Laging Pinapaboran ng Manager ang mga Paborito Niyang Empleyado Habang Pinaparusahan ang mga Hindi Niya Kasundo; ‘Di Niya Akalaing Ikababagsak Niya Pala Ito

“Naku! Lagot! Hindi ako umabot,” wika ni Leni.

“Sayang Ma’am, lumagpas lang kayo ng isang minuto sa grace period,” ang sabi ng guwardiya.

“Oo nga kuya. Sige akyat na ako sa office,” ang sabi ni Leni.

Pagkaakyat ni Leni sa opisina ay agad siyang napuna at pinagsabihan ng kanilang Manager na si Ma’am Angie. Binigyan agad siya nito ng verbal warning kahit na anong ayos ng paliwanag niya.

Wala na siyang nagawa kung hindi tanggapin ito at ipagpatuloy ang mga gawaing pang-administratibo.

Makalipas ang isang oras ay dumating naman si Cindy na mula sa Sales Department.

“Sorry Ma’am Angie at na-late ako ngayon. Grabe ang hirap makasakay kanina at sobrang trapik,” bungad ni Cindy.

“Okay lang, Cindy. Ako na ang bahalang mag-adjust ng oras mo. Kamusta nga pala yung proposal sa kumpanya nila Mr. Morillo?” tanong ni Ma’am Angie.

Advertisement

“Okay na po, Ma’am. Sobrang nagustuhan po nila Mr. Morillo ‘yung proposal ko. May kaunting revisions lang tapos mag contract signing na po kami. Sa’tin na raw po sila kukuha ng products na kailangan nila sa kumpanya nila!” masayang ibinalita ni Cindy sa kanilang Manager.

“Ang galing mo talaga Cindy kaya sa’yo ko ipinagkatiwala ‘yan eh. Ito nga pala ‘yung request leave mo. Na-aprubahan ko na ‘yan. ‘Wag mong kalimutan ‘yung pasalubong ko from Singapore ah,” ang sabi ni Ma’am Angie.

“Siyempre naman Ma’am. Thank you. Sige po akyat muna ko sa Sales Office,” ang sabi ni Cindy.

Pagkaakyat ni Cindy sa opisina ay hindi ito agad nagtrabaho. Siya ay nag make-up muna at nagplantsa ng kaniyang buhok. Pagkabukas ng kompyuter ay binuksan lamang niya ang kaniyang email ngunit hindi pa siya nagbasa at nagtrabaho. Bagkus ay nagbukas siya ng panibagong tab upang manuod ng paborito niyang K-drama.

Habang nanunuod si Cindy ay biglang pumasok ng Sales office si Leni kaya biglang itinigil ni Cindy ang kaniyang panunuod at nagpanggap na abala sa mga gawain nang may finollow-up na report si Leni sa kaniya.

“O, sige mamaya. Busy pa ko. Marami pa akong ginagawa,” ang sabi ni Cindy.

Pagkaalis ni Leni ay muling binalikan ni Cindy ang kaniyang pinapanuod hanggang sa nagkaayaan na ang kanilang departamento na mananghalian.

Pagkatapos mananghalian at magpahinga sandali ay doon lamang nagsimula si Cindy magtrabaho.

Advertisement

Nang malapit nang matapos ang oras ng trabaho ay nagprint ng dalawang buong ebook si Cindy habang nagpapahinga at naghihintay ng oras. Ito ay parati niyang ginagawa upang maibenta ito sa kaniyang mga kakilala at mapagkakitaan.

Pagkatapos ng oras ng trabaho, pagdaan ni Cindy sa Admin office ay muli siyang tinanong ni Leni sa report na hinihingi nito ngunit wala pa rin itong naipasa.

“Leni, hayaan mo na muna ‘yung report ni Cindy at abala siya ngayon sa malaking kliyente. Tingnan mo nga at parating makapal na mga papeles ang inuuwi niyang trabaho sa bahay,” ang sabi ni Ma’am Angie.

Nang dahil dito ay walang nagawa si Leni kaya hinayaan niya na lamang ito.

Pagkaalis ni Cindy ay kinausap na lamang ni Leni si Ma’am Angie tungkol sa kaniyang nirequest na leave sa susunod na Linggo.

“Ma’am tatanong ko lang po sana kung ano po ‘yung status ng request leave ko? Next week na po kasi ‘yun para sa heart operation ng anak ko,” ang sabi ni Leni.

“Naku Leni, busy tayo next week. Hindi puwede. Baka naman puwedeng ‘yung nanay mo na lang ang sumama sa anak mo o ‘di kaya’y ireskedyul niyo na lang ‘yan?” ang sabi ni Ma’am Angie.

Sinubukan pa ring makiusap ni Leni ngunit hindi talaga siya pinayagan ni Ma’am Angie.

Advertisement

Dumating ang araw ng operasyon ng anak ni Leni, bagamat hindi naaprubahan ang kaniyang leave at kahit na mabigat ito sa kaniyang kalooban ay pinakiusapan na lamang niya ang kaniyang ina na samahan ang kaniyang anak.

Habang papasok si Leni sa trabaho ay bigla siyang nakatanggap ng tawag mula sa kaniyang ina na nalagay sa alanganin ang buhay ng kaniyang anak habang inooperahan ito kaya naman tinawagan agad ni Leni si Ma’am Angie upang ipaalam ang nangyayari kaya hindi na talaga siya makakapasok. Ngunit sa halip na siya ay payagan ay pinagbantaan pa siyang isuspinde nito kapag hindi siya sumunod at pumasok ng trabaho.

Hindi nagpatinag si Leni. Sinuway niya si Ma’am Angie at inunang puntahan ang kaniyang anak na nag-aagaw buhay.

Makalipas ang ilang oras, nang magkamalay na ang kaniyang anak at masiguradong wala na sa kritikal ang buhay nito ay malaki ang pasasalamat ni Leni.

Muli niyang tinawagan si Ma’am Angie upang ipaalam ang sitwasyon at sabihing kahit nasa ospital pa ang kaniyang anak ay papasok na ito bukas. Ngunit pinagalitan pa rin siya nito at sinuspinde ng isang linggo dahil sa pagsuway nito.

Bagamat pabor ito kay Leni dahil mas maaalagaan niya pa at mababantayan ang kaniyang anak na nanghihina pa mula sa operasyon ay ikinalungkot niya ang pagiging walang puso at hindi patas ni Ma’am Angie pagdating sa mga kagaya niyang empleyado. Batid niya na kung nangyari ito sa isa sa mga empleyado na kasundo at paborito niya gaya kina Cindy ay agad itong pagbibigyan at hindi agad papatawan ng parusa.

Kaya naman napagisip-isip ni Leni na maghanap ng bagong kumpanyang papasukan. Sinamantala niya ang pagkakasuspinde ng isang linggo na maghanap ng ibang trabaho habang siya ay nag-aalaga ng kaniyang anak.

Matagumpay siyang nakahanap ng bagong trabaho na mayroong mas mataas na posisiyon at sahod. Kaya naman pagkabalik niya sa trabaho, matapos ang isang linggong suspensiyon ay agad siyang nagresign.

Advertisement

Tinawanan lamang siya ni Ma’am Angie sa ginawa niyang pagreresign.

“Akala mo naman hindi ka namin kayang palitan agad. Sige, goodbye!” panghahamak ni Ma’am Angie.

‘Di kalaunan ay marami pang ibang mga empleyado ang nagsi-alisin sa kumpanya dahil sa hindi maayos na pamamalakad ni Ma’am Angie. Halos buwan-buwan ay may nagreresign sapagkat napupuna nila ang hindi nito pagiging patas. Batid nila ang mga pabor na binibigay nito sa mga empleyadong ka-close nito gaya na lamang ni Cindy.

Bandang huli ay unti-unting bumagsak ang kumpanya dahil sa kakulangan sa empleyado at dahil ang mga natirang empleyado ng kumpanya ay ang mga kagaya ni Cindy na hindi nagtatrabaho ng tama sa oras at ginagamit pa ang mga kagamitan sa opisina para sa kanilang sariling interes.

Sumabay pa rito ang hindi pagkakasara ng kontrata ni Cindy sa kumpanya nila Mr. Morillo sapagkat imbes na unahin niya ang pag-aasikaso sa revisions na hinihingi nito ay kung ano-ano pang inatupag nito at nagbakasyon pa muna ito sa Singapore. Sa pagkainip nila Mr. Morillo at dahil may naialok na mas magandang proposal ang kalabang kumpanya ay doon na ito pumirma ng kontrata.

Dumagdag ito sa pagkalugi ng kumpanya hanggang sa natanggal sa trabaho sina Cindy at Ma’am Angie nang malaman ng may-ari ang mga nangyari pati na rin ang mga anomalyang naganap sa kumpanya.

Sa kabilang banda, si Leni naman ay nasa maayos at may pusong kumpanya na. Siya ay isa na sa mga manager dito at mayroong mataas na sahod. Pangako niya sa kaniyang sarili na kailanma’y hindi tutulad sa dati niyang boss na si Angie. Gagamitin niya palagi ang kaniyang puso sa pagiging isang manager.