Ibinenta ng Ama ang Sariling Bato sa Iba, Hindi Niya Inakala na Kakailanganin Din Pala Ito ng Kanyang Anak

“Itay, narito na po ako!” tawag ni Fiona.

“O, anak kumusta ang eskwela?” tanong ni Carlos sa anak.

“Okay naman po, pero marami po kaming babayaran sa eskwela kasama na po dun iyong group projects namin!”

“Huwag kang mag-alala, gagawan natin ng paraan.”

Palaging iyon ang sinasabi ni Carlos kapag may kailangan ang anak sa eskwela na may kinalaman sa pera. Mamomroblema na naman siya kung saan siya kukuha ng maibibigay sa anak samantalang pinagkakasya lang nila sa pagkain at pang-araw-araw na pangangailangan ang kakarampot niyang kinikita bilang sapatero.

Iniwan si Carlos ng kanyang asawa dahil hindi niya rito naibigay ang ipinangakong magandang buhay. Iniwan ng babae ang anak nila sa kanya at siya ngayon ang solong bumubuhay rito kaya lahat ginagawa niya para maigapang ang pag-aaral ng anak.

“Itay, tatlong buwan na lang at makaka-gradweyt na ako sa high school. Saan po kaya ako magko-kolehiyo?” tanong ni Fiona.

Napakamot sa ulo si Carlos, hindi malaman kung ano ang isasagot sa anak.

Advertisement

“Hayaan mo anak, pag-iipunan natin ang pagpasok mo sa kolehiyo,” aniya.

“Naku, salamat po itay. Excited na po akong mag-kolehiyo!” masayang sabi ng anak sabay yakap sa kanya nang mahigpit.

Dahil mahina ang kita sa pagsa-sapatero ay sinubukan ni Carlos na maghanap ng trabaho ngunit dahil hindi siya nakapagtapos ng elementarya ay hindi siya natatanggap sa mga inaaplayan niya. Kahit nang mag-apply siya bilang janitor sa isang fast food chain ay hindi siya tinanggap dahil kailangan ay nakatuntong man lang ng high school.

“Parang awa na po ninyo, kahit po tiga-hugas lang ng pinggan!” pakiusap niya sa may-ari ng inaplayang restaurant.

“Pasensya na, pero may natanggap na kami, e. Nahuli ka na. Hayaan mo at tatawagan ka na lang namin kapag may bakante na ulit,” wika ng kausap.

“Ganoon po ba? Sige po, salamat!” aniya at lulugo-lugong lumabas ng restawran.

Isang araw, nakasalubong niya ang isang malapit na kaibigan na matagal din niyang hindi nakita. Si Cirilo.

“O, Carlos kumusta ka na? Kay tagal nating hindi nagkita, a!” bati ng lalaki.

Advertisement

“Cirilo, ikaw nga ba? Ito naghahanap ng trabaho,” aniya.

“Trabaho ba kamo?”

“Oo baka may alam ka? Kailangan ko lang kasi ng mapagkakakitaan para sa pangkolehiyo ng anak ko.”

“Meron akong alam p’re, instant money agad!”

“Talaga, ano naman iyon?”

“Tamang-tama ang pagkikita natin, mayroon akong kakilalang handang magbayad ng malaking halaga.”

“Teka, anong trabaho iyan?” patuloy na tanong ni Carlos.

“Kailangan niya ng bato para sa kanyang kidney transplant. Handa mo bang ipagbili ang bato mo? Handa siyang magbayad ng tatlong daang libong piso!”

Advertisement

Nanlaki ang mga mata ni Carlos nang marinig ang halagang kapalit ng kanyang bato.

Dahil sa wala na siyang ibang paraang maisip para magkaroon ng agarang pera para sa pang-kolehiyo ng anak ay tinanggap niya ang alok ng kaibigan. Ibibigay niya ang isa niyang bato para kumita ng malaking pera.

Pagdating sa bahay ay masaya niyang ikinuwento sa anak ang magandang balita.

“Anak, matutupad na ang pangarap mong makapag-kolehiyo!” aniya.

“Talaga po, itay, nakahanap na po kayo ng bagong trabaho?” gulat na sabi ng dalaga.

Hindi nakakibo si Carlos sa itinanong ng anak. Ayaw niyang malaman nito ang gagawin dahil tiyak na pipigilan siya ni Fiona. Kaya minabuti niyang ilihim rito ang planong pagbebenta ng bato.

‘Di nagtagal ay sumailalim na nga sa operasyon si Carlos para tanggalin ang kaliwa niyang bato. Nang matapos iyon ay agad din siyang binayaran ng banyagang kustomer na nangangailangan ng kanyang bato. Laking gulat niya nang makita ang laman ng iniabot na sobre. Tumataginting na tatlong daang libong piso.

Pauwi na siya nang may makasalubong na ambulansya. Nakaramdam siya ng kaba dahil malapit sa kanilang bahay ang pinanggalingan niyon. Pagbaba niya ng traysikel ay agad siyabg sinalubong na kapitbahay niyang si Aling Nelia.

Advertisement

“Carlos, ang anak mo isinugod sa ospital!” sigaw ng babae.

“Ho, saang ospital daw po?” nag-aalala niyang tanong.

Nagmamadali niyang pinuntahan ang ospital na pinagdalhan sa anak. Nang naroon na siya ay napag-alaman niya na may malubhang sakit sa bato si Fiona at kailangan itong sumailalim sa kidney transplant sa lalong madaling panahon, dahil maaari daw ikasawi ng kanyang anak kung hindi agad maooperahan. Tinapat siya ng doktor na sa dami ng nangangailangan ng bato ay wala pang nakareserba para sa kanyang anak.

“Dok, wala bang ibang paraan, may pera ako handa akong magbayad maoperahan lang ang anak ko!” Sabi niya sa doktor.

“Pasensya na, pero sa ngayon ay wala po talagang available na kidney at donor para sa inyong anak. Kailangan po nating maghintay hanggang sa may dumating,” paliwanag nito.

Laking pagsisisi ni Carlos nang malamang kailangan ng anak ng panibagong bato para mabuhay. Samantalang ibinenta na niya ang sariling bato sa iba na maaari sana niyang ibigay sa anak para madugtungan ang buhay nito.

Habang natutulog ang anak ay hinawakan niya ito sa kamay at humingi ng tawad.

“Patawarin mo ako, anak! Kung alam ko lang na mas kakailanganin mo ang aking bato, hindi ko na sana ipinagbili!” wika ni Carlos habang dumadaloy sa mga mata ang masaganang luha.

Advertisement

Dahil hindi siya nawawalan ng pag-asa na gagaling ang anak ay naisipan niyang gamitin ang social media para manawagan kung sino ang maaaring mag-donate ng bato sa kanyang anak. Ipinost niya sa Facebook na kailangang itong maoperahan para magkaroon ng bagong bato.

Nang sumunod na araw ay bigla siyang ipinatawag ng doktor na tumitingin sa kanyang anak.

“Magandang balita, may donor na ang anak mo!” bungad nito sa kanya.

“Talaga po? Naku, Salamat po, dok!”

“Huwag ka sa akin magpasalamat kundi sa donor na magbibigay ng bato sa anak mo!”

“Sino po ba siya para makapagpasalamat ako?”

Nang biglang pumasok sa opisina ng doktor ang isang babae. Mukha itong may lahi dahil tisay at maganda ang mga mata nito.

“Kayo po si Mr. Carlos Santillan?” anito.

Advertisement

“A-Ako nga po. Kayo po ba ang donor ng anak ko?” tanong niya rito.

“Opo, ako nga. Ako po ang anak-anakan ni James Garner, iyon pong pinagbentahan niyo ng bato? Ako si Jean Garner. Nakita ni Papa ang post niyo sa Facebook at sinabi niya na kayo ang nagbenta sa kanya ng bato.”

Nagulat si Carlos nang malamang ang handa palang magbigay ng sariling bato sa kanyang anak ay ang ampong anak ng banyagang pinagbentahan niya ng kanyang bato. Malaki pala ang utang na loob ng dalaga sa kanya dahil sa batong ibinenta niya sa ama-amahan ay dinugtungan ang buhay nito.

Sinabi ng babae na siya dapat ang magbibigay ng bato sa ama-amahan ngunit nung panahong kailangan na kailangan ng ama ang kidney transplant ay wala siya sa kanilang bansa at nagtatrabaho sa malayong lugar.

Hindi raw ito agad nakauwi kaya minabuti ng ama na bumili na lamang ng bato sa kung sino ang papayag na pagbentahan ito. Kalahating Pinoy at Amerikano ang babae kaya nakakapagsalita ito ng Filipino. Mahal na mahal nito ang ama-amahan dahil pinalaki siya nito at pinag-aral kahit hindi tunay na anak.

“Maraming salamat, hinding-hindi ko makakalimutan ang tulong na ibinigay mo,” sabi ng lalaki.

“Ibinabalik ko lang po ang tulong na ibinigay niyo sa aking ama,” anito.

Naging matagumpay ang kidney transplant sa anak niyang si Fiona. Bumuhos rin ang tulong na nagmula sa mga ‘di niya kilalang tao na nakakita ng post niya sa Facebook. Tinulungan din sila ni Jean sa iba pang gastusin sa ospital. Ipinagtapat din niya sa anak ang ginawa para makapag-kolehiyo ito.

Advertisement

“Sana mapatawad mo ako anak sa ginawa ko,” sabi niya rito.

“Itay, ginawa mo lang naman ang sa tingin mo ay tama. Wala po akong sama ng loob sa inyo. Mahal na mahal kita, itay!”

“Mahal na mahal din kita, anak!”

Nang makalabas sa ospital ang anak ay hindi sumuko si Carlos at naghanap ulit ng trabaho. Sinuwerte naman siya at natanggap sa isang talyer bilang isang mekaniko. Nagkaroon siya ng regular na kita at pinag-ipunan niyang muli ang pag-aaral ng anak sa kolehiyo. Ang tatlong daang libong piso na pinagbentahan ng kanyang bato ay inilagak niya sa bangko para sa ipon nilang mag-ama.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!