Nagpakalayo-Layo ang Lalaki Matapos ang Mapait na Hiwalayan Nila ng Dalaga; ‘Di Siya Makapaniwala sa Matutuklasan sa Kaniyang Pagbabalik

Isang taon nang magkasintahan sina Roy at Andrea. Maayos naman ang naging relasyon nila hanggang sa may kinaharap na problema si Andrea sa kaniyang pamilya.

Binawian ng buhay ang mga magulang ni Andrea nang dahil sa isang aksidente. Mahirap lamang sila at maraming pinagkakautangan ang kaniyang mga magulang kaya sa kaniya ito naipasa pati na rin ang responsibilidad sa mga nakababata niyang kapatid bilang panganay.

Upang maitaguyod ang mga kapatid ni Andrea at upang makabayad siya ng mga utang ay kahit na anong marangal na trabaho at raket ay pinapatulan niya. Doble kayod siya sa pagtatrabaho dahilan upang halos mawalan siya ng oras para kay Roy. Magka-oras man siya para sa kasintahan ay nauuwi ito sa pagtatalo sapagkat laging inirereklamo ni Roy ang kakulangan ng oras ni Andrea para sa kaniya. Mabilis ding nag-iinit ang ulo ng dalaga sa nobyo nang dahil sa pagod at pag-aalala para sa pang araw-araw na pangangailangan nilang magkakapatid.

Isang araw, sa pagtatalo ng magkasintahan ay hindi na ito kinayanan pa ni Roy.

“Tutal naman parati na lang tayong nag-aaway at wala ka na rin namang oras para sa akin ay maghiwalay na lang tayo!” ang sabi ni Roy bago iwang mag-isa ang dalaga.

Naiyak na lamang si Andrea sa mabilis na pagsuko ni Roy. Para sa kaniya ay hindi man lang inunawa ni Roy ang kaniyang sitwasyon. Kahit na hindi sang ayon si Andrea sa pakikipaghiwalay ni Roy ay hindi na naghabol pa ang dalaga. Ramdam niyang hindi talaga siya mauunawan ni Roy sapagkat galing ang binata sa may kayang pamilya. Inisip na lang din niyang may mas malaki siyang problema kapag wala siyang napakain sa mga kapatid at kapag hindi niya matustusan ang pag-aaral nila.

Matapos ang isang buwan ay hindi pa rin malimutan ni Roy si Andrea. Mahal pa rin niya ang dalaga ngunit alam niyang sa sitwasyon ng dalaga ngayon ay patuloy pa rin silang magtatalo kapag sila ay nagbalikan. Nang dahil dito ay napagdesisyunan ni Roy na manirahan sa ibang bansa kasama ang iba nilang mga kamag-anakan upang kalimutan ang dating kasintahan.

Makalipas ang tatlong taon ay hindi pa rin nagawang limutin ni Roy si Andrea. Kaya naman nung makatanggap siya ng imbitasyon para sa kasal ng kaniyang biyudong ama sa Pilipinas ay napagdesisyunan niya na rin umuwi upang makipagbalikan sa dating kasintahan.

Advertisement

Pagkauwi ni Roy sa bahay ng kaniyang ama sa Pilipinas ay agad siyang sinalubong nito.

“Welcome home, my son! Meet Andrea! My soon-to-be-wife!” masayang bungad ni Gilbert.

Pagkakita nila Roy at Andrea sa isa’t-isa ay nagkagulatan sila at hindi naka-imik. Bandang huli ay parehas nilang napagdesisyunan na magpanggap at nagkamay na para bang ngayon lang nagkakilala.

“Dad, isn’t she just my age to be my stepmom?” tanong ni Roy habang masama ang tingin kay Andrea.

Hindi nagustuhan ni Gilbert ang paraan ng pagtatanong ni Roy sa kaniya sa harap ni Andrea kaya naman inaya niya ang anak sa isang kuwarto upang sila ay makapag-usap.

“Son, please don’t be rude to Andrea. If you get to know her better, you’ll find her fascinating and a very nice lady,” ang sabi ni Gilbert.

“Talaga ba, Dad? Gaano mo ba siya kakilala?” tanong ni Roy.

“Okay. I know what you mean. Yes, galing siya sa mahirap na pamilya pero hindi siya ganung klaseng babae. Hindi mo alam kung anong pinagdaanan niya mag-isa at kung paano siya nagsikap para lang maitaguyod ang mga kapatid niya at maiahon sila sa hirap,” tugon ni Gilbert.

Advertisement

“So, I want you to be nice to her,” dagdag pa ng ama ni Roy bago lumabas ng kwarto.

Hindi makapaniwala si Roy sa nangyari. Hindi ito ang inaasahan niya pag-uwi sa Pilipinas. Hindi niya matanggap na ang babaeng pinakamamahal niya ay mapupunta sa ibang lalaki. Ang masaklap pa ay ama niya ang ibang lalaking pakakasalan ng dating kasintahan.

Dahil dito at dahil sa nananatiling pagmamahal ni Roy para kay Andrea ay mangilang ulit niyang sinubukang suyuin at pinakiusapan na makipagbalikan sa kaniya ang dalaga. Kahit na ganoon ay ilang ulit din siyang tinanggihan ng dalaga kaya naman muling naubos ang pasensiya ni Roy.

“Bakit ayaw mo na sa akin? Dahil ba mas makapangyarihan at mas maraming pera si Dad? Dahil ba mas kaya niya kayong iahon sa hirap?” pangunguwestiyon ni Roy.

Agad siyang sinampal ni Andrea.

“Ganiyan ba kababa ang tingin mo sa akin? Para sabihin ko sa’yo, pinagtrabahuhan ko kung nasaan man ako ngayon. Dugo’t pawis ko ang pinuhunan ko sa pagtayo ng maliit na negosyo na napalago ko bago pa kami magkakilala ng Daddy mo isang maliit na convention. At kahit ilang ulit mong tanungin eh mas pipiliin ko ang Daddy mo. Mahal ko siya. Inunawa niya ang kalagayan ko. Minahal niya ang buong pagkatao ko at pati na rin ang mga kapatid ko. Hindi kagaya mo na napaka-immature at basta-basta na lang nang-iwan,” ang sabi ni Andrea.

Hindi nakapagsalita si Roy at dahil napagtanto niya ang kaniyang pagkakamali ay umalis na lang siya sa harap ni Andrea.

Lingid sa kaalaman ng dating magkasintahan ay nasaksihan itong lahat ng ama ni Roy kaya naman nang puntahan ni Andrea si Gilbert ay agad siyang kinompronta nito.

Advertisement

“Wala ka na ba talagang feelings para sa anak ko? Puwede pa nating hindi ituloy ang kasal bukas.”

Ikinagulat ito ni Andrea at hindi nakapagsalita.

“Narinig ko ang lahat,” ang sabi ni Gilbert.

“I’m sorry. Hindi ko sinasadyang itago sayo ‘yung sa naging relasyon namin noon. Nagulat kasi ako nung makita ko siya bilang anak mo. Matagal nang tapos ‘yung samin. Sana alam mo at nararamdaman mo na ikaw ang mahal ko,” ang sabi ni Andrea.

Niyakap ni Gilbert si Andrea at nagpasalamat. Sunod niyang kinausap ang kaniyang anak sa kabilang kuwarto. Matapos nilang makapag-usap nang masinsinan ay tinanggap na ni Roy ang sitwasyon pati ang kaniyang pagkakamali sa dating kasintahan.

“I will no longer object. She deserves you more and you deserve to be happy. Nakita ko ang mga paghihirap mo sa akin at sa business nung nawala si Mom. You both deserve each other. Go on with your wedding. Hindi man ako makaka-attend, you still have my blessing. I know you’ll understand,” ang sabi ni Roy.

“Pasabi na lang din kay Andrea, I’m sorry,” dagdag pa niya.

Nung gabing ‘yun ay agad ring bumalik si Roy sa abroad na labis ang pagsisisi habang sina Andrea at Gilbert ay itinuloy ang nakatakda nilang kasal kinabukasan.