Matapos Iligtas ang Isang Bata sa Sunog, Nakatanggap ng Malaking Pabuya ang Bayaning Janitor na Ito Mula sa Isang Mayamang Pamilya
Si Manuel ay ang panganay sa kanilang tatlong magkakapatid. Hanggang high school lamang ang kaniyang natapos sapagkat pinili niyang huminto sa pag-aaral upang magtrabaho at makatulong sa pag-aaral ng kaniyang dalawang nakababatang kapatid. Kung anu-anong mga trabaho ang kaniyang pinasok gaya ng pagiging kargador sa palengke, pagtatrabaho sa konstruksyon hanggang sa natanggap siya bilang isang dyanitor sa isang pribadong eskwelahan.
Nakatapos man sa pag-aaral ang pangalawang kapatid na babae ay makalipas ang ilang buwan ay nakipagtanan ito sa kaniyang kasintahan at nabuntis. Halos ganoon din ang nangyari sa kanilang bunsong kapatid na lalaki. Ito ay agad na bumuo ng sariling pamilya. Kaya naman hindi na nakatulong ang dalawa sa kanilang pamilya.
Plinano nang pagsabayin ni Manuel ang kaniyang pag-aaral habang nagtatrabaho sa eskwelahan nang bigla namang nagkasakit ang kanilang mga magulang. Bagama’t may maayos na trabaho ang dalawa niyang mga kapatid dahil sila ay nakapagtapos ng kolehiyo ay may kaniya-kaniya na silang mga pamilya at mga pangangailangan para sa mga anak nila. Kaya si Manuel pa rin ang patuloy na umagapay at nagtaguyod sa kanilang mga magulang.
Wala mang mga anak si Manuel ay naging malapit siya sa mga batang estudyante. Kung minsan ay nagagawa pa niyang makipaglaro sa kanila sa oras ng break time habang inaantay ang mga sundo nila. Ngunit marami mang mababait na mga estudyante ay mayroon ding mangilan-ngilan na nang-mamaliit sa kaniya sapagkat kulang siya sa kaalaman at tinuturing na mababa ang uri ng kaniyang trabaho. Minsan nga ay may magulang na ipinalayo agad ang kaniyang anak noong makita na nakikipaglaro si Manuel dito. Aniya: “Anong karapatan ng kagaya mo ang lumapit-lapit sa anak ko? Baka matulad pa siya sa’yo!”
Sa mga ganoong pagkakataon ay nasasaktan si Manuel at napapa-isip sa mga nangyari sa kaniyang buhay. Ngunit ito ay nawawala sa tuwing naiisip niya na nagawa naman niyang mapagtapos ang mga kapatid niya. At alam niya sa sarili niya na hindi siya dapat panghinaan ng loob sapagkat alam niyang hindi pa huli ang lahat upang mag-aral muli.
Isang araw sa paglalaro ni Manuel at ng mga batang estudyante ng tagu-taguan ay may napansin siyang lumalabas na manipis na usok mula sa isang maliit na silid sa eskwelahan. Pag lapit niya rito ay amoy sunog na kuryente at may nakita siyang apoy. Maya-maya ay may narinig siyang batang umiiyak mula sa loob ng silid. Ito ay humihingi ng tulong sapagkat hindi siya makalabas rito.
Naghanap agad si Manuel nang mapagkukuhanan ng tubig. Nakita niya ang hose na pandilig ng mga halaman. Agad niyang binasa ang sarili at tumakbo palapit sa nasusunog na silid. Pinilit niyang buksan ang pinto at nakita ang bata sa dulo ng silid. Bagama’t may mga nakaharang na mga nasusunog na gamit patungo sa bata ay sinugod pa rin ito ni Manuel. Binuhat niya ang bata palabas ng silid at tuluyan itong nailigtas.
Si Manuel ay nagtamo ng maraming sugat sa pagligtas at pag protekta sa bata mula sa mga nahuhulog na nasusunog na mga bagay sa silid. Ang bata ay walang natamong sugat ngunit ito ay iyak nang iyak at takot na takot sa mga nangyari.
Maya-maya ay may dalawang babaeng tumatakbo papalapit sa kanila. Ang isa sa kanila ay ang ina ng bata na halos humahagulgol sa pag-iyak. Siya si Misis Hernandez. Isa siya sa mga pinakamayamang magulang sa eskwelahan at sila ng asawa niya ang madalas na nangunguna para sa mga charity events ng eskwelahan. Ang isa naman ay ang yaya ng bata. Niyakap agad nito ang anak at kinamusta. “Ayos lang po ako, Mommy. Niligtas po ako ni Kuya.” Sabay turo kay Manuel. Nilapitan agad ng ina si Manuel at lubos itong nagpasalamat.
Para masigurado ang kalagayan ng dalawa ay sinabay niya ito sa kanilang sasakyan at dinala sa ospital. Doon ay ginamot ang mga natamong sugat ni Manuel at si Misis Hernandez ang nagbayad ng lahat ng gastusin.
Makalipas ang ilang sandali ay dumating na sa ospital ang dalawang kapatid ni Manuel na sobrang nag-aalala. Laki ang pasasalamat ng dalawa at ligtas ang panaganay nilang kapatid. Dito nila napagtanto na hindi nila hawak ang hinaharap at hindi nila alam kung ano ang pwedeng mangyari sa isang iglap. Kaya naman hindi na nila sinayang ang panahon at doon lamang nila napasalamatan ang kapatid nila sa mga sakripisyo nitong nagawa upang mapagtapos lamang sila sa pag-aaral. Pinangako rin nila na tutulungan na nila ito sa pag-aalaga ng kanilang mga magulang.
Noong malaman ni Misis Hernandez ang kwento ng buhay ni Manuel at sa laki ng utang na loob nito sa pagkakaligtas sa kaniyang anak ay agad siyang gumawa ng paraan para matulungan ito. Ipinagamot niya ang mga magulang nito sa isang magandang ospital at sinagot ang lahat ng gastusin. Kinuha rin niya si Manuel upang magtrabaho para sa kanilang kompanya at ipinasok siya sa magandang kolehiyo at sinagot ang pag-aaral nito.
Mula noon ay mas naging maayos ang buhay ni Manuel at natupad niya ang kaniyang mga pangarap.