Napakalapit ng Loob ng Babaeng Ito sa Pilay na Anak ng Kasambahay; May Lihim Palang Itinatago ang Mister Tungkol Dito

“I hate Alice. I really hate the way she walks. I hate that pilay.” Wika ng pitong taong gulang na anak nila Sheila at Norman na si Cheska.

“Ano’ng sinabi mo!? Hindi kita pinalaki para mangmaliit ng kapwa mo, ha!? Dumapa ka!” Galit na galit na saad ni Sheila. Agad nitong hinubad ang suot na gomang tsinelas at hinataw sa puwet ang anak na humihiyaw ng iyak.

“Dear, tama na! Bata pa si Cheska at hindi pa niya masyadong alam ang tama at mali. Huminahon ka.” Pakiusap ni Norman sa asawa nang pumasok ito sa kuwarto nilang mag-asawa.

Nang mahimasmasan ay para namang nakunsensiya si Sheila habang pinagmamasdan ang anak na nakatulog na kakaiyak.

“Dear, sobrang nafrufrustrate ako kay Cheska. Lumaki naman tayong mababait na bata pero bakit ganito? May nagawa ba tayong mali sa pagpapalaki sa kaniya?”

“Huwag kang masyadong mag-isip. Ako na ang bahala. Magpahinga ka na muna.”

“Ma’am gusto niyo po ba ng tubig?” Nagulat ang mag-asawa nang biglang sumilip sa nakaawang na pintuan si Alice. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala sa matalik na kaibigan ng kaniyang Nanay Gina.

“Oh, Alice… Baka maipit ka sa pintuan… Pumasok ka dito sa loob.” Sambit ni Sheila.

Advertisement

“Okay na ako. Pasensiya ka na sa ugali ng kababata mong si Cheska ha? Ewan ko ba… Alam mo, marami kayong pagkakapareho sa lahat ng bagay tulad ng birthday, talento sa pagkanta… Pareho kayong mataas ang grades sa school… Kaya lang napakabait mong bata pero….” Tila nakunsensiya si Sheila sa kaniyang mga sinasabi kaya’t natigilan ito.

“Alice, stress lang si Tita Sheila mo. Huwag mo na lang intindihin ang mga sinasabi niya. Magpahinga ka na rin. 10 PM na, may pasok pa kayo bukas.” Wika ni Norman.

Napakabait ng mag-asawang Gutierrez. Sa katunaya’y pinag-aaral pa nito si Alice; ang anak ng kanilang kasambahay na si Gina. Tuwang-tuwa ang lahat sa istorya ng kanilang pamilya. Palibhasa’y si Gina at Sheila ay halos magka-edad rin at sabay pang nabuntis at nanganak ang dalawa.

Kababata ni Sheila si Gina, marami din silang pagkakapareho ngunit pinalad na magkaroon si Sheila ng mayamang mga magulang samantalang si Gina naman ay anak ng isang bayarang babae. Ni hindi alam ng kaniyang ina kung sino ang kaniyang ama.

Dahil habag na habag ang mga magulang ni Sheila kay Gina ay nagdesisyon ang mga itong kupkopin na lamang ang bata. Pinag-aral nila ito ngunit nang nakatungtong ito ng hayskul ay nabuntis ito ng maaga. Nagkaroon ng kumplikasyon ang pagbubuntis nito kaya’t hindi naisilang ng buhay ang bata sa sinapupunan niya.

Mula noon ay nakiusap itong magsilbi na lamang sa kanilang pamilya’t mamasukang kasambahay. Ayon sa kaniya’y ito na lamang ang alam niyang paraan upang kahit papaano’y makabayad sa malaking utang na loob sa kanilang pamilya.

Hindi naman talaga inaasahan sa bahay si Gina ngunit makulit lamang ito na todo-todong nagsisilbi. Ni minsan nga’y hindi ito inutusan ni Sheila at Norman, maging ang mga yumao nang magulang ni Sheila. Tanging si Cheska lamang ang pala-utos dito at para naman itong asong sunud-sunuran sa bata.

“Gina, sinabi ko naman sa iyo na huwag mong sanayin si Cheska na nakukuha ang lahat ng gusto niya. Tignan mo at lumalaki siyang palasagot at mapagmataas.” Wika ni Sheila.

Advertisement

Nagsawalang kibo na lamang si Gina.

“Ate Gina, please kamot mo itong legs ko.”

“Ate Gina, please get my toys sa room ko.”

“Ate Gina, buy me juice sa store.”

“Ate Gina, tinatamad ako gumawa ng homework. Ikaw na lang gumawa. O kaya si Alice na lang.”

Lahat ng layaw ng bata’y sinusunod ni Gina. Kung tutuusin ay parang mas tumatayong ina pa ito ni Cheska. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay tila malayo ang loob ni Sheila sa anak ngunit ganoon na lamang kagaan ang pakiramdam niya tuwing kasama ang anak ni Gina na si Alice.

Kaya naman selos na selos dito ang batang si Cheska. Palagi na lamang nitong inaagawan ng laruan ang batang may kapansanan. Araw-araw yata’y kinakantiyawan at nilalait ito ni Cheska.

“Pilay! Ang panget mo talaga! Kahit same tayo ng birthday, I will never be your friend! I will never ever like you!” Saad ni Cheska habang bumebehlat pa itong nakalabas ang dila.

Advertisement

Imbes na sawayin ni Gina si Cheska ay pinapalayo na lamang nito si Alice.

“Oh, bakit ka umiiyak? Ano’ng nangyari?” Saad ni Sheila habang niyayakap si Alice.

“Wala po, okay lang ako, Ma’am.” Nauutal pa ang boses na sumagot ang pobreng bata.

“Cheska! Ano na naman ang ginawa mo kay Alice!?” Paninita nito sa anak. Tila kumukulo na naman ang dugo niya dito.

“Sheila… Wala namang ginawa si Cheska. Talagang maramdamin lang kasi iyang si Alice.” Pagtatanggol nito sa sutil na bata.

“Naku, Gina. Baka ito pa ang pag-awayan natin bandang huli. 36 years na tayong magkaibigan pero baka itong batang ito pa ang sumira ng pagkakaibigan natin.” Wika ni Sheila habang namumula na ito sa galit.

At hindi nga nagkamali si Sheila.

Isang gabi’y naabutan niyang pinapatulog ni Gina si Cheska.

Advertisement

“Anak, tandaan mong mahal na mahal kita. Gagawin ko ang lahat para sa iyo. Kahit masakit ay titiisin ko ang lahat upang magkaroon ka ng maayos na buhay.” Saad nito.

Bigla namang bumili ang tibok ng puso ni Sheila at agad kinausap ang asawa.

“Sorry… Sorry, Sheila… Alam kong hindi sapat ang salitang patawad sa nagawa ko… Nang makita kong maikli ang isang paa ng anak natin ay nakiusap ako kay Gina na pagpalitin na lamang ang mga sanggol habang wala ka pang malay. Ayoko kasing malungkot ka at madisappoint na nagkaroon tayo ng anak na may kapansanan… Pero sising-sisi ako sa aking nagawa, Sheila… Patawarin mo ako…”

Tila nasa isang panaginip lamang si Sheila. Agad naman siyang lumabas ng kuwarto at pinuntahan si Alice sa silid nito. Pagbukas niya ng pintuan ay naroon si Gina. Hindi na nito napigilan pa ang nagpupuyos na damdamin.

“Walanghiya ka!!! Tinuring kitang kapatid at pinakamatalik na kaibigan! Hayop ka! Paano mo nagawa sa akin ito?”

“Sorry, Sheila… Itakwil mo na ako’t lahat huwag mo lamang abandonahin si Cheska. Aalis na ako, Sheila. Ang pakiusap ko na lamang ay mahalin niyo sana ni Norman si Cheska na parang tunay niyo ring anak.

Kinabukasan ay hindi pa rin lumalabas sa kuwarto si Sheila. Hinahatiran na lamang ito ng pagkain ng mga kasambahay. Sa loob ng silid nilang mag-asawa’y naroon din ang tunay na anak na si Alice. Litong-lito ito sa mga nangyayari.

“Ma’am, nasa panaginip lang po yata ako. Pangarap ko lang na magkaroon ng nanay na kagaya niyo. Kahit kailan kasi’y hindi ko naramdaman kay Mama Gina ang tunay na pagmamahal ng isang ina. Si Cheska na lang lagi ang kinakampihan niya kahit mali at masama na ang ginagawa niya. Pero kahit ganoon, mahal ko si mama at mahal ko din si Cheska.” Lumuluhang sambit ng bata.

Advertisement

Napahagulgol na lamang si Sheila sa sinabi ng tunay na anak. “Mama na ang itatawag mo sa akin mula ngayon, anak.”

Makalipas ang isang araw ay agad tumungo si Sheila sa ospital upang masigurong tunay nga ang sinasabi ng kaniyang asawa’t kababatang si Gina.

Matapos ang ilang linggo ay nakuha na nila ang resulta ng DNA test. 99.99%. Anak nga nila ni Norman si Alice at hindi nila ka-match ang DNA ni Cheska.

Gayunpaman ay nag-desisyon na si Sheila na patawarin na lamang sila Gina at Norman.

Unti-unti nilang naitama ang masamang pag-uugali ni Cheska. Nahirapan itong tanggapin ang katotohanan noong una ngunit habang tumatagal ay gumagaan na ang loob nito.

Mula noon ay nangako silang hinding-hindi na maglilihim sa isa’t-isa.

Kung ikaw ang nasa posisyon ni Sheila, magagawa mo bang patawarin ang iyong asawa at kababata?