Hindi Naniniwala sa Multo ang Babaeng Palaging Nag-o-overtime sa Opisina, Isang Gabi ay Nagbago ang Paniniwala Niya

Isa si Raffa sa pinakamasisipag na empleyado ng kanilang kompanya. Siya palagi ang pinakaunang dumadating at madalas ay siya din ang nahuhuling umalis.

“Raffa, alis na kami ha, overtime ka ulit?” Tanong ng kaniyang katrabaho.

“Oo eh, dami ko pang kailangan tapusin. Una na kayo.” Sagot niya.

Doble kayod si Raffa, bukod kasi sa napakadami niya ring trabaho ay may tatlo siyang pinag-aaral na mga kapatid sa kanilang probinsya.

“Miss Raffa, napapadalas ang pagpapagabi niyo rito sa opisina, payo ko lamang ay wag sana kayong aabutin ng alas-nuwebe, bali-balita kasi ay mayroon daw mga nagpaparamdam na kaluluwa rito.” wika ng kanilang janitor na si Mang Roger.

“Naku Mang Roger, hindi ako naniniwala sa mga ganyan, tsaka ilang beses naman na akong ginagabi rito wala naman akong kakaibang napapansin.” sagot niya.

Nauna ng umalis si Mang Roger at naiwan na ngang mag-isa si Raffa, habang siya ay abala sa pagtatrabaho ay biglang tumunog ang kaniyang telepono. Sinagot niya ito at isang batang babae ang kumausap sa kaniya.

“Uwi ka na.” wika nito.

Advertisement

“Hello sino to?” sagot niya.

“Gabi na, uwi ka na.” at pagtapos ay naputol na ang linya.

Naisip niyang isa lamang itong prank call at ipinagpatuloy pa rin ang kaniyang gawain. 30 minuto ang lumipas at nagpasiya na siyang umuwi. Sa kaniyang pagsakay sa elevator ay may malamig na hangin ang sumalubong sa kaniya ngunit ipinagsawalang bahala niya ito.

Kinabukasan ay muli siyang naiwan mag- isa sa kanilang opisina. Abala siyang nagtatrabaho nang biglang may isang batang babae ang sumulpot sa kaniyang harapan.

“Uwi kana Raffa! Dadating na siya, sasaktan ka niya!” Sigaw nito.

Pagtayo niya ay biglang naglaho ang bata, hinanap niya ito sa ilalim ng mga lamesa at upuan ngunit hindi niya ito nakita.

“Bata asan ka? Hindi ka pwede dito sa loob, asan ang magulang mo?” sigaw niya.

Pagtalikod niya ay nakita niya muli ang bata ngunit itim ang mata nito at lumulutang.

Advertisement

“Sabi ko umalis kana, andiyan na siya! Takbo Raffa!”

Sa labis na takot ay napatakbo si Raffa, ni hindi niya nagawang kunin pa ang kaniyang mga gamit. Kinabukasan ay dumiretso siya sa kinaroonan ni Mang Roger.

“Mang Roger tulungan moko, may bata dito kagabi duguan siya, tapos pinapaalis niya ako, hindi ko na alam ang gagawin ko.”

“Anong itsura ng bata?” tanong nito.

“Maganda siya, mahaba ang buhok at malalaki ang mata.”

Namutla si Mang Roger sa narinig, makailang ulit na rin kasi niyang nakikita ang batang iyon. Pinayuhan niya si Raffa na maghintay sa labas ng opisina pagkatapos ng kanilang trabaho, at ganun nga ang ginawa niya.

Dumating si Mang Roger ala-sais ng gabi na may kasamang matandang espiritistang babae, nang makasigurong wala ng tao sa loob ay pumasok sila at nagdasal.

“Palagi ka niyang binabantayan, madalas siyang mag-isa rito at sa tingin ko ay tinuturing ka niyang kaibigan.” wika ng babae.

Advertisement

“Nakikita mo ba siya ngayon?” tanong ni Raffa.

“Oo, narito siya sa tabi natin, at nababalot siya ng matinding takot.”

Isinagawa na ng matandang babae ang kaniyang ritwal at kinausap nito ang batang babae, napag-alaman nilang ang lupang kinatatayuan ng kanilang opisina ay dating tahanan ng bata.

Dito rin siya pinaslang ng kaniyang amain na kinakasama ng kaniyang ina, matapos siyang pagsamantalahan ay inilibing siya sa lupang ito at walang sinuman ang nakaalam ng kaniyang sinapit.

“Tuwing gabi ay narito ang kaluluwa ng kaniyang amain upang maghasik ng lagim, kaya ganoon na lamang ang kaniyang pagnanais na umalis ka ng maaga.” paliwanag ng matanda.

“Anong pwede nating gawin para tulungan siya?” Tanong ni Mang Roger.

“Kailangan natin siyang palayain, ngayon na may nakakaalam na ng kinaroroonan ng kanyang katawan ay maari tayong magsagawa ng ritwal upang mapatawid ang kaniyang kaluluwa.”

Nagsindi ang matanda ng ilang kandila, nagsaboy ng asin at saka sinimulan ang pagdadasal sa Latin. Ilang minuto pa ay biglang lumitaw ang batang babae na nakasuot ng puting damit at masayang nakangiti sa kanila habang ito’y naglalakad palayo.

Advertisement

“Salamat po.” wika nito.

Tuluyan na nilang napalaya ang kaluluwa ng bata, habang nagsagawa pa sila ng ritwal upang mapalayas ang kaluluwa ng kaniyang amain at di na makapang gambala pa.

“Salamat po sa tulong niyo, masaya akong napalaya na natin ang batang iyon.” Wika ni Raffa sa dalawa bago sila naghiwa-hiwalay sa pag-uwi.

Tunay ngang ang katotohanan lamang ang magpapalaya sa atin mula sa bangungot na dala ng ating nakaraan.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!