.” malungkot na kwento nito.

Hindi namalayan ni Reginald na hilam na ng luha ang kanyang mga mata. Ang tatay niya, nais lang pala siyang ibili ng laruan.

Para siyang nabingi nang magpaalam si Mang Dencio, tumakbo siya palabas. Hindi niya alam kung saan hahanapin pero tawag lang siya nang tawag sa ama.

“Tay!”

Nakarating siya sa kabilang barangay, doon niya ito natagpuan, malungkot na nakaupo sa isang gilid habang kumakain ng biscuit. Nang matanaw pa siya ng matanda ay nagulat ito.

“Anak, pasensya kana kung matampuhin ako-” hindi na ito nakapagsalita dahil sinalubong ito ng yakap ni Reginald.

“Tay patawarin mo ako, sorry Tay. Sorry talaga..” paulit ulit niyang bulong habang umiiyak. Halos lumuhod na siya.

Advertisement

Napaiyak na rin ang matanda, parang nabunutan ito ng tinik sa dibdib. Sa wakas ay nagbalik na ang kanyang munting si Reginald, malambing sa ama at hindi tulad ng dati na puno ng galit at hinanakit.

“Wala iyon Nanald..” bulong niya.

“Uwi na po tayo?” alok ng binata. Inakay niya ang ama pauwi.

Mula noon ay mas bumuti ang kanilang samahan. Binawi nila ang lahat ng panahong nawala sa kanilang mag-ama. Labis labis ang pasasalamat ni Reginald sa matanda.

Grabe talaga ang pagmamahal ng isang ama, handang makulong at malagay sa panganib masiguro lang na maayos ang kalagayan ng anak.