Sinugod ng Awtoridad ang Inang Kumikita ng Malaking Halaga Kahit Nasa Bahay Lamang, Napahiya Sila nang Malaman ang Tunay Nitong Pinagkakakitaan

Si Lolita ay isang dalagang ina sa kaniyang dalawang taong gulang na anak. Naghiwalay sila ng ama ng anak niya sapagkat marami silang hindi mapagkasunduan. Mula noong sila ay naghiwalay ay bumalik si Lolita sa bahay ng kaniyang ina na si Aling Loyda. Doon ay malaki ang naitutulong ni Aling Loyda sa pag-aaruga at pag-aasikaso sa kaniyang apo.

Ganoon pa man ay may edad na rin si Aling Loyda kaya’t hindi rin basta-basta maiwan ng lubusan ni Lolita ang kaniyang anak rito upang makapagtrabaho sa labas ng bahay. Sa kabutihang palad ay mayroon siyang nahanap na trabaho na hindi kailangang pumunta ng pisikal sa opisina. Ito ay isang homebased na trabaho.

Nagtataka ang mga kapitbahay nila Lolita sa kung paano nabubuhay ang tatlo sapagkat hindi naman nila nakikitang umaalis araw-araw si Lolita upang pumasok sa trabaho at si Aling Loyda naman ay nagbebenta lamang ng mga kakanin sa labas ng bahay nila.

Minsan ay umuwi sina Lolita galing pasyalan na may dala-dalang malaking laruan para sa anak nito.

Lumapit si Aling Becky, isa sa mga kapitbahay nila at nagsabing, “Uy, ang laki naman niyang laruan na yan, mukhang mamahalin. Paano kayo nakakabili ng ganyan gayung wala ka namang trabaho at pagtitinda lang ang ginagawa ng nanay mo?”

“Ay, may trabaho po ako pero sa bahay lang po.” Sagot ni Lolita.

“Ah, ganun ba? Ang swerte mo naman. Asa bahay ka lang pero kumikita ka na.” Tugon ni Aling Becky.

Ngumiti na lamang si Lolita at pumasok ng kanilang bahay.

Advertisement

Kinabukasan ay narinig ni Aling Loyda na pinagchichismisan sila ng kanilang mga kapitbahay at ang pasimuno ay si Aling Becky. Pinagkakalat niya na mukhang may maruming trabaho si Lolita sapagkat nagkakaroon ito ng malaking pera pambili ng luho ng anak kahit na parati lamang itong nasa bahay. Kung anu-anong mga hinala ang mga binanggit nila.

Ang sabi ng iba, “Baka nagbebenta na ng kung anu-ano.” Ang sabi naman ng isa, “Baka may Amerikanong boypren na nagtutustos sa kanila.” May isang kapitbahay ang sumingit sa kanilang usapan at nagsabing, “Baka naman nagbebenta ng katawan online!” “Baka nga nagla-live show sa mga kano online!” Sabat pa ni Aling Becky.

Palapit na sana si Aling Loyda para komprontahin ang mga kapitbahay ngunit pinigilan na lamang siya ni Lolita.

Buong linggong pinag-uusapan si Lolita ng mga kapitbahay hanggang sa isang malalim na gabi ay may biglang kumatok sa kanilang bahay. Laking gulat ng mag-ina na ito ay mula sa kanilang barangay at may mga kasamang pulis.

Ayon sa kanila ay may nakapag-ulat na may masamang gawain ang nagaganap sa kanilang bahay. May imoral daw na ginagawa si Lolita kaya kailangan nilang pumasok sa bahay nila at magsiyasat. Nagkatinginan ang mag-ina at pinapasok na lamang sila.

Isa sa mga nauna nilang pinuntahan ay ang mga silid sa loob ng bahay. Noong nakita nila ang laptop ni Lolita ay agad nila itong tinignan at ininspeksyon. Pag tingin nila rito ay nakita lang nila ang mga call logs ni Lolita sa iba’t-ibang mga kliyente. At dahil recorded din ang mga tawag ay pinakinggan nila ito. Doon ay napatunayang wala siyang masamang ginagawa.

Ipinaliwanag ni Lolita na isa siyang customer representative online at siya ay tumatanggap ng mga tawag ng mga customers mula sa ibang bansa. Rehistrado din ang kaniyang kompanyang pinagtatrabahuhan. Malinaw sa mga napakinggang recordings na panay mga tanong at reklamo lang ukol sa mga iba’t-ibang produkto nila ang pinag-uusapan.

Paghatid nila Lolita sa mga pulis at barangay palabas ng bahay ay nakaabang ang mga kapitbahay nila dito na nag-uusyoso.

Advertisement

“Ano mga sir, nahuli niyo na ba? Naku! Parating may kausap yan sa Ingles gabi-gabi. Parang iba-iba pa ang mga customer na kanong kausap niyan. Ang dami na sigurong naging customer niyan! Naku! Masamang impluwensiya ‘yan dito sa mga kabataan!” Tuluy-tuloy na pamimintang ni Aling Becky.

“Pasensiya na po kayo at naabala pa namin kayo. Ginagawa lang po namin ang aming tungkulin. Kayo po ay may marangal na trabaho bilang isang customer representative.” Napailing ang bisor ng mga pulis at humingi ng kapatawaran sa mag-ina.

Pagkatapos itong banggitin ng pulis ay napatingin sina Lolita kay Aling Becky. Sa kahihiyan ay mabilisan itong humingi ng tawad sa mag-ina at nagmadaling umuwi ng bahay.

Mula noon ay hindi na kinuwestyon at pinagchismisan sina Lolita at Aling Loyda. Naging mas mabait rin ang turing ng mga kapitbahay nila sa kanila. Habang si Aling Becky ay hindi na rin basta-basta pinaniniwalaan ng mga kapitbahay.