Ang Pulis na Saksakan ng Tulis

Baguhan pa lamang sa pagseserbisyo itong si SPO1 Lorenzo Pascual ngunit kung umasta na ay akala mo kung sinong kataas-taasan na. Madalas siyang kainisan ng kasama niyang mga baguhan ngunit walang magawa ang mga ito dahil kinukunsinti naman siya ng amang isa nang Chief Superintendent ng kapulisan.

Mapagsamantala ng kapangyarihan itong si SPO1 Pascual. Sa araw-araw niya atang pagroronda sa kanilang lugar ay madalas itong mapa-trobol nang dahil sa pag-uugali niya.

“Mga boss, mukhang enjoy na enjoy kayo sa pagsusugal diyan ah!” kantyaw ni SPO1 Pascual sa mga kalalakihang naglalaro ng chess sa kanto.

“Ser! Magandang umaga ho. Napagkatuwaan lang ho naming maglibang-libang sa paglalaro ng chess,” magalang na sagot ng isa sa mga lalaki.

“Alam niyo ho bang bawal ‘yan?” nakangising sabi ni SPO1.

Nagkatinginan naman ang magkakaibigan.

“Bawal? Bakit ho? Hindi naman ho kami nagsusugal,” anito.

“Aba! Marunong pa kayo sa akin? Pulis ako, at nakatambay lang kayo rito! Kung ayaw ninyong makulong at mamultahan, alam niyo na siguro ang gagawin…” ani SPO1 Pascual habang nakangisi.

Advertisement

Nangongotong na agad, que bago bago pa lang!

Dala ng takot na makasuhan, nag-ambagan ang magkakaibigan upang “lagyan” si SPO1. Matapos iabot ang nakolektang isang libong piso, taas noo nang sumibat si SPO1 Pascual.

“Grabe, ano? ‘Di naman natin makontra. E kapag ginawa natin, tayo ang yari sa tatay niyan. Sinisira nilang mag-ama ang imahe ng kapulisan,” inis na sabi ni SPO1 Reyes sa isa kasamahang si SPO1 Santos.

“Ako, hinahayaan ko na lang e. Bahala na ang karma na magbigay hustisya sa kagag*han niyan,” sagot naman nito.

Bukod sa pangingikil at pananakot sa mga inosenteng mga tao, hilig din ni SPO1 Pascual na gamitin ang kaniyang pagkapulis sa kanyang paglapit sa mga kababaihan. Para sa kanya, mas madali siyang makakabingwit ng mga chikababes kapag nakitang suot ang uniporme at baril niya.

Isang hapon, nagroronda itong si SPO1 Pascual kasama si SPO1 Santos nang bigla na lamang may makitang isang seksing binibini na mag-isang naglalakad sa daan. Labas ang pusod nito at nakasuot pa ng high heels, kaya naman umandar na naman ang pagkamatulis ni SPO1 Pascual.

Agad niyang inihinto ang sasakyang pulisya at itinigil sa tabi ng naglalakad na dalaga.

“Miss! Bakit nag-iisa ka?” sigaw ni SPO1 Pascual sa nakababang bintana ng sasakyan.

Advertisement

Ngunit hindi siya pinansin ng dalaga at nagpatuloy lamang sa paglalakad.

“Aba, bastos ka ah!” inis na sabi ng lalaki dahil hindi niya inaasahang mapapahiya siya sa harap ng kasamahang si SPO1 Santos.

“P’re, hayaan mo na. Mali ang ginagawa natin e. Nananahimik ‘yong babae. Dapat nga ay maramdaman niyang ligtas siya dahil may mga pulis na rumoronda,” ani Santos kay Pascual.

Agad namang nabwisit itong si Pascual dahil hindi siya sanay na kinokontra at pinagsasabihan ng iba.

“Bakit ba nangingialam ka? Trip ko ‘yong babae e! Ganda oh! Teka, panoorin mo ko. Hihingin ko ang number niyan, tapos bukas makalawa e gelpren ko na ‘yan,” mayabang nitong sagot.

Nagmadaling bumaba si SPO1 Pascual at hinabol ang babae. Kahit anong tawag niya’y hindi siya nito pinapansin. Kaya naman dala ng inis, hinatak niya ang babae sa braso at saka kinausap.

“Bastos ka ah! Kanina pa kita kinakausap, hindi mo ako pinapansin. Hindi mo ba nakikitang pulis ako? Gusto mo ba hulihin kita?!” mayabang na sabi ni SPO1 Pascual nang makitang simangot na simangot ang babae sa kanya.

“Ano ba?! Ang kulit kulit mo. Bastos kang pulis ka! Kilala kita e. Dapat sa mga kagaya mo, tinuturuan ng leksyon,” inis na sabi ng dalaga at saka pilit kumawala sa hawak ni Pascual.

Advertisement

Nagdire-diretso ito ng lakad papalayo, na siyang ikinainit ng ulo ng mayabang na pulis. Ayaw na ayaw niyang napapahiya at natatanggihan.

Hinabol niyang muli ang dalaga at saka palihim na tinutukan ng baril.

“Halikan mo ako, sa labi! Isa! Nakikita mo ang kasamahan kong nanonood sa loob ng sasakyan? Kapag ako pinahiya mo, ‘di ako mangingiwi na ikalabit itong gatilyo sa’yo. Sasabihin ko lang na nagbebenta ka ng pinagbabawal na gamot at nanlaban ka nang hulihin kita,” bulong ni SPO1 sa babae.

Napangiti si Pascual dahil tila natakot ang dalaga sa kanyang sinabi. Umakma na ang dalaga na hahalikan siya, at napapikit pa itong mokong sa paghihintay ng halik sa kanya.

*PAK*

Umalingawngaw ang putok ng baril. Napababa si SPO1 Santos sa kanyang nakita. Napahiga na lamang si SPO1 Pascual habang nakatitig sa nagdurugo niyang pantalon.

“Put*ng ina! Bakit mo ginawa ‘yon, Pascual?!” sigaw ni SPO1 Santos.

Kitang-kita niya ang nangyari. Nang halikan ng dalaga si Pascual, isinukbit nito pabalik ang baril sa kanyang pantalon. Mukhang napasarap ata sa sapilitang paghalik sa dalaga, dahil bigla na lamang nitong hindi sinasadyang maiputok ang baril! At saktong-sakto pa itong tumama sa pagkalalaki niya. Lagot na!

Advertisement

Agad nagpatawag ng ambulansya si Santos. Mabilis nilang naisugod sa ospital ang mayabang na pulis, ngunit sa kasamaang palad ay tinamaan pala ang ari nito. Literal na wasak na wasak ang kanyang pagkalalaki at hindi na maidadaan pa sa kahit na anong operasyon.

Halos mabaliw si SPO1 Pascual nang dahil sa nangyari sa kanya. Sinubukan niya pang isisi sa babaeng hinalikan ang nangyari, ngunit kuhang-kuha pala sa camera ng kanilang sasakyang pulisya ang buong pangyayari.

“Sabi sa’yo e. Ang mga gaya niyang tiwali? Hindi magtatagal sa serbisyo ‘yan. Karma na ang kusang babalik sa kanila,” bulong ni SPO1 Santos kay SPO1 Reyes.

Nang dahil sa nangyari, natanggalan na nga ng “pagkalalaki” ay natanggal pa sa pagiging pulis itong si SPO1 Pascual. Naisama rin sa mga naihaing reklamo ang kanyang ama na kaparehong-kapareho ng ugali niya. Natanggal na ang mag-ama upang hindi na masira pa ang imahe ng kapulisan.

Napatunayan na walang tiwaling opisyal ang magtatagal sa kanilang pwesto, dahil nariyan lamang ang karmang nakaabang sa kanila at naghihintay lamang ng tiyempo.