Nagtataka ang Ina ng Dalaga kung Bakit Lagi Siyang Kinakapos ng Pera, May Lihim Palang Pinakatatago ang Dalaga

Habang nagbibihis pa ang anak ay inihanda na ni Aling Josie ang payong na gagamitin nito, nakalimutan kasi ng dalaga na dalhin iyon kahapon. May bagyo pa naman kaya umuwi itong basa at sinisipon na ngayon. Paglabas ng dalaga sa kwarto ay nakasuot na ito ng pang opisina at may make up na rin.

“Ma alis na’ko, mahirap sumakay, punuan.” nagmamadaling sabi nito.

“Teka muna Daisy, mag almusal ka muna kaya? At itong payong mo naiwan mo kahapon. Naku ka talaga.” sabi niya.

“Ay thank you po, di na okay na ko sa office na po ako kakain.” sabi ng babae at kinuha lang ang payong, humalik sa pisngi niya at naglakad na palabas ng bahay.

“Magbaon ka kaya ng pandesal? Huy!” habol niya rito pero mabilis na itong nakaalis.

Ang anak niya talaga, mahal na mahal ang trabaho. Siguro ay gawa na rin iyon ng naranasan nilang hirap mula ng iwan sila ng ama nito. Kaya nang makuha nito ang unang sweldo, talaga namang kumain sila sa isang magandang restaurant, gusto raw nitong makabawi man lang sa mga sakripisyo niya. Alam ni Aling Josie, napakaswerte niya sa nag iisang anak.

Nitong mga nakaraan, medyo nag-aalala lang siya dito. Hindi naman ito pumapalya sa pagbibigay sa kanya ng pangkuryente, at hindi niya rin naman ito inu-obliga pero dahil nanay siya, napapansin niyang may inililihim ito. Pag uwi kasi sa bahay ay palagi itong gutom at kung tatanungin niya naman kung kumain ba sa opisina, ‘Marami po kasing ginagawa’ ang sagot nito.

Sira na rin ang ginagamit nitong sapatos dahil tag-ulan ngayon pero di man lang ito makabili ng bago. Alam ni Aling Josie na tama naman ang pa-sahod ng kumpanyang pinapasukan ng dalaga pero bakit tila nagigipit ito?

Advertisement

May nobyo na kaya siya? Pero parang imposible naman iyon, bukod sa walang pinapakilala sa kanya, matalino naman ang kanyang anak at hindi gagastos ng ganoon para sa isang lalaki. Saan kaya napupunta ang pera nito? Gusto sanang itanong ni Aling Josie pero ayaw niya namang magmukhang pakialamera.

“Anak, may sasabihin ka ba sa akin?” hindi niya napigilang itanong habang kumakain sila ng hapunan isang gabi.

“Po? Wala naman po. Kayo ba ‘nay may sasabihin kayo sakin?” nung una ay nagtataka hanggang naging natatawa na ang ekspresyon ng mukha nito.

“Wala rin,” sagot niya na hindi na alam kung ano ang susunod na sasabihin.

“Okay ka lang ba nay?” tanong nito sa kanya, nakakunot ang noo pero nakangiti habang humihigop ng sabaw.

Tumango si Aling Josie. Hayaan na nga lang niya, magsasabi naman siguro ng kusa ang anak kung may problema ito. Ang iisipin niya na lang, kung ano ang iluluto bukas dahil birthday na nito.

Sabay silang nag-almusal kinabukasan at pumasok pa rin ang babae sa opisina kahit Sabado naman, sayang raw kasi ang sasahurin. Si Aling Josie naman ay namalengke ng maaga para sa lulutuin niyang pininyahang manok, bumili rin siya ng cake para mapagsaluhan nilang mag ina mamayang hapunan. Nakauwi na siya nang may marinig siyang kumakatok.

Pagbukas niya ng pinto ay tumambad sa kanya ang pitong batang lansangan, siguro ay mga nasa edad 5 hanggang 10 taong gulang.

Advertisement

“Ano’ng kailangan nila?” nagtataka niyang tanong sa mga bata.

“Babatiin po sana namin ng Happy Birthday si Ate Daisy, taga-dyan lang po kasi malapit sa sakayan ng jeep, sa palengke po.” sabi ng mga ito.

Doon sumasakay ang anak niya tuwing umaga, pero bakit naman pupuntahan ng mga ito ang dalaga?

“Magpapa-thank you na rin po kami kasi si Ate Daisy po ang nagpilit sa amin mag aral, siya po ang nagbibigay ng baon namin at bumili ng uniform namin.” sabi ng mga ito.

Napahawak si Aling Josie sa dibdib, lima ang pinag aaral ng kanyang anak!

Kaya pala nagigipit ito!

Napaiyak siya dahil sa kabutihan ng puso ni Daisy, pakiramdam niya ay nagtagumpay siya sa pagpapalaki sa anak kahit na mag isa lang siya. Dinagdagan ni Aling Josie ang kanyang niluluto para sa mga bata, pagdating ni Daisy kinagabihan ay sinorpresa nila ito at maluha luha ang babae.

Masaya silang nagkwentuhan sa hapag kainan, habang sumasandok ng spaghetti ang anak ay natitigan ito ni Aling Josie. Kay ganda ng dalaga, hindi lang dahil sa panlabas na kaanyuan kundi dahil sa busilak nitong kalooban, sino’ng mag aakalang lumaki itong walang ama? Depende talaga kung paano tatanggapin ng isang tao ang pagsubok ng buhay, ang iba ay nagrerebelde dahil wasak ang pamilya ng mga ito, pero si Daisy ay ginamit ang kakulangang iyon para magsilbing inspirasyon sa iba.

Advertisement

Nakikita ng Diyos ang mga taong may mabuting hangarin sa kapwa kaya bilang gantimpala, agad na na-promote ang dalaga sa trabaho at mas marami pa siyang natulungan. Nakapagpatayo si Aling Josie ng negosyo, dalawa lang naman sila ng kanyang anak kaya hindi malaking kabawasan sa kanila ang ibahagi ang biyaya sa iba. Mayroon na silang napagtapos ng kolehiyo, kung hindi nila binigyan ng pagkakataon ang batang iyon, baka pariwara na ang buhay nito.

Nakapag asawa si Daisy ng isang magaling na web designer na naka-base sa Europe, doon na tumira ang babae at nagpamilya, tuwing December ay dumadalaw si Aling Josie sa anak at mga apo. Tuloy tuloy pa rin ang kanilang pagtulong sa mga batang gustong mag aral dito sa Pilipinas.

Pinatunayan ni Daisy na hindi hadlang ang pagiging produkto ng isang broken family, para maging blessing sa ibang tao.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.