Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Sining at mga Letra - Inday Trending

Sining at mga Letra

“Anong gagawin mo sa akin? Huwag kang lalapit! Lumayo ka!” sigaw ng dalaga.

“Lumayo ka!—” at tuluyang nagising mula sa bangungot si Nika.

“Panaginip lang, panaginip lang. Kumalma ka Nika, kalma! Hindi ‘yun totoo. Walag totoo roon,” aniya sa sarili.

Naranasan muli ni Nika ang isang bangungot na madalas nang umuulit sa tuwing natutulog siya. Hindi siya makakuha ng lakas sa panaginip. Hindi rin siya makatakbo. Ayaw ni Nika na nararanasan niya itong ka-isa-isang panaginip na hinahabol siya ng isang hindi maipaliwanag na nilalang. Ngunit, mabilis namang mawala ang bagabag ni Nika sa tuwing nagigising siya.

Si Nika ay isang political analyst ng isang partido. Ang hangarin niya’y isang araw maging ganap na politiko siya upang makagawa siya ng mga batas na sa isip niya ay labis na makakatulong sa bansa. Dalawa ang kapatid ni Nika na sobrang minamahal niya. Sila ang inspirasyon niya para maging isang ganap na mambabatas para makagawa siya ng mundong akma sa mga kapatid niya at sa mga taong mahalaga sa kanya. Sa ngayon, nag-iipon pa rin siya para sa susunod niyang pag-aaral.

“Nay ako na po maghahanda ng pagkain. Pakitawag na lang po sina Dina at Lawrence,” wika ni Nika sa kanyang ina, si Mei.

“Ako na anak, anong oras ka na naka-uwi kagabi. Pagod ka pa rin niyan.”

“Okay lang Nay, kailangan ko rin magising at kumilos.”

“O sige, ako na maghahanda ng damit mo mamaya. Huwag ka na muna gaano magpagod ngayong umaga. Day-off mo pa naman.”

“yes po Nay.”

Hindi rin maganda ang simula ng araw ni Nika, marahil nalaman niyang nagloko ang kanyang nobyo noong nakaraang linggo. Matapos niyang malaman ito ay iniwan na niya ang babaero niyang nobyo at nagpumilit ang lalaki na makipagbalikan sa kanya. Tuluyang nagalit si Nika at nasuntok ang lalaki sa kanyang mukha pagkatapos ay umalis na lamang ang dalaga. Nang maka-uwi ay umiyak siya sa kanyang ina at hindi muna pumasok sa trabaho kinabukasan. Ipinasya niyang humilata na lang muna sa kama at walang gawin kung hindi ang mag-isip at lumuha.

“Anak, mag-iingat ka. Kapag naramdaman mo ulit ‘yung alam mo na, inumin mo ito agad, sabi ni dok. Tumawag ka rin sa akin.”

“Opo Nay, noted po,” at umalis na ang dalaga papunta sa kanyang trabaho.

Kasalukuyang may iniindang sakit si Nika. Hindi ito ‘yung sakit na karaniwan mong makikita sa tao, ito ang sakit a hindi nakikita. Matagal nang niresetahan si Nika ng iba’t ibang gamot upang matulungan ang sitwasyon niya. Kung tutuusin ay halos kasing rami ng daliri niya sa kamay ang iniinom niyang gamot sa araw-araw. Nakakatulong naman ang mga gamot upang nabawasan ang mga “atake” sa kalagayan ni Nika.

Nakababa na ng dyip si Nika at palakad na papunta sa kanilang opisina. Binati siya ng matalik niyang kaibigan si Kate. Alam ni Kate ang pinagdadaanan ni Nika kaya noong nalaman niya ang kababuyang ginawa ng dati nitong nobyo ay agad na niyaya niya si Nika na kumain sa labas at namasyal sila para makalimot si Nika. Sobrang natutuwa si Nika sa ginagawa ni Kate para sa kanya. Kinuwento rin ni Nika ang pauli-ulit niyang bangungot. Inaliw naman agad ni Kate si Nika at nagpasalamat ang dalaga.

“Pero okay ka naman ngayon?” tanong ni Kate sa kaibigan.

“Oo, medyo. Hindi ko na alam,” sagot ni Nika na kinakabahan.

Agad namang niyakap ni Kate ang kaibigan at sinabing, “Okay lang ‘yan. Kapag napapagod ka ulit, magpahinga ka lang. Hindi ako dadagdag sa stress mo.”

Hindi na naka-imik si Nika. Kapag nagsimula ang kaba ni Nika, nahihirapan na niyang kausapin ang ibang tao. Naiintindihan ito ni Kate kaya hinayaan niya muna ang kaibigan at dumiretso na sa trabaho. Buong araw ay hindi nawala sa isip ni Nika ang kaba at takot. Kahit na nakakagawa siya sa trabaho nang maayos, madalas niyang naiisip na may tao sa likod niya at baka kung anong gawin sa kanya. Minsan ay may mga nakikita siyang kakaiba sa paligid niya. Natuto naman si Nika na mamuhay na may ganitong kondisyon ngunit madalas napapagod din siya.

Uwian na at sinigurado ni Kate kung ano na ang kalagayan ni Nika. Sabi naman ng dalaga na walang masama sa pakiramdam niya at kakayanin niya. Bumuti naman ang loob ni Kate at niyakap muli ang kaibigan bago umuwi. Ang totoo, gusto nang umuwi ni Nika. Sumakay ang dalaga sa dyip pauwi at natulog muna, dahil na rin sa pagod sa trabaho. Hindi na niya namalayan na napahaba ang tulog niya at lumagpas na siya sa binabaan niya.

Nang nagising siya at tumingin sa paligid ay laking gulat ni Nika na hindi na niya alam kung nasaan siya. Agad niyang pinara ang dyip at naglakad-lakad sa kalsada. Takot na takot ngayon si Nika. Maraming mga tambay sa kanto na lasing. Maraming mga ilaw sa kalsada ang hindi gumagana. Unti-unti, inaatake na si Nika. Pumunta siya sa isang sulok at umupo sa maruming sahig katabi ang isang basurahan. Hindi na niya mapigilang manginig at mangiyak. Nahihirapan na rin siyang huminga nang biglang may isang lalaking hinawakan ang kanyang kamay. Binuhat nito si Nika paalis sa lugar na kanyang inuupuan at dito ay nawawalan na ng kamalayan ang dalaga.

“Nika, Nika, okay ka na ba?” tanong ng lalaki.

“Nasaan ako? Sino ka?” natatakot na nagtanong ang dalaga.

“Hindi mo ba ako natatandaan? Ako si Jethro. Magkaklase tayo noon sa kolehiyo.”

“Jethro? ‘Yung legma na estudyante dati?”

“Oo, pero ngayon nag-aaral na ako ng engineering, civil engineering to be exact,” natutuwang sagot ni Jethro.

“Hala, sorry sa abala! Nahimatay ba ako sa daan? I’m sorry…”

“Hindi, nakita ko may isang babae na nanginginig sa kanto at umiiyak. Noong nilapitan ko siya, namukhaan ko. Ito si Nika, nasabi ko sa sarili. Sinubukan kitang kausapin pero hindi mo ako matingnan ng mata sa mata.”

“Ganun ba…sorry Jethro.”

“Okay lang ‘yun. Inalagaan ka namin ng mom ko habang natutulog ka. Buti kumalma ka kasi hindi namin alam gagawin sa’yo.”

“Ay ‘yung gamot ko, nasaan ang bag ko?”

“Ay ito, kunin ko lang saglit,” agad na kinuha ni Jethro ang gamit ni Nika.

“Salamat at sorry ulit sa abala Jethro. Nasaan ang mom mo?”

“Nasa palengke, bumibili ng maluluto niya. Sabi niya dito ka raw muna hanggang hapunan at bantayan kita.”

“Salamat ha,” nahihiya na si Nika sa kanyang kakulangan ng kontrol sa sarili.

“Kung okay lang sa’yo, anong nangyari? Bakit ka nasa lugar na iyon?”

Walang problema kay Nika na ikuwento ang sitwasyon niya. Sinabi niya kay Jethro lahat. Ang kanyang sakit, mga bangungot, kanyang pagod. Maiging nakinig si Jethro sa mga sinasabi ni Nika. Doon nalaman ni Jethro na madaling magkaroon ng anxiety attack si Nika. Doon niya rin nalaman lahat ng mga bumabagabag sa dalaga. Matapos malaman ni Jethro ang kalagayan ni Nika ay tumayo ang binata at kumuha ng baso ng tubig para sa dalaga.

“Ang hirap pala ng kalagayan mo. Paano mo nalalagpasan ang mga ito?” tanong ni Jethro kay Nika.

“Sa mga gamot ko at sa mga taong kumakausap sa akin lagi.”

“Bumubuti naman ba ang kalagayan mo?”

“Hindi gaano.”

“Hmm, may ibibigay ako sa’yo, baka makatulong ito.” at pumunta sa kanyang kuwarto si Jethro at kinuha ang isang bag.

“Kapag nalulungkot ako, nagsusulat ako ng mga magagandang titik. Natuto ako sa isa kong kaibigan dati kung paano ito gawin. Ngayon, marunong na ako at gumanda pakiramdam ko. Sana, gumanda rin ang pakiramdam mo dito.”

“Calligraphy?”

“Oo, bigyan kita dalawang brush pen at ilang mga espesyal na papel. Sa’yo na ito.”

“Okay lang ba sa’yo na bigyan mo ako niyan? Mahal ata isang pen, eh.”

“Okay lang, kung buhay mo’y maaaring mailigtas nito, walang presyong masyadong mataas para doon.”

Natuwa ang dalaga sa sinabi ng binata. Agad niyang sinubukang magsulat gamit ang brush pen ngunit bigo itong makagawa ng magagandang titik. Tinuruan ni Jethro si Nika kung paano hawakan ang pen. Isang oras silang nagsanay at unti-unti ay nakukuha na ni Nika ang paraan ng calligraphy. Mayamaya’y naka-uwi na ang ina ni Jethro at sinimulan na nila ang pagluluto. Masayang nakipagkuwentuhan si Nika sa mag-ina. Matapos kumain ay hinatid na ni Jethro si Nika pauwi. Nag-aalala ang ina ni Nika at labis ang tuwa nanng muli itong makita. Nagpasalamat si Nika at ang pamilya niya kay Jethro at agad namang umuwi ang binata. Inalam muna ni Nanay Mei ang pangalan ng binata at nagpakilala siya bilang Jethro.

“Anak anong nangyari sa’yo kanina? Okay ka lang ba?”

“Hindi pa Nay, hindi pa ako okay, pero nagsisimula na akong maging masaya muli.”

“Bakit naman?”

“May isang taong nagpakita sa akin ng mundong mas masaya. Malaki ang pasasalamat ko sa kanya, Nay,” sabay ngiti ng dalaga.

Agad namang niyakap ni Nanay Mei si Nika dahil ngayon na lang ulit niya nakitang ngumiti ang panganay. Pinasya nito na ipaghanda ng pagkain ang anak ngunit tumanggi ang dalaga dahil nakakain na siya sa bahay nila Jethro. Sinalubong naman si Nika ng mga kapatid niya at niyakap nang mahigpit ang kanilang ate. Ngayon na lang ulit nadalaw ng saya ang pamilya nila.

Kinabukasan, nagising agad si Nika para sa kanyang trabaho, ngunit may kakaiba sa kanya.

“Teka…wala na akong bangungot?” tangi niyang nasabi.

Mula nang makitang muli si Jethro at turuan siya nito ng calligraphy ay unti-unting nawala ang kanyang mga bangungot, takot, pangamba at iba pang gumagambala sa kanya. Iba talaga kung umatake ang naiibang pakiramdam, iyong pakiramdam na nagmumula sa kaibuturan ng puso. Napagtanto ni Nika na si Jethro at ang sining nito lang pala ang makakapag-alis sa kanyang mga agam-agam.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.