Buong Akala ni Mister ay May Lalaki si Misis ng Mahuli Niya Itong Umuupa ng Isang Kwarto, Mali Pala Siya nang Malaman Kung Bakit

16 taon nang nagsasama sina Julius at Terry. Nabiyayaan sila ng tatlong matatalinong supling na sina Julius Jr, Juliana at Jean at ang tatlo ay kasalukuyang nasa elementarya.

Masaya ang buhay ng dalawa. Isang masipag na haligi ng tahanan si Julius at mapagmahal na asawa. Samantalang si Terry naman ay isang butihing maybahay at maalagang asawa. Maayos ang pagsasama ng dalawa.

Image courtesy of www.google.com

Magkatrabaho ang dalawa noon sa isang kainan. Manager si Julius at kahera naman si Terry. Marami ang nahuhumaling kay Terry ng mga panahong iyon dahil sa taglay nitong ganda at talino. Masayahin din siya at palakaibigan.

Si Julius naman ay may itsura din ngunit masyado siyang seryoso sa buhay at hindi palangiti. Magkaiba man ang personalidad nila, hindi din nagtagal at nagkapalagayan sila ng loob at nahulog sa isat-isa. Sa edad na 24 ay napagkasunduan na nilang lumagay sa tahimik at bumuo ng pamilya.

Matapos ang kanilang kasal ay nagtungo sila sa isang beach resort upang mag-honeymoon.

“Dad, bakit tayo nagpakasal agad?” tanong ni Terry sa asawa habang sila ay nakaupo sa may dalampasigan.

Image courtesy of www.google.com

“Kasi mahal kita, mahal mo ako. At saka alam kong ikaw na ang gusto kong makasama habangbuhay,” sagot ni Julius sa asawa.

“Nagawa na ba natin lahat ng gusto natin sa buhay? Ibig kong sabihin ay kung naenjoy ba talaga natin ang kabataan natin na wala pang asawa, mga responsibilidad o di kaya’y mga limitasyon?” saad ng babae.

Advertisement

“Bakit? Pag may asawa na ba ay hindi na puwedeng gawin ang mga bagay na pinapangarap para sa sarili? Puwede pa rin naman, ‘di ba? Kaya nga lamang ay doble na lagi ang badyet mo,” pabirong sagot ni Julius dito.

“Gusto ko kasing mag-aral ulit o di kaya ay libutin ang buong Pilipinas,” wika ni Terry.

Si Terry ay bunso sa anim na magkakapatid. Maayos naman ang estado ng kanilang pamilya. Lahat ng kapatid niya ay may asawa’t pamilya na rin. Ang mga magulang naman niya ay nakatira sa kanyang panganay na kapatid na babae.

Bukod sa trabaho noon ng dalaga, maraming pang hilig ito. Mahilig itong magpaganda ng katawan, mag-ayos ng mukha, at magsuot ng ibat-ibang magagarang damit para ipost sa social media. Mahilig din itong magbasa ng libro at manood ng pelikula.

Samantalang si Julius naman ay simpleng tao lamang. May kaya ang pamilya, may negosyong babuyan at nagtitinda rin sila ng lechon.

Image courtesy of www.google.com

Ang tanging pangarap lang ni Julius ay magkaroon ng masayang pamilya. Hindi naman perpekto ang lalaki, umiinom din ito ng alak at naninigarilyo paminsan-minsan.

Gaya ng lahat ng magkarelasyong lumalagay sa tahimik, tuluyan ngang nag-iba ang buhay nila buhat nang sila’y naging mag-asawa. Mas bumigat ang pasaning responsibilidad ni Julius nang magkaroon sila agad ng kambal sa unang pagbubuntis pa lamang ng kanyang misis. Si Terry naman ay napiliting huminto sa pagtratrabaho para tutukan ang mga anak nito.

“Mom, pasensya ka na ha. Pagod na pagod ka lagi sa mga anak natin,” wika ng mister kay misis habang naghahanda ito ng pagkain sa mesa.

Advertisement

“Ano ka ba naman dad, nanay ako, bawal mapagod hehe.”

Sa loob ng sampung taon ay naging matibay si Terry at ang pagsasama nila ni Julius, nasundan pa ang kanilang kambal ng isa pang babae, ang bunsong si Jean.

Walang kasambahay ang mag-asawa. Simula’t sapul ay si Terry ang lahat ng nagaasikaso sa kanila. Kahit pa nga halos napabayaan na nito ang sarili. Ngunit nitong mga nakaraang araw, napapansin ni Julius na parating iritable ang misis.

“Nakakapagod na! Nakakapagod kayong lahat!” sigaw ni Terry habang pinapalo sa puwet ang anak nitong si Jean dahil pinaglaruan na naman nito ang isang boteng peanut butter.

Image courtesy of www.google.com

“Mom, tama na. Kelan ka pa namalo?” tanong ni Julius sabay kuha sa anak nito.

“Ayoko na, nakakapagod kayo!” baling ng asawa.

Nagtataka man si Julius sa naging ugali nito ay inisip na lamang niya na baka pagod lang ang asawa.

“Dad, pwede mo ba akong igawa ng sariling kwarto ko?” saad ni Terry sa asawa habang nakahiga sila sa kama katabi ang tatlong anak.

Advertisement

“Bakit? Ayaw mo na ba kami makasama palagi?” tanong ni Julius dito.

“Hindi naman, gusto ko lang ng sariling espasyo ko ba. Yung makakapag make-up ako ng walang laruan na nakakalat. Yung makakapagbasa ako ng libro. Yung ako lang,” naririnding sabi nito sa asawa.

“Sige, pag lumakas ang negosyo, ipapagawa kita,” maikling sagot ng asawa.

Dumaan ang taon na hindi nakapagpagawa si Julius ng kwarto at naging mas malala ang pagiging iritable ng misis niya. Hanggang sa napapansin niya na napapadalas ang pag-alis nito. Isang beses sa isang lingo na halos buong araw ay nawawala ito sa bahay.

“Mom, sa’n ka pupunta? Mukhang napapadalas ang gala mo ha. Sama mo naman kami diyan,” pabirong tanong ni Julius sa asawa.

“Gagala lang ako kasama ng mga kumare ko,” baling ni Terry sa asawa.

Hindi maganda ng kutob nito. Kaya palihim niyang sinundan ang asawa. Nakita niyang pumunta ito sa isang dormitoryo. Sobrang sakit na ng puso niya noong mga panahong iyon. Iniisip na niya na may lalaki ang asawa.

Image courtesy of www.google.com

“Ale, pwede po bang magtanong? Kilala niyo po ba ang babaeng iyon? Tsaka sa’n po kayang unit siya nakatira?” tanong ni Julius sa aleng nagtitinda ng palamig sa gilid ng dormitoryo.

Advertisement Image courtesy of www.google.com

“Iyon bang kakapasok lang? Bago lang ‘yan dito, once a week ang punta. Sa unit 105 ‘yan. Bakit, kilala mo?” sagot ng ale.

“Opo, kaibigan ko po siya. Sosorpresahin ko lang po sana, kaarawan niya kasi ngayon,” sagot ni Julius.

Naghintay pa ng ilang oras si Julius sa sasakyan at saka ito naglakas loob na puntahan ang asawa. Kinatok niya ito ng malakas at sunod-sunod.

Kumaripas naman ng pagtayo si Terry sa pinto at binuksan ito. Laking gulat niyang asawa pala niya ito.

“Dad, ano’ng ginagawa mo dito?” tanong ni Terry sa asawa. Ngunit hindi ito sumagot bagkus ay binuksan niya ang pinto at pumasok. Nagulat si Julius sa nakita niya.

“Ano ito, mom?” tanong ni Julius sa asawa habang iniikot niya ang paningin sa kwarto. Maganda ang kwarto ng asawa. Walang bakas na may lalaki ito, bagkus puno ito ng ilaw at mga litrato. Maraming libro na binabasa ang asawa, naroon din ang iba nitong magagarang damit at pati pang-ayos sa mukha.

Image courtesy of www.google.com

“Kuwarto ko,” maiksing sagot ni Terry sa asawa.

“Isang taon na ang lumipas at hindi mo pa rin ako pinagpapagawa ng kuwarto ko o kahit maliit man lang na espasyo sa bahay natin na masasabi kong akin lang. Hindi naman ako nagrereklamo Julius pero naiiyak lang ako noong nakita ko yung mga kaibigan ko sa Facebook. Lahat sila sosyal at magagara ang suot. Nakakarating kung saan-saan at mga may narating sa buhay. Yung iba arkitekto, abogado… Samantalang ako, nanay lang. Laging nakapambahay, naglilinis, nagluluto, naglalaba. Yung kaunting oras na para sa ‘kin ‘di ko na makita. Kaya kumuha ako ng kuwarto, kasi pakiramdam ko dito ko lang nagagawa lahat ng gusto ko, wala akong lalaki Julius, ” saad ni Terry sa asawa habang umiiyak ito.

Advertisement Image courtesy of www.google.com

“Bakit hindi mo sinabi sa ‘kin iyan? E di sana nagawan ko ng paraan. At higit sa lahat Terry hindi ka nanay lang. Isang kang nanay na dakila. Terry, hindi lalaki ang mga anak mo ng maayos kung hindi ka mabuting ina. Hindi tayo tatagal kung wala kang kwentang asawa. Terry, ikaw ang ilaw namin. Hindi ka pangit dahil nakapambahay ka lang. Hindi kaibigan mo sa Facebook ang magdidikta ng narating mo sa buhay Terry, ikaw yon. Sa sarili mo yun,” saad ni Julius sa asawa nito ay niyakap.

Nahimasmasan si Terry sa sinabi ng kanyang asawa. Masyado siyang nadala ng inggit sa mga pinopost ng mga kaibigan niya at nakalimutan niya ang totoo niyang kasiyahan sa buhay, ang kanyang pamilya.

Itinigil na ni Terry ang pag-upa ng kuwarto at ginawan na lamang siya ni Julius ng isang maliit na study table. Naroon ang mga librong nais niyang basahin, sa tabi nito ay isang salamin at mesa na naka-ayos rin ang mga pampaganda n’ya.

Image courtesy of www.google.com

Lumaki na rin ang mga anak nito at napagtanto niyang wala na siyang inililigpit na mga kalat at nagagawa na rin niya ang mag-ayos.

“Dad, nakakamiss din palang bata ang mga anak natin ‘no? Sa atin lang umiikot ang mundo nila dati pero tignan mo ngayon malaki na sila at matapang na hinaharap ang buhay,” wika ni Terry sa asawa habang sila ay nasa sofa at nanonood ng pelikula.

“Salamat sa sakripisyo mo, mom. Lumaki sila ng maayos at matapang ng dahil sa’yo,” sagot ni Julius sa asawa.

“Hindi, dad. Dahil sa ATIN. Hindi ko makakayanan lahat ng iyon kung wala ka sa tabi ko. Maraming salamat sa’yo. Mahal kita at salamat,” sabay yakap niya sa asawa.

Ngayon ay pawang nasa kolehiyo na ang mga anak nila Julius at Terry. Ang mag-asawa naman ay sinisimulan ulit ang paglilibot sa mga lugar na hindi nila napuntahan dati. Ngayon, sila ay nasa boracay. Hindi lamang silang dalawa, kundi ang kanilang buong pamilya.

Advertisement

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.