Pinahiya ng Babae ang Kapitbahay dahil Sinisilipan Siya Nito, Pahiya Siya nang Malaman ang Kalagayan ng Lalaki

Nasa Qatar ang mister ni Dina habang siya naman ay sa bahay lang, nagbabantay sa nag iisa nilang anak na pumapasok sa elementarya. Kapag may klase ang bata ay walang magawa si Dina sa bahay nila, kaya nakikipagchismisan nalang siya, mahilig siyang magyabang at magmalaki sa mga kumare tungkol sa mga padala ng asawa niya.

Bago siya lumabas ay sumulyap muna sya sa salamin, sa edad niyang 30 ay maganda pa rin talaga siya, palibhasa ay alaga sa mga produktong pampakinis na padala ng mister nyang si Rudolph.

Nagbubukas na siya ng gate nang mapansin niyang may bagong lipat silang kapitbahay. Ang gamit ng mga ito ay binubuhat ng mga kargador, kasunod noon ay isang lalaking may benda sa paa na inaakay ng isang dalagita.

Nanghahaba ang leeg niya nang makapasok ang mga ito, mukhang may kaya ha. Dumiretso na siya sa tindahan ng kumare na tambayan niya tuwing hapon, nauna na roon ang mga kapwa niya chismosa.

“Donyang donya si Dina ah,” bati sa kanya ng isa.

“Ah ito ba? Padala ni Rudy,” sabi niya, inayos pa ang buhok upang lalong makita ang kumikinang na gintong hikaw.

“Mukhang makaka-tropa mo yung bagong lipat, parang mayaman rin eh. Ang mga muwebles mmm! Hindi papakabog,” sabi ni Rita, iwinawasiwas pa ang kamay at nanlalaki ang mga mata, tipikal na chismosa.

“Baka nga, ay oo nga pala mare tignan mo nga ang pisngi ko, namumula ba? Bagong facial yan.” pagmamalaki niya, sobrang vain niya kasi. Ibig sabihin, masyado niyang ipinagyayabang ang sarili niya, GGSS ‘ika nga.

Advertisement

Isang hapon ay nagwawalis siya sa bakuran nila habang nagse-selfie, ipinost niya iyon sa Facebook na may caption pang, Linis time! Hay, ang hirap maging maganda pawis kana Dyosa pa rin! Haha!

Agad naman iyong ni-like ng mga kumare niya kaya napangiti siya, tatawa tawa pa siya nang mapasulyap sa bakuran ng bagong lipat na kapitbahay. Nakaupo roon ang lalaki at nakatingin sa kanya, naku, tiyak niyang nagagandahan ito. Di niya ito pinansin pero nang muling pagsulyap niya ay nakatingin pa rin.

“Naku sabi sayo mare, napakalagkit tumingin! di ko lang masabing may asawa na ako! Hay nako, alam nya naman siguro ano kasi nakikita nya akong naghahatid ng bata tuwing umaga, hindi pa rin mapuknat at titig na titig sa hita ko. Di naman siguro sa pagyayabang ano, pero baka di nya mapigilan dahil nagagandahan talaga sa akin, I look younger than my age.” sabi niya.

“Grabe mars, talagang iba ang alindog mo.”

“Ay oo, kaya nga selos na selos ang kumpare mo pag nagkukwento ako. Kinindatan pa ako ng kapitbahay natin!” pagdadagdag nya, wala naman kasing kindatang naganap.

Mabilis lumipas ang mga araw at palaging nahuhuli ni Dina na nakatingin sa kanya ang lalaki, todo chismis rin tuloy siya sa mga kumare. Hanggang isang hapon, kaliligo niya lang kukunin niya sana ang bill ng meralco na inipit sa gate nila nang makita nya ang lalaki na nakatayo roon at nakahawak sa rehas.

“Ano’ng ginagawa mo?!” sigaw niya.

“P-pasensya na ho-“

Advertisement

“Sinasabi ko na nga ba! Binabalak mo akong gawan ng masama ano?! Mga kapitbahay! Tulungan nyo ako! May manyakis dito, gusto akong looban at gahasain!” pagtatawag niya ng tulong, di naman malaman ng lalaki kung ano ang gagawin lalo pa nang nagsimula nang magsilapit ang mga tao.

“Ayan! Yang lalaking yan! Tignan nyo kaliligo ko lang, nandyan sa gate namin at sumisilip! Hoy, may asawa na ako! Napaka-manyakol mo!” sigaw niya. Nagbulungan ang mga kapitbahay, sakto namang dumating ang dalagita na kasama ng lalaki, kapatid pala nito.

“Sorry ho! Pasensya na kayo sa kuya ko! Naaksidente ang kuya ko kaya nagkaroon ho ng diperensya sa paa at..bulag po sya!” sabi nito at inakay ang kapatid.

Gustong lumubog sa lupa ni Dina, hindi nya inaasahan ang narinig. pahiyang pahiya siya sa mga kapitbahay na ngayon ay masama ang tingin sa kanya.

“Kuya naman kasi, bakit nakarating ka roon?”

“Nagpa-practice lang naman akong maglakad, nanghina ako kaya napakapit ako s-sa kung saan..” paliwanag ng lalaki, bulag nga ito dahil nakatingin sa kawalan habang kausap ang kapatid.

“Alam mo namang hindi ka nakakakita, paano nalang kung may sasakyan? Ayan napagkamalan kapa tuloy,” narinig nilang pag uusap ng mga ito habang palayo.

Patakbong pumasok nalang sa bahay nila si Dina, ito ang napala niya sa sobrang yabang at chismosa nya. Gandang ganda siya sa sarili at akala nya lahat ay pinagpapantasyahan siya, eh bulag naman pala ang kapitbahay.

Advertisement

Kinahapunan ay pumunta sya sa bahay ng magkapatid at humingi ng tawad. Hiyang hiya rin naman syang nilinaw sa mister nya sa abroad na mali pala siya ng hinala, at dinagdag bawas niya lang ang mga ikinukwento rito.

Buti na nga lang at pagkapahiya lang ang inabot niya, kung tutuusin ay maari pa syang makasuhan ng pagbibintang at pamamahiya sa inosenteng lalaki.

Dapat tayong mag ingat sa mga salitang lumalabas sa ating bibig dahil makakasira ito sa ating kapwa, at kahihiyan sa ating sarili- iyan ang natutunan ni Dina nang araw na iyon.