Mas Pinaniwalaan ng Mag-asawa ang Kanilang Manugang Kaysa sa Sariling Anak, Buti na Lang at Hindi Napahamak ang Apo Nila sa Kamay Nito

Spaghetti strap, tube, midriff, mini skirt, hot pants, butas butas na pantalon at kung anu-ano pang malalaswang pananamit. Iyan ang mga madalas suotin ni Ashley sa kaniyang panggabing trabaho kaya hindi na nakapagtataka na pokpok ang maging tingin sa kaniya ng iba lalo pa’t hinahatid siyang palagi ng isang malaking sasakyan kung saan puro lalaki ang mga nakasakay maliban sa kaniya at kay Zaidee, ang tatlong taong gulang niyang anak na babae.

“Salamat sa paghatid, ah. Bukas na lang ulit. Mag-ingat kayo ha,” paalam ni Ashley sa mga lalaking naghatid sa kaniya.

“Pumasok muna kayo ng anak mo sa loob. Mas mapapanatag ang loob namin ‘pag sigurado kaming ligtas na kayo sa loob ng bahay. Mahirap na. Baka mamaya pagkaalis namin biglang may sumalisi. Alam mo naman ang panahon ngayon,” pahabol na bilin ng isa pang lalaki.

Walang pakialam si Ashley kung masama ang tingin sa kaniya ng mga tao. Ang importante ay wala siyang ginagawang masama. Wala siyang inaapakang tao at malinis ang kaniyang konsensya. Higit sa lahat ay nagagampanan niya ang tungkulin niya kay Zaidee. Hindi tulad ng dati niyang asawa na walang ginawa kung hindi magpakasarap at sarili lang ang intindihin.

“Ma, pa, hatinggabi na, ah. Ba’t bigla kayong napasugod dito? Sana tinawagan niyo ko para nakauwi ako agad.”

Nagulat si Ashley nang madatnan niya ang kaniyang mga magulang sa loob ng kaniyang bahay. Nanlilisik ang kanilang mga mata at mukhang galit na galit ang mga ito sa kaniya.

“Totoo nga ang sinabi ng asawa mo! Isa kang bayarang babae! Kung ako ang nasa lugar niya, itatapon din kita sa kalye na parang basura,” sigaw ng kaniyang ama.

Hindi na nagtataka si Ashley sa turing sa kaniya ng kaniyang mga magulang. Para sa mga ito ay isang santo ang asawa niyang si Landon habang siya ay isang anghel na nagbabalatkayo.

Advertisement

Simula nang ipakilala niya sa kanila si Landon bilang kaniyang nobyo ay nabihag na nito ang dalawa. Walang ibang lumalabas sa kanilang bibig kung hindi papuri at pagsang-ayon sa lahat ng sinasabi nito. Sa katunayan ay mas anak pa ang turing nila dito kaysa sa kaniya.

Mas naniniwala sila dito kaysa sa kanilang anak. Kung alam lang nila ang sakit at pighating dinulot nito sa kaniya ay hindi nila magagawang sabihin ang mga masasakit na salitang iyon sa kaniya.

“Naniwala na naman kayo sa ugok na iyon. Eh, wala naman yung alam gawin kung hindi bolahin kayo. Ang dali niyo namang mauto,” hindi mapigilan ni Ashley ang inis niya sa kaniyang mga magulang.

“Eh, bakit naman kami hindi maniniwala kung nasa harap na namin ang ebidensya? Madaling araw kung umuwi! Kung manamit labas na ang kaluluwa! Gabi-gabing lumalabas na puro lalaki ang mga kasama! Isinasama mo pa ang anak mo sa mga kabastusang ginagawa mo! Magtapat ka nga sa akin, Ashley, kulang ba ang iniintrega ng asawa mo para sa mga kapritso at luho mo kaya dikit ng dikit ang katawan mo sa mga madatung na gurang o sadyang makati lang talaga ang hinaharap mo?”

Pagod na pagod si Ashley mula sa trabaho. Wala siyang lakas para makipagtalo sa kaniyang mga magulang kaya hindi na lang niya sinagot ang mga ito. Hinayaan na lang niyang magdadadakdak ang mga ito hanggang sa maubusan na sila ng mga panlalait at pangungutyang mga salita. Tutal ay balewala din naman kung ipagtatanggol niya ang kaniyang sarili dahil siguradong hindi siya paniniwalaan ng mga ito. Masasayang lang ang kaniyang laway pag nagkataon.

“Ang mabuti pa ay sa amin na lang muna si Zaidee hangga’t hindi mo pa natututunan kung paano maging responsableng ina sa kaniya. Mas maaalagaan namin siya kaysa sa’yo. Kung mananatili siya sa poder mo ay baka maagang mapariwara ang bata ng dahil sa ‘yo,” pahayag ng ina ni Ashley.

Walang kaso naman ito kay Ashley dahil alam niyang hindi pababayaan ng mga magulang niya ang kaniyang anak. Mas maigi na rin iyon lalo pa’t panay sa probinsya ang trabaho niya sa mga susunod na araw. Baka kung mapano pa ang anak niya kung isasama niya ito sa mga lakad niya. Kung nasa magulang niya si Zaidee ay mas mapapanatag siya.

Dalawang linggo ng hindi nakikita ni Ashley ang kaniyang anak at miss na miss na niya ito kaya pagkaluwas na pagkaluwas niya mula probinsya ay dumiretso siya sa bahay ng kaniyang mga magulang para sunduin ang anak. Pero hindi niya nadatnan si Zaidee doon.

Advertisement

“Ano? Akala ko ba kayo ang mag-aalaga sa anak ko. Bakit niyo siya pina-aruga sa pabaya niyang tatay?”

Kasama ng kaniyang mga magulang ay pinuntahan nila Ashley ang condo ni Landon para sunduin si Zaidee pero walang tao sa unit kaya naghintay na lang sila sa lobby. “Hindi tayo aalis hangga’t hindi ko nakukuha ang anak ko.”

Apat na oras na ang lumipas pero ni anino ng asawa ni Ashley ay hindi pa nagpapakita. Inip na inip na ang mga magulang niya sa paghihintay, “Sa ibang araw mo na lang sunduin ang anak mo tutal naman siguradong hindi siya pababayaan ni Landon hindi tulad mo na isinasama ang anak mo sa beer house tuwing may katatagpuin kang mga lalaki. Hindi ko nga akam kung paano mo naipupuslit ang anak mo sa loob, eh.”

Sasagutin na sana ni Ashley ang kaniyang ina nung biglang mag-ring ang kaniyang cell phone. Lumayo muna siya sa mga ito para sagutin ang tawag.

Pabalik na sana si Ashley sa kinaroroonan nila nang marinig niya ang malalakas na hiyaw ng kaniyang ama. “H***p ka! Taksil! Sinungaling ka! Manloloko! Muntik na naming itakwil ang anak namin dahil sa mga kasinungalingan mo!”

Sa wakas ay namulat din ang kaniyang mga magulang sa kasinungalingan ng dati niyang asawa. Hindi siya ang nangaliwa. Ang dati niyang asawa ang may kabit. At ang pinakamalaking pruweba ay ang buntis na babae na prinoprotektahan nito.

Ngunit walang panahon para sa kanila si Ashley. Ang tanging mahalaga sa kaniya ngayon ay ang kaniyang anak. “Nasaan si Zaidee? Bakit hindi mo siya kasama?” Natahimik ang lahat sa kaniyang tanong.

Buti na lamang ay hindi napahamak ang anak ni Ashley. Iniwan ng dati niyang asawa ang tatlong gulang nilang anak ng mag-isa sa loob ng condo ng apat na oras para samahan ang kabit nito sa kaniyang prenatal checkup.

Advertisement

“Simula ngayon kalimutan mo na si Zaidee! Hindi mo siya anak! Wala ka ng karapatan sa kaniya! Wala kang kwentang ama!”

Humingi ng tawad ang mga magulang ni Ashley sa kaniya. Ang buong akala nila ay isang pokpok ang kanilang anak gayong isa pala itong mang-aawit ng isang banda. Iyon kasi ang pinaniwala sa kanila ng kanilang manugang.

Ayaw ni Ashley na ihabilin sa kanilang ang kaniyang anak dahil baka siraan lang siya ng mga ito sa kaniya kaya palagi niya itong isinasama tuwing may gig sila at pansamantalang pinababantayan niya si Zaidee sa manager nila habang nagtatanghal sila sa entablado.

Ang mga lalaking palaging naghahatid sa dalawa ay yung iba pang miyembro ng banda. Palaging sinisiguro ng mga ito na ligtas na nakauwi sina Ashley at Zaidee.

“Saan ang gig niyo mamaya? Balak sana naming manood ng nanay mo, eh,” tanong ng tatay ni Ashley.

Naging maayos na ang relasyon ni Ashley sa kaniyang mga magulang. Madalas ding manood ang mga ito tuwing may pagtatanghal ang kanilang banda. Sa katunayan ang mga magulang niya, kasama ang anak niyang si Zaidee, ang kaniyang “number one fan.”