Inday TrendingInday Trending
Sa Sobrang Sugarol ng Nanay ay Di Niya Na Nahalatang Nakalunok ng Pang-Tantos sa Bingo ang Anak Niya, Isang Di Inaasahang Tao ang Nagligtas sa Buhay ng Bata

Sa Sobrang Sugarol ng Nanay ay Di Niya Na Nahalatang Nakalunok ng Pang-Tantos sa Bingo ang Anak Niya, Isang Di Inaasahang Tao ang Nagligtas sa Buhay ng Bata

Nagkamot pa ng ulo si Marie bago muling kalugin ang bote na pinaglalagyan ng pinaghalu-halong barya, shell at makukulay na bato na ginagamit pang-tantos sa bingo cards. Nakaupo sila ngayon ng mga kapitbahay sa tabing kalsada, alas tres na ng hapon at kanina pa silang umaga rito.

“Sa B! Si Linda. Duleng..otso!” sabi niya na sinundan pa ng malakas na pagtawa. Ganoon rin ang ginawa ng mga kalaro niya. Ang malas naman, parang hindi maganda ang mga cards na nakuha niya.

“Te Marie yung anak mo natae sa computer shop.” sumbong ng isa pang batang kalye. Napatayo naman si Marie, naabutan niya ang dalawang taong gulang na anak at wala itong salawal.

“P*ta ka! Pasensya na ho Ate lilinisin ko yan,” sabi niya sa may-ari ng computer shop. Dali-dali siyang pumunta sa poso at hinugasan ang pwet ng bata, wala nang sabun sabon. Tapos ay nag-igib siya ng isang timba at binaldyuhan ang malambot na dumi ng anak. Umagos ito palabas.

“Tatampalin ko yang muka mo Jan-Jan dito ka sabi,” sabi niya sa anak. Ang damit nito ay hindi pa nabibihisan at kung anu-anong dumi na ang nilalaro nito sa kalsada pero mas abala si Marie sa pagbibingo, mamaya pa naman ang uwi ng asawa niya. Mamaya na siya magsasaing.

Dahan-dahan naman sa pagda-drive si Gale, kagagaling niya lamang sa kanyang shift sa ospital- isa siyang nurse. At ngayon ay dito siya napilitang dumaan sa iskwater dahil may prusisyon sa kalsadang palagi niyang dinaraanan. Nakakatakot pala, sa isip isip niya. Maya’t maya ay may batang maliit na tumatawid o kaya naman ay may maliit palang tindahan sa bangketa na pwede niyang masagasaan.

Nang medyo lumuwag ang daan ay nagawa na niyang bilisan nang kaunti ang pagmamaneho pero ganoon nalang ang gulat niya nang hindi niya mapansin ang isang malalim na lubak, nakalagpas naman ang sasakyan niya roon pero nagtalsikan ang putik sa mga babaeng naglalaro ng bingo.

Napamura si Marie dahil basang-basa ang damit niya, siya ang pinakatinamaan dahil sa bangkito lang siya nakaupo. Ibinaba niya ang kandong na anak at kinalampag ang sasakyan.

“Hoy Putaena mo ka! Yabang mo porke di kotse ka! Baba dyan!” sabi niya at patuloy na kinakatok ang bintana nito.

Dahan-dahan namang bumaba iyon at ibinungad ang kinakabahang babae. “Ate sorry po pasensya na..” paulit ulit na sabi nito.

“Ano’ng pasensya gaga ka nabasa mo yung cards namin pati damit ko ayusin mo yan ha dadaan-daan ka rito wag kang siga!” sabi ni Marie.

Abala siya sa pagbubunganga sa babae kaya hindi niya napansin ang dalawang taong gulang na anak na noon ay tila nakakita ng candy nang mahawakan ang isang makulay na batong pang-tantos. Marahil na rin sa gutom nito kaya akala nito ang lahat ng mahawakan ay pagkain.

Isinubo iyon ng bata at pinilin nguyain pero nagdire-diretso ang matigas na bato sa maliit na lalamunan nito. Napansin nalang ito ng mga kumare niya nang umuubo na ang bata at tila hirap huminga.

“Ano? Tara sa barangay o?! Palag ka-“

“P*ta Marie yung anak mo nakalunok ng pangtantos!”

Gulat na napalingon si Marie at nilapitan ang anak na nangingitim na dahil di ito makahinga. “Tulungan nyo ko!” sigaw niya pero nakatulala lang ang lahat sa kanya, maging ang mga kumare niya ay natatakot lumapit dahil baka mapagbintangan.

Nagulat pa siya nang biglang may humawak sa bata at diniinan ang tiyan nito patalikod, pagkakita niya ay ang babaeng inaaway niya kanina lang ang sumasaklolo rito ngayon. Di niya alam kung ano na ang ginawa nito dahil tila nabingi siya at nabulag sa paligid, tila bumagal ang lahat dahil sa sobrang kaba niya.

“Ayos na..” sabi nito. Niyakap ni Marie ang umiiyak na anak, naisuka na nito sa kalsada ang nakain nitong bato.

Sa sobrang tuwa ay nayakap ni Marie ang babae, “Hindi ko alam kung paano kita pasasalamatan.”

Umiling naman si Gale, “Basta ho ingatan nyo nalang ang anak nyo.” sabi niya at sumakay na sa kotse.

Itinanim naman iyon ni Marie sa kanyang sarili, sumumpa siyang hindi na magsusugal at palagi nang uunahin ang kapakanan ng anak.

Nakangiti namang nagmaneho si Gale pauwi, naniniwala siyang may dahilan ang lahat. Kaya pala may prusisyong nakaharang sa daraanan sana niya ay nais ng Diyos na doon siya dumaan sa iskwater, dahil may ilililtas pala siyang buhay.

Advertisement