Inday TrendingInday Trending
Walang Konsensyang Binenta ng Nanay ang Anak, Nang Yumaman Ito ay Plinano Niya Itong Perahan

Walang Konsensyang Binenta ng Nanay ang Anak, Nang Yumaman Ito ay Plinano Niya Itong Perahan

“Pa-sindi nga,” sabi ni Merly sa tindera ng sari-sari store kung saan siya bumili ng sigarilyo. Tumingin muna sa kanya ang matandang tindera tapos ay bumaba ang mga mata nito sa kanyang tiyan na siyam na buwan na. Kahit ano’ng oras ay manganganak na siya.

“Tinitingin-tingin mo dyan tanda? Wala kang pakialam ha,” sabi niya rito habang patuloy na sinusubukang sindihan ang sigarilyo, namamatay kasi agad ang apoy ng lighter.

“Buntis ka, masama iyan sa bata..” di nakatiis na sabi ng tindera.

“Anak mo ba ito? Wag kang umepal sa akin ha, ang intindihin mo itong lighter mo, palyado, pwe!” sabi niya pa bago tumalikod, idinura sa kalsada ang bubble gum na nginunguya. Baka may posporo siya sa bahay, iyon na lang ang gagamitin niya. Lintik na mga barkada kasi niya, ninakaw ang kanyang lighter.

Hindi alam ni Merly kung sino ang nakabuntis sa kanya, marami kasi siyang lalaking sinasamahan. Hindi niya iyon ginagawa para sa pera, wala lang, gusto niya lang.

Pang-apat na niya itong anak, ang una ay ipinamigay niya at ang dalawa ay ibinenta niya. Malaki ang bayad, kinse mil ang isang sanggol. Siguro ngayon na mas maraming naghahanap ng anak, lalo na iyong mga mayamang mag-asawang hindi makabuo, tataasan na niya ang presyo. Gagawin niya nang bente mil, tiba-tiba!

Isa sa naiisip niyang pagbentahan ng anak ay ang mag-asawang kalilipat lang sa magandang subdivision, alam niya dahil ikinukwento sa kanya ng mga security guards ng subdivision.

May edad na pareho ang dalawa para magkaanak pa, ang babae ay parang 46 na habang ang lalaki ay nasa 50 na.

Isang umaga, habang papalabas sa subdivision ang kotse ng dalawa ay nagbakasakali siya, kumaway siya sa mga ito.

“Miss, bakit?” tanong ng babae sa loob ng kotse, ibinaba nito ang bintana.

“Bente mil, sayo tong baby ko. Buong-buo. Gwapo ito paglabas, kano yata ang ama eh. Pero di ko sigurado ha!” natatawa pang sabi niya.

Medyo nagulat man sa offer niya ang babae ay mababakas sa mukha nito ang kagustuhang pumayag sa kanyang hinihiling. Ilang araw lang ang nakalipas ay kumakatok na ang mga ito sa kanyang bahay at sinabing payag na.

Ang mag asawa ang sumagot sa pagpapacheck up at panganganak ni Merly. ‘Pag sinuswerte nga naman, libre pa lahat ang pagkain niya at luho. Nang ilabas ang sanggol ay walang pakialam si Merly kahit pa umiiyak ito, palibhasa ay sanay na. Kung ang ibang ina ay napapaluha at abot ngiti kapag nayakap na ang anak, iba naman ang nagpapangiti ngayon kay Merly – pera.

“Sakto, bente.” sabi niya matapos bilangin ang tig-i-isang libo sa loob ng sobre.

“Merly, wag mong isipin na binibili namin ang sanggol. Ang ganitong biyaya ay di matutumbasan ng anumang pera. Ginagawa namin ito para mabigyan siya ng magandang buhay. At ang perang yan ay hindi bayad, tulong yan para magbagong buhay ka sana..” madamdaming sabi ng babae.

“Alam mo, ang dami mong satsat, e. Sige na, umuwi na kayo. Ako nang bahala sa sarili ko, congrats sa baby nyo ha, mam at ser.” sabi niya lang na napakalaki pa rin ng ngiti sa mga labi.

—– “Hoy! sabi ko, darating na yung mag-asawang Cruz bali-balita. Babalikan na yung bahay nila dyan sa subdivision. Diba dinala nila ang anak mo sa America? Donya ka na!” sabi ni Precy, kaibigan ni Merly.

Nagising si Merly sa pagmumuni-muni, ilang taon na ba ang nakalipas? 28? 30? Di nya na masyadong matandaan, basta ang alam niya lang. Mayaman na sya! Syempre mayaman na ang anak niya, kahit bali-baliktarin ang mundo ay maaari niya itong bawiin dahil siya ang tunay na ina. Hah!

Wala syang pakialam kung ni minsan ay di pa siya nakita nito, ang alam lang niya, konting drama, konting iyak ay mapapaniwala niya ang anak. Kukupkupin siya nito at dadami na ang pera niya.

Maya-maya pa ay natanaw na niya ang isang magarang kotse na dumaan sa gate ng subdivision, dahil kilala siya ng mga guards doon ay nakapasok agad siya.

Hindi pa muna lumapit si Merly, nagkubli siya sa isang pader na malapit. Sobrang lapit na rinig niya ang pinag uusapan ng mga bumababa. Nauna ang driver at pinagbuksan ng pinto ang mga sakay.

Sunod na bumaba ang isang napakagwapong binata, tiyak ni Merly na iyon ang anak niya dahil sa balat nito sa tenga. Pero wala siyang masyadong pakialam doon, ang nakita niya agad ay ang suot na relo ng binata, asensado!

“Mommy, dahan-dahan,” sabi nito. Inalalayang makaupo sa wheelchair ang noo’y matanda nang babae, ang kinilala nitong ina.

“Sandali. Bago mo ipasok sa loob, ayaw mo bang makilala ang nanay mo? Anak.. hindi ka niya binenta kami ng daddy mo ang nagkusang tulungan sya..” sabi nito.

“Kilala ko na ang nanay ko. Ikaw, ikaw ang nanay ko. Hindi naman kinailangang sayo ako lumabas para matawag na nanay ko. Ikaw ang nag-alaga sa akin at bumuhay, ikaw ang nagmahal sa akin kaya para sa puso ko, yun ang nanay.” simpleng sabi ng binata.

Tinamaan si Merly sa sinabi nito, noon din ay napagdesisyunan niyang -atras na ang plano. Bukod sa mukhang matalino ang lalaki at di niya maiisahan, masyadong mabuti ang puso ng matandang babae. Inalok pa nito ang binata kung nais siyang makilala, hindi niya na dapat pang lokohin ito.

Nahiling ni Merly na sana hindi pa huli, dahil kasabay ng paglalakad niya palayo sa subdivision, ay ang kagustuhan niyang magbagong buhay.

sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement