Inday TrendingInday Trending
Natabunan ng Lupa ang Dalaga Dahil sa Bagyo, Isang Bata ang Himalang Nakakwentuhan Niya sa Ilalim

Natabunan ng Lupa ang Dalaga Dahil sa Bagyo, Isang Bata ang Himalang Nakakwentuhan Niya sa Ilalim

Nasa ika-apat na taon na sa high school si Ginalyn, siya ang panganay sa pitong magkakapatid. Nakatira ang kanilang pamilya sa isang maliit na barangay sa Cotabato, ang kanyang inay ay naglalako ng mga gulay habang magsasaka naman ang kanyang ama. Mataas ang pangarap ng dalagita, nais niyang mapag-aral ang mga kapatid at mabigyan ng magandang buhay ang kanyang mga magulang. Puno na kasi ng hirap ang mga ito, sana nga ay mapatikim niya man lang ito ng kaunting ginhawa.

Katulad na lang ng mga nakikita niya sa TV kapag nakikinood siya sa kapitbahay, iyon bang magche-check in sa hotel ang buong pamilya, swimming tapos ay kakain ng inihaw na bangus, manggang hinog nang naka-kamay lang, ang sarap!

Tiyak niyang mahaba-haba pa ang tatahakin niya para doon, pero gagawin niya ang lahat para makamit niya ang mga pinapangarap. Sa katunayan ay palaging nakakakuha ng honor sa eskwela ang dalagita dahil pinagbubutihan niya talaga.

“Huy.. anak!” sabi ng kanyang ina, si Aling Mercy na ikinagulat naman ni Ginalyn.

Napapitlag ang dalaga, nagising sa pangangarap. Mga nakailang kurap pa sya bago nagsalita.

“H-ho?” sabi niya sa ina, abala ang ginang na magsalansan ng mga gulay na ilalako nito.

“Ang sabi ko, mag-i-ingat ka papasok sa eskwela, narinig ko sa radyo na may malakas na bagyo raw na paparating sa lugar natin. Kaya naman pala walang tigil ang ulan,” sabi nito na umiiling-iling pa.

“Oho nay,” sagot niya.

“O wag ka na kayang pumasok? Ang mga kapatid mo’y hindi ko na papapasukin at delikado ang dadaanan. Hindi ka ba pwedeng lumiban muna?” tanong nito, may bahid ng pag-aalala ang boses.

“Naku nay hindi po pwede at may exam kami ngayon. Ako rin po ang magre-report eh.” sabi niya.

Dadaan muna sa ilog at mahabang kalsada na hindi simentado ang dalagita bago makarating sa eskwela. Malayo ang bahay ng mga classmate niya kaya kadalasan ay huli na siya sa balita na wala palang pasok, nakarating na siya doon at madadatnan niya nalang na sarado ang gate ng eskwelahan, tapos may nag-iiwan ng karatula na WALANG PASOK.

Mahina rin ang signal ng radyo nila sa bahay kaya hindi narinig ng kanyang ina na walang pasok ngayon. All levels, elementary hanggang college.

“Lakad na ho ako nay, dalhin ko ‘tong isang payong,” sabi niya dahil napakadilim ng paligid. Nag-aalala naman ang kanyang nanay na tinanaw siya, nagpapasalamat ang ginang na masipag sa eskwela ang anak pero minsan ay napakakulit rin talaga nito pagdating doon at hindi nagpapapigil.

Wala pa sa kalahati ng nilalakad si Ginalyn nang biglang bumuhos ang napakalakas na ulan, kasabay noon ay ang hangin na halos liparin na siya. Nasira ang payong niya kaya pinabayaan niya nalang, heto na rin lang siya ay itutuloy niya na. Nilabanan ng dalaga ang hangin at naglakad, basang-basa ang kanyang uniporme, yakap niya ang kanyang bag na libreng ipinamimigay lang ng barangay kapag pasukan.

“Diyos ko po.. wag mo naman akong pabayaan,” tahimik niyang usal.

Napasigaw na lang siya nang maramdaman niyang gumumuguho na ang lupang tinutungtungan.

Unti-unting idinilat ni Ginalyn ang mga mata, napakadilim.

“N-nanay? Tay?” tawag niya sa mga magulang pero nag-echo lang ang kanyang boses. May kaunting liwanag siyang natatanaw, siguro ay doon ang labasan sa madilim na paligid na ito. Tama, kaunting lakad lang at makakarating na siya.

Sinubukang igalaw ni Ginalyn ang kanyang mga paa pero naipit ng isang mabigat na bato ang kanyang kaliwang binti.

“Aray!” hiyaw niya. Unti-unting naka-adjust ang kanyang mga mata sa dilim kaya, nalaman niyang napapaligiran siya ng lupa, siyang mag- isa. Pero ang kaalamang iyon ay hindi nagpakalma sa kanya, lalo lamang siyang kinabahan.

“Saklolo! Tulungan ninyo ako!” paulit ulit na sigaw niya pero ang tanging sagot ay ang pag-echo ng sarili niyang boses. Dahil na rin siguro matagal na siyang naroon, walang kain at pagod ang katawan, i-dagdag pang napakabigat talaga ng batong nasa binti niya ay wala na siyang lakas pa. Napatungo na lang ang dalaga.

Dito na yata siya mamamatay. Sa isip niya ay namaalam na siya sa pamilya, hindi niya na matutupad ang mga pangarap niya para sa mga ito.

Paalam nay, tay. Paalam mga kapatid ko..

“Huy.. ayos ka lang ba?” sabi ng boses ng isang bata.

Agad nabuhayan ng loob si Ginalyn, may bata? Bagamat di sya matutulungan ng musmos na iangat ang bato, maaari niya itong utusan upang humingi ng tulong.

“N-nasaan ka?” tanong niya rito.

“Nandito.Nandito lang ako palagi,” sagot nito.

“Tulungan mo ko! Tumawag ka ng pulis.. bumbero.. kahit na sino, nadadaganan ako ng malaking bato-” hindi niya na naituloy ang sasabihin dahil muling nagsalita ang bata.

“Alam ko. Wag kang susuko ha? Parating na sila, kumapit ka lang.. nandito lang ako,” sabi pa rin nito.

“Sige na parang awa mo na kumilos ka na.. hindi ko kailangan ng ka-kwentuhan… kailangan kong makaalis na rito! Ayoko na rito, natatakot ako. Kailangan kong malaman kung ligtas ang pamilya ko!” sigaw niya, hysterical na ang dalagita.

“Wag kang matatakot, magdasal ka lang. Tumawag ka lang.. ligtas ang pamilya mo. Hindi kita iiwan Ginalyn, parating na sila. Dito lang ako, habang hinihintay mo sila.” muling sabi nito.

Inisip ni Ginalyn na baka naipit din ito sa ilalim kaya hindi makaalis, tsaka hindi niya dapat ibuhos ang galit at emosyon sa bata. Ito na nga lang ang kausap niya, aawayin niya pa gayong siya itong matanda at dapat magpalakas ng loob nito. Baka suki ng nanay niya ang mga magulang nito kaya kilala siya ng bata.

Napangiti si Ginalyn, kung hindi nga bata ang boses nito ay iisipin niyang matanda pa ito sa kanya, para kasing malaki na kung magsalita.

“Pasensya kana, ilang taon ka na pala?” nakipagkwentuhan nalang si Ginalyn habang naghihintay ng tulong. Ayaw niyang ubusin ang lakas sa pag iyak.

Buti na lang maraming kwento ang bata at napapatawa pa siya. Makalipas ag kalahating araw siguro, ay noon niya lang naisip itanong ang tungkol sa pagkakakilanlan ng bata.

“Ang tagal na nating magkausap totoy, ano nga ulit ang pangalan mo?” tanong niya rito.

“Kilala mo ako Ginalyn… Mahal kita, Anak ko…” bigkas nito.

Hindi maintindihan ng babae kung bakit tila unti-unti siyang nakaramdam ng pagkahilo, tapos ay napapikit siya sa sobrang antok. Huling nakita niya ay tila lumiwanag ang paligid at may naramdaman siyang haplos sa kanyang pisngi, haplos na nakakapagpakalma sa kanyang puso. Haplos na parang nagsasabing “ligtas ka.”

“Anak! Diyos ko po salamat! Ginalyn anak!” nagising si Ginalyn sa iyak ng kanyang ina, mayroon rin siyang naririnig na tunog ng ambulansya. Natabunan ang dalaga at himalang nabuhay, nabugbog masyado ang kanyang binti pero makkaalakad pa naman siya, kailangan lang raw ng therapy ng ilang buwan, sabi ng doktor.

“Nay, tay? ang mga kapatid ko ho?” natatarantang tanong niya.

“Anak wag mo silang isipin, ligtas kaming lahat!” sabi ng kanyang ama tapos ay niyakap siya.

“Ang bata nay? nailigtas nyo ba ang bata? May bata akong kasama sa ilalim..” sabi niya tapos ay hinawakan ang sentido, pilit inaalam kung nananaginip lang ba siya.

Nagkatinginan ang mag asawa, ano’ng sinasabi ng anak nila? Nakalog yata ang utak sa pagkakabaon.

“Anak, walang bata roon.”

“Hindi ho.. may bata ho akong kausap, siya pa nga ang nagpapakalma sa akin at sabi raw ay darating kayo.” pagpupumilit niya.

“Sa totoo lang, nanaginip ako na kausap ko ang Diyos, siya ang nagsabi sa akin na naroon ka nga. Pero iyon lang anak, walang bata doon. ” sabi ng kanyang ina.

Natahimik si Ginalyn, naalala niya biglang tinawag siya nitong ‘anak’, at may naramdaman siyang kapayapaan sa kanyang puso.

Mula noon ay lalong tumibay ang pananalig ng dalaga, dahil buong puso siyang naniniwala na ang ‘bata’ ay ang Diyos, ito ang naging paraan nito upang di siya matakot at patunayan sa kanyang kailanman ay di siya pababayaan nito.

Advertisement