Hindi Isinuko ng Misis na Ito ang Kaniyang Mister Kahit Pa Nga Paulit-ulit na Siyang Niloloko, Hangang Saan ang Paghihirap ng Babaeng Ito

Binuksan ni Amelia ang bintana ng kanilang kwarto at nagsindi ito ng sigarilyo.

“Lord, sabi ko naman sayo isa-isa lang. Pero wag naman taon-taon,” aniya sa sarili sabay punas ng mga luha.

“Hindi ko alam kung hangang kailan ko kakayanin. Bakit? Bakit kailangan ako maghirap ng ganito? Bakit?” sigaw ng babae sa kaniyang isipan at hinithit ang sigarilyo nang matagal saka ito tinapon sa labas.

“Bakit hindi mo ako saktan? Bakit hindi mo ako sigawan?” tanong ng mister niyang si Vin.

“Hindi naman ito ang unang pagkakataon, Vin, para umarte pa ako ng ganyan. Masyado na akong nasasaktan,” sambit ni Amelia sa asawa.

“I’m sorry,” saad ng lalaki.

“Ilang beses ko na rin ba narinig sa’yo iyan? Mag sasampung taon na tayong kasal at pang anim na ito,” tumatawang sagot ni Amelia.

“Lagi ko rin tinatanong sa’yo ito at tatanungin ko na naman ngayon, kami ba o siya? Vin, sabihin mo lang, hindi ako manggugulo, aalis kami ng anak mo at handa akong ibigay yang kalayaan mo kung pipiliin mo sila, dahil nasasaktan din ako,” dagdag pa ng babae.

Advertisement

Hindi sumagot si Vin sa halip ay niyakap na lamang niya si Amelia.

“Patawarin mo ako. Patawarin niyo ako,” bulong ng lalaki.

“Pag naulit pa itong muli Vin, hindi ko na alam kung kakayanin ko. Baka ito na ang huling pagkakataong mayayakap mo ako ng ganito. Baka ito na yung huling beses na makaka-usap mo ako. Vin, sobrang sakit na,” wika ni Amelia sa asawa.

Nahuli na naman ni Amelia ang asawa na may babae, hindi lang ito ang unang pagkakataon kundi pang limang beses na. Noong unang pagkakataon itong ginawa ng kaniyang mister ay halos mabaliw siya, ang dami niyang tinanong sa sarili kung ano ang pagkakamali at pagkukulang niya rito. May trabaho silang pareho at maayos ang pagsasama. May anak at magarang pamumuhay, kaya katulad ng ibang babae, naging napakasakit sa kaniya nang malamang niloloko siya ng lalaking pinakasalan niya.

Pero hindi nagpatalo doon si Amelia, kahit pa nga naulit ito nang naulit. Mas pinakita ng babae na mas mahalaga sila bilang isang pamilya at nagdasal sa Panginoon na biyayaan siya ng isang kumpletong pamilya.

“Ate, bakit? Bakit hindi mo na lang siya iwan? Kaysa naman paulit-ulit ka niyang pinupukpok sa ulo ng iisang bato. Kailan ka ba matatauhan?” tanong ni Pina, ang matalik na kaibigan ng babae at halos magkapatid na ang turing nila sa isa-isa dahil parehas silang mga only child.

“Alam mo, maiintindihan mo rin ako kapag may pamilya ka na. Kapag iniisip mong mas importante ang anak mo kaysa sa sakit ng puso mo. Ayokong lumaki si Andrea na walang ama,” baling ng babae.

“Pero ate, modern time na ngayon. Uso na ang mga single mom at isa pa mas malaki ang sahod mo sa asawa mo, mas mayaman ka. Kung tutuusin wala kang hahabulin sa kaniya para tiisin mo yung ganyan,” wika naman ni Pina.

Advertisement

“Wag ka mag-alala, sinabi ko na kapag naulit pa itong muli ay baka hindi ko na kayanin. Siya sige na, nakikita ko na si Jenny na paparating. Dito ka na muna at kakausapin ko yung babaeng ‘yan,” saad ni Amelia sabay tayo sa kaniyang upuan at lumipat sa ibang mesa kung saan naroon si Jenny, ang babae ni Vin.

“Oh! Nandito na pala ang legal wife. Hello! I am Jenny,” bati ng babae kay Amelia.

“Totoo na pala talaga, mas matatapang na ang mga kabit ngayon,” sagot ni Amelia.

“Bakit ba hindi mo siya iwan? Ayaw na sayo ni Vin!” wika ni Jenny.

“At ikaw ang gusto niya? Nagpapatawa ka ba? Sobrang tanga mo para maniwala sa asawa ko. Sa tingin mo ba ikaw ang unang babae niya? Ikaw ang una niyang sinabihan na mas mahal ka niya kaysa sa akin at sa anak namin? Well, I am here to wake you up. Hindi ikaw ang una at hindi ikaw ang sisira sa pamilya ko,” nakaismid na sagot ni Amelia sa babae sabay higop ng kape.

“E kung hindi naman pala ako ang una, ibig sabihin lang nun hindi ka na talaga mahal ng asawa mo! B*BO KA! IWAN MO NA SIYA! PAKAWALAN MO NA SIYA! ISA KANG BULOK NA ASAWA!” baling sa kaniya ni Jenny.

“Mas madrama ka pa sa akin, Jenny! Anong akala mo? Sasampalin kita? Tapos magsasabunutan tayo dito? Gusto mo bang lakasan pa yang boses mo para naman mas malaman nilang kabit ka ng asawa ko?” tumatawang sagot ni Amelia sa babae,

“Hindi ikaw ang una at ibig sabihin lang nun mas kailangan kong protektahan ang asawa ko sa mga makakating babaeng katulad mo. F.Y.I. hindi ko kailangan tumangap ng sermon sa isang tulad mo dahil kung pinili ka ng asawa ko, malamang hindi tayo nag-uusap ngayon. AKO! KAMI! Kami ang pinili ni Vin, meaning kami ang mas mahalaga. Kami yung mas mahal!” matigas na sagot ni Amelia sabay tayo dahil alam niyang pinagtitingin na sila ng mga tao.

Advertisement

Dumiretso siya sa labas at sinenyasan na lang si Pina na lumabas na rin at sumakay silang dalawa sa kotse. Doon nag-iiyak si Amelia, sobrang lakas ng hikbi nito na hindi mapigilan ni Pina at hinayaan na lamang niya ang kaibigan dahil alam niyang napakasakit ng pinagdadaanan nito.

“Ayos na ako,” wika ni Amelia.

“Ang tapang-tapang mo kanina sa harapan nung babae, tapos titiklop ka rin naman pala kapag mag-isa,” baling ni Pina.

“Matapang ako pero hindi ako manhid, nasasaktan rin ako Pina. Pero wala nang mas tatapang pa para sa isang babaeng aagawan ng asawa at nanakawan ng tatay para sa aking anak. Kaya ikaw kapag nag-asawa ka, huwag kang bibitaw agad. Lumaban ka hangga’t kaya mo! Laban lang, pasasaan ba’t pagpapalain ka rin ng Diyos,” wika ni Amelia sa kaibigan at umuwi na sila.

“Bakit hindi mo ako binitiwan noon kahit ilang beses na akong nagkamali? Ilang beses na kitang sinaktan pero bakit?” tanong ni Vin sa asawa.

“Kasi mas pinili kong masaktan habang kasama ka kaysa ang lumaban ng mag-isa. Kahit pa nga martyr, tanga at inutil ang tingin sa akin ng ibang babae. Hindi nila ako masisisi kung ganito kong ipinaglaban ang pamilya natin. Sa dami rin naman ng pagkakamali mo ay hindi mo rin sila pinili, mas pinipili mo kami. Ibig sabihin lang noon ay kailangan pa kitang bigyan ng pagkakataon para magbago,” baling ni Amelia sa asawa.

“Salamat! Amelia, salamat, dahil sa’yo buo ang pamilya nating minsang winarak ko,” saad naman ni Vin at hinalikan niya ang asawa.

Lumipas ang maraming taon at hindi na nga muli pang nambabae si Vin. Magmula noon ay naging maayos ang pagsasamahan ng mag-asawa. Laking pasasalamat ni Vin dahil si Amelia ang kanyang napangasawa. Pinatawad at pinagbigyan pa rin siya nito sa kabila ng limang beses niyang pagloloko.

Advertisement

Kaya naman ginawa niya ang lahat upang makabawi sa kanyang misis. Madalas ay umaalis ang dalawa sa paanyaya ni Vin upang magdate. Tinutulungan din ni Vin ang asawa sa paglilinis at pag-aayos ng kanilang bahay. Masayang-masaya naman si Amelia sa nakitang pagbabago sa asawa.