Para sa Iyo Titiisin Ko ang Lahat

Pagsapit ng alas tres ng umaga ay bumabangon na mula sa humigit kumulang tatlo hanggang apat na oras na pagkakatulog si Layla. Isang bagay na nakasanayan na ng babae mga tatlong taon na ang nakakaraan simula nung maghiwalay sila ng landas ng dating niyang nobyo.

Bago pa tumilaok ang tandang ay tahimik nang inuumpisahan ng babae ang pag-aayos ng lahat ng kaniyang mga kakailanganin. Pagkatapos ay mabilis siyang magluluto ng umagahan para sa mga kasamahan niya sa bahay bago siya maliligo at aayusin ang kaniyang sarili. Pag patak ng alas kwatro ng umaga, kahit mainit na kape lang ang laman ng kaniyang tiyan, ay aalis ang babae patungo sa suki niyang mangingisda para bumili ng kaniyang mga paninda.

“Ricardo, tatlong libo na lang para sa hipon para hindi ako mahirapan sa pagbebenta,” tawad ni Layla sa kaniyang suki. “Hindi pwede. Malulugi naman ako niyan.” Pero muling sumubok ang babae. “Sige na. Tutal bibili din ako ng tig-limang kilo ng bangus, galunggong at tahong.” Napailing ang lalaki sa galing tumawad ni Layla. “Sige na nga. Pasalamat ka malakas ka sa’kin. Laging nababawasan ang kita ko dahil sa’yo,” biro ni Ricardo.

Matapos makapamili ng mga ilalakong paninda ay tumabi muna ang babae malapit sa gilid ng kalsada para kainin ang baon niyang dalawang pirasong pandesal at tubig. Kung malaki-laki lang sana ang badyet niya para sa araw na ito baka may palaman ang kakainin niyang tinapay pero dahil may pinaglalaanan ang babae ay kailangan niyang magtiis sa matigas na tinapay na natira kahapon para magkalaman ang kaniyang sikmura.

Hindi ininda ni Layla ang bigat ng dala niyang dalawang batya. Pasan-pasan ang kaniyang mga paninda sa kaniyang balikat sa tulong ng isang mahabang kahoy at makapal na alambre sinimulan ng babae ang kaniyang mahabang parada sa kalye para maglako sa mga bahay-bahay.

“Hipon, tahong, galunggong, bangus kayo riyan. Bili na kayo, sariwang-sariwa,” sigaw ni Layla habang naglalakad. “Suki, baka wala na kayong isda. Bili na kayo. Mura lang. Presyong kapatid ang ibibigay ko sa inyo. Mas makakatipid kayo dahil hindi niyo na kailangan pang magbayad ng pamasahe. Bawas pagod pa,” pangungumbinsi ni Layla sa babaeng nakita niya na nagwawalis sa harap ng isang bahay.

Tirik na tirik na ang araw pero tuloy pa rin ang babae sa paglalako ng kaniyang mga paninda. Masakit na ang kaniyang mga tuhod at paa pero hindi pa rin siya tumitigil sa paglalakad. Pakiramdam niya ay babagsak na ang kaniyang katawan sa tagal ng pagbubuhat pero isinasantabi niya sa kaniyang isip ang sakit na nararamdaman. Tuwing pinanghihinaan ng loob ang babae ay tinitignan niya ang isang litrato na nakasingit sa maliit niyang pitaka at agad na nanunumbalik ang kaniyang lakas.

“Kaunting tiis pa. Kailangang maubos ang lahat ng paninda. Hindi ako pwedeng umuwi na may laman pa ang aking mga batya,” bulong ni Layla sa kaniyang sarili.

Advertisement

Alas dos na ng hapon nung naubos ang paninda ng babae. Nalipasan na naman siya ng gutom pero ayos lang. Ang importante ay walang natira sa kaniyang paninda.

Nagpunta si Layla sa pinakamalapit na eskwelahan para magpahinga sandali at kumain muna. Buti na lang at may naabutan pa siyang nagtitinda sa labas. Isang tindero ang kaniyang nilapitan para bumili ng sampung pisong fishball at sago at gulaman. Pagkatapos ay umupo ang babae sa hagdanan sa bukana ng eskwelahan. Inilabas niya ang baon niyang kanin at sinimulang pakalmahin ang kumakalam niyang sikmura.

Hindi nagtatapos ang araw ni Layla hangga’t hindi siya napapadaan sa botika malapit sa kanilang tirahan.

“Dating gawi, sapat lang para sa isang araw?” paniniguro ng tindera. “Oo, bibili na lang ako ulit bukas pag nakabale ako ulit,” sagot ni Layla. “Kulang ka pa ng limang daan. Mas mahal ‘yung pinalit na gamot ng doktor,” dagdag ng tindera. “Mukhang pandesal at tubig muna ang magiging tanghalian ko sa mga susunod na araw. ‘Di bale. Ang importante ay gumaling na siya sa lalong madaling panahon,” bulong ng babae matapos iabot ang kulang na pera.

Dahil kinulang ang badyet ni Layla para sa araw na iyon ay lugaw lang ang kanilang magiging gabihan. Kung sweswertihin at marami ang matira siguradong may kakainin pa sila kinabukasan. Sana lang ay may kita ngayon ang nanay niya sa paglalabada para may makain ang mga maiiwan sa bahay na pananghalian dahil sa susunod na linggo pa makakatanggap ng sweldo ang tatay niya.

Pagkatapos makapagluto ay hindi muna kumain si Layla. Dala ang niluto niyang mainit na lugaw at isang basong tubig nagtungo siya sa kaniyang kwarto para pakainin ang kaniyang anak na may sakit.

“Nay, pasensya na at nahihirapan ka po dahil sa akin. Huwag kang mag-alala. Sa oras na gumaling na ko tutulungan po kitang maglako sa kalye,” pangako ng anak ni Layla. “Hindi ako nahihirapan, anak. Kaya ng katawan ko. Malakas si nanay. Huwag ka nang mag-isip ng kahit na anong bagay. Makakasama iyan sa puso mo. Ang intindihin mo ay ang iyong paggaling. Kakayanin ko ang lahat basta gumaling ka lang. Kahit ano kaya kong tiisin para sa iyo. Lahat ng pagod ko nawawala tuwing nakikita kong bumubuti na ang pakiramdam mo.”

Ang anak ang nagsisilbing lakas ni Layla tuwing nanghihina na ang kaniyang katawan. Lahat ay kayang gawin ng babae para sa kaniyang munting anghel. Ayos lang na siya ang mahirapan basta gumaling lang ito. Ilang taon ng nagdudusa ang kaniyang anak dahil sa mahina nitong puso. Hindi titigil si Layla kahit palagi siyang kulang sa tulog, kahit manakit pa ang buo niyang katawan sa paglalako sa kalye, kahit pa malipasan siya ng gutom paminsan-minsan, kahit pa dalawang pirasong pandesal na walang palaman at tubig ang kainin niya tatlong beses sa isang araw basta muli niya lang makitang malusog at masigla ang kaniyang anak.

Advertisement

“Nay, ang swerte ko po dahil ikaw ang naging nanay ko. Okay lang sa’kin kahit wala akong tatay basta hindi ka mawawala sa tabi ko. Pangako lalabanan ko po ang sakit ko at paglaki ko ako naman ang mag-aalaga sa’yo. Mahal na mahal kita. Sana ay hindi ka po magsawa sa pag-aalaga sa akin. At siyempre huwag mo rin pong pababayaan ang iyong sarili,” paglalambing ng anak ng babae.

Alas dose na ng madaling araw nung natapos si Layla sa mga gawaing bahay. Kulang na naman siya ng oras sa pagtulog pero ayos lang dahil ang lahat ng kaniyang pagtitiis ay para sa kaniyang pinakamamahal na anak.