Nakipag-away ang Nanay na Ito sa Nanay ng Kalaro ng Kaniyang Anak; Hindi Nito Akalain na ang Anak Mismo Niya ang Magpapahiya sa Kanya

“Bakit ka umiiyak? Anong nangyari?” tanong ni Rose sa kaniyang anak.

“Ma, si Miko kasi kinuha ‘yong tsinelas ko,” sagot ni Ken, bunsong anak ni Rose.

Laging ganito ang hapon nila Rose. Hinahayaan niya ang kaniyang anak na makipaglaro sa labas pagkagising mula sa siesta. Naniniwala siya na kailangan ng kaniyang anak na matutong makipaghalubilo sa ibang bata para na rin mas maging masigla ito. Ganoon niya rin pinalaki ang iba pang mga anak.

Si Ken ay limang taong gulang pa lamang. Masayahing bata ito at marami ring kalaro. Minsan ay hindi rin maiiwasan na mapaaway si Ken sa mga kalaro ngunit away bata lamang ito. Ganoon talaga, kasama sa karanasan ng mga bata ang asaran.

Maayos at maraming kaibigan ang pamilya ni Rose sa kanilang lugar. Aminado rin siya na hindi perpekto ang kanilang buhay pamilya. May mga oras din na nag-aaway silang mag-asawa dahil sa kakulangan ng badyet sa bahay. Ngunit mas madalas naman ang masasayang araw nila. Lagi silang nagbibiruan at nagkukulitang mag-asawa kasama ang mga anak.

Isang araw ay nagkaroon ng problema si Rose at ang asawa. Sa inis nila sa isa’t-isa ay nagkasagutan sila.

“Lint*k naman, Lito. Imbes kasi na dumeretso ka na ng uwi dito, kinailangan mo pa talagang sumama muna sa mga kaibigan mo? Alam mo namang madaming loko sa bilyaran na yun!” galit na wika ni Rose.

Image courtesy of www.google.com

“Oo na nga eh, kasalanan ko na nga. Gagawa ako ng paraan!” pasigaw na sagot ni Lito.

Advertisement

“T@n6*na talaga oh, pera na naging bato pa,” sagot naman ni Rose.

Nagsisigawan at nagbibitaw ng masasakit na salita ang dalawa. Paglipas ng ilang minuto ay kumalma ang mag-asawa at nag-usap ng maayos.

Nawala kasi ni Lito, asawa ni Rose ang panggastos sana nila sa buong linggo at pambayad sa eskwela ng mga bata. Nalaglag ang wallet nito habang nagbibilyar kasama ang mga kaibigan. Agad naman na-solusyonan ito dahil nakadelehensiya sila sa kapatid ni Lito.

Kinabukasan habang nagtutupi ng damit si Rose ay narinig niyang may kumakausap sa kaniyang anak sa labas ng kanilang bahay. Nang silipin ay nakita niyang kausap ni Ken ang bagong lipat nilang kapitbahay.

“May problema ba? Rose nga pala, ako ang nanay niya,” pagpapakilala ni Rose.

Image courtesy of www.google.com

“Ah ikaw ba? Nako Rose, ako naman si Tin. Ito naman ang anak kong si Hiro. Bagong lipat kami rito. Huwag mo sanang masamain, pero nagsabi kasi sa akin ang anak ko na narinig daw niya na nagmumura ang anak mo,” sagot ni Tin.

“Ha? Hindi marunong magmura ang anak ko. Limang taon palang yang si Ken, paanong magmumura? Pabayaan na lang muna natin, away bata lang ‘yan,” wika ni Rose.

“Kung sabagay, pero hindi kasi nagsisinungaling ang anak ko. Pero tama ka, ayaw bata nga lang siguro ito. Masasanay rin silang maging magkalaro ng anak ko,” tugon ni Tin.

Advertisement

Alam ni Rose na hindi magagawang magmura ni Ken. Sigurado rin naman si Tin na hindi magagawang magsinungaling ng kaniyang anak pero pinili nila na pabayaan na lang muna ang sitwasyon. Mula noon ay araw-araw nang nakikipaglaro sa isa’t-isa ang kanilang mga anak.

Hanggang isang araw…

“Rose, kailangan nating mag-usap. Narinig ko, minura ni Ken ang anak kong si Hiro. Hindi lang si Hiro, pati ang iba niyang kalaro. Sigurado na ako dahil sakto na napadaan ako galing palengke,” sabi ni Tin.

“Tin naman, sinabi ko na sa iyo hindi magagawa ng anak ko yun,” inis na sagot ni Rose.

“Rose, maniwala ka. Narinig ko nga eh. Kaya pala natututo na rin si Hiro magmura,” sagot naman ni Tin.

Nagkakainitan na ang dalawang nanay habang tuloy pa rin sa paglalaro ang mga bata.

“Teka naman, dahan-dahan ka sa pagsasalita Tin. Bata pa si Ken at..””T@n6*na Hiro, taya na naman ako?” sambit ni Ken.

Gulat na gulat si Rose sa kaniyang narinig. Hindi ito makapaniwala na galing ito sa bibig ng kaniyang anak.

Advertisement

“G*g0 kayo eh, lagi na lang kami tinataya niyo!” patuloy na pagmumura ni Ken.

Image courtesy of www.google.com

Namula si Rose sa kahihiyan at hinila papasok ang anak na si Ken. Napitik niya ito sa labi at saka tinanong kung saan ito natutong magmura.

“Narinig kita mama eh, minura mo si papa nung nasa loob kayo ng kwarto. Diba? Lagi mo sabi yun pag-aaway kayo.” bulol na wika ni Ken na walang kamuwang-muwang sa mga nangyayari habang umiiyak dahil sa pitik sa kaniya ng nanay.

Doon natauhan si Rose. Buong akala niya ay hindi sila naiintindihan ni Ken dahil ito ay bata pa. Kinagabihan ay kinausap niya ang kaniyang asawa at kinuwento rito ang nangyari. Niyakap nila ang anak na si Ken at ipinaliwanag na masama ang mga salitang narinig niya. Pinagsabihan nila ito na huwag na ulit sasabihin ang mga salitang iyon.

Nangako naman ang mag-asawa sa isa’t isa na kahit gaano sila kagalit ay hinding-hindi na sila magbibitaw ng mga masasama at masasakit na salita. Sisiguraduhin din nila na kung sila ay may pagtatalo ay hindi ito maririnig ng kanilang mga anak.

Kinabukasan ay kinausap din ni Rose si Tin at humingi ng paumanhin. Naintindihan naman ito ni Tin at sinabing lahat naman ng tao ay natutong magmura sa buhay nila. Sana lamang ay maging maingat lalo na kapag may mga bata. Lumipas ang mga taon at naging matalik na magkaibigan si Rose at Tin, habang ang mga anak naman nila ay naging magkaklase sa eskwelahan.

Tandaan, kung ano ang nakikita o naririnig ng bata sa matanda ay siyang gagayahin ng mga ito. Kaya naman dapat maging maingat sa mga kilos at pananalita ang mga magulang upang makasigurong lumaki ng wasto ang kanilang mga anak.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino. Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!