Napariwara ang Buhay ng Lalaking Ito at Nakulong sa Isang Kasalanang Hindi Niya Ginawa, Ito Pala ang Magdadala sa Kanya sa Pamilyang Matagal Nawala

Pinagbintangan sa isang mabigat na krimeng hindi naman niya ginawa. Si Rodney ay inakusahang pumatay ng dalawang tao, ang kaniyang lalaking amo at ang asawa nito. Walang sapat na ebidensiya pero siya ang nakulong. Dahil siya ang unang dumating sa lugar ng pinangyarihan ng krimen ay siya ang inaresto. Siya ang unang nakakita sa sugatang mag-asawa. Buhay pa ang mga ito noong mga oras na iyon kaya sinubukan niyang isalba ang kanilang mga buhay. Nagsisigaw din siya ng malakas, umaasang maririnig ng kaniyang mga katrabaho ang bawat hiyaw niya. Matapos ang mahigit kalahating oras ay nadala din ang mag-asawa sa ospital. Sa kasawiang palad ay namatay din ang mga ito.

Hindi mawari ni Rodney kung ano ang gagawin. Isa lamang siyang simpleng kontratista samantalang mayaman naman ang pamilya ng kaniyang amo. Sarado ang kanilang kaisipan sa posibilidad na maaaring nagkataong siya ay nasa maling lugar sa maling panahon noong araw na iyon. Hindi rin niya alam kung kanino hihingi ng tulong. Matagal na siyang walang komunikasiyon sa kaniyang pamilya. Hindi rin siya sigurado kung nakatira pa rin ang mga ito sa dati nilang tirahan.

Nagrebelde si Rodney noong kabataan niya. Napabarkada siya sa maling grupo na nagmulat sa kaniya sa samu’t saring mga bisyo at maling gawain. Sa murang edad ay natuto na siyang manigarilyo. Madalas din siyang nagpapaabot ng hatinggabi sa mga bars. Paglaklak ng alak at pagsusugal ang pampalipas niya ng oras tuwing nakakaramdam ng pagkabagot. Hindi rin niya pinalampas ang paghithit ng mga bawal na gamot. Mandukot, magsnatch, at magnakaw ang solusyon niya para matustusan ang kaniyang mga bisyo. Bagama’t menor de edad pa lamang ay naging suki na siya ng kulungan at DSWD.

Ang pakikipagbarkada ang sumira sa relasyon niya sa kaniyang pamilya. Bunganga ng mga magulang ang sumasalubong sa kaniya sa pag-uwi sa kanilang tahanan. Espesyal na putahe ang inalalaan nila sa kaniya, pinggan na puno ng mga pangaral ang nakahain sa agahan, tanghalian at gabihan. Singkit na mga mata o dismayadong mga tingin kung tanawin siya ng mga kapatid. Idagdag mo pa ang pag-iwas ng mga ito na may halong pandidiri sa tuwing magkakadikit ang kanilang mga balat. Lumayo na din ang loob ng mga kamag-anak ni Rodney sa kaniya.

Hindi natagalan ni Rodney ang trato sa kaniya ng sariling pamilya. Ang tanging nais lamang niya ay ienjoy ang buhay. Hindi nagtagal ay nagdesisyon siyang lumayas na lang sa kanilang bahay.

Sa paglayas ni Rodney ay naranasan niya kung gaano kahirap ang buhay. Natuto siyang magkalkal ng mga basura. Napilitan siyang isubo ang mga panis na pagkain maibsan lang ang kaniyang kumakalam na sikmura. Nasanay siya na langhapin ang mabahong amoy ng estero tuwing iinumin niya ang tubig mula dito para mapawi ang kaniyang uhaw. Automatiko na ring namamaluktot ang kaniyang katawan sa ilang pirasong karton na nagsisilbing silungan niya laban sa masamang panahon.

Minsan ay sumasagi sa kaniyang isipan na umuwi na lamang sa kaniyang pamilya subalit nanaig sa kaniya ang labis na kahihiyan. Alam niya na wala siyang mukhang maihaharap sa mga ito.

Nung nakahanap ng matinong trabaho si Rodney ay umasa siya ng ito na ang simula ng katapusan ng kaniyang kalbaryo. Isa lamang pala itong malaking akala. Pinatikim lang pala ulit sa kaniya ang pakiramdam ng isang maginhawang buhay. Pakiramdam niya ay kulang pa ang kaniyang pagsisisi sa lahat ng nagawa niyang kasalanan. Hindi pa sapat ang paghihirap niya kumpara sa lahat ng isinakripisyo, luha, sakit at pighating dinulot niya sa mga mahal niya sa buhay. Gayunpaman ay handa siyang tanggapin ang kaniyang parusa at ialay ang natitirang panahon ng kaniyang buhay sa pagtama ng bawat kamaliang kaniyang ginawa.

Advertisement

“May dalaw ka.” Tawag ng warden kay Rodney.

Walang sumasagi sa isipan niya kung sino ang bibisita sa kaniya dito sa kulungan. Siguradong hindi ang abogado niya dahil bumisita na ito kanina. Isang milagro para sa kaniya ang magkaroon ng dalaw.

Magkahalong lungkot at saya ang naramdaman ni Rodney nang matanaw niya ang mga taong dumalaw sa kaniya… ang kaniyang pamilya.

Walang boses na lumabas sa kani-kanilang mga bibig bagkus sa kanilang pagyayakapan mararamdaman ang mga salitang nais ipahiwatig sa isa’t-isa. Sa mga luhang tumutulo sa kanilang mga mata makikita ang kapatawaran at pagmamahal na isinisigaw ng kanilang mga puso.

Hindi na iniisip ni Rodney kung makakalaya pa siya. Makita at muling mahagkan ang buo niyang pamilya ay sapat na para kaniyang maramdaman na nakalaya na siya sa impyernong siya rin ang may gawa.

Kung ikaw ang nasa sitwasyon ni Rodney, paano ka hihingi ng kapatawaran sa iyong pamilya na labis mong nasaktan dahil sa iyong pagrerebelde? Sapat na ba ang mga pagdurusa ni Rodney bilang kabayaran sa lahat ng kasalanang kaniyang nagawa? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.