Alaala ng Iyong Pag-Ibig

Dalawang taong naging magkasintahan sina Liane at Ben bago nila naisipang magpakasal. Nagkakilala ang dalawa noong dumalo sila sa kasal ng isa nilang kaibigan na si Pia.

Masasabing napaka-perpekto ng kanilang naging relasyon. Nagbibigayan silang dalawa at marunong rumespeto sa desisyon ng bawat isa. Hindi din nila pinapalaki ang kanilang mga naging away at hindi nila pinapatapos ang araw ng magkagalit o may tampuhan. Lahat ng bagay ay pinag-uusapan nila.

“You may now kiss the bride,” anunsyo ng pari sa araw ng pag-iisang dibdib nila Liane at Ben. Agad din namang naghiyawan ang mga bisita ng hinalikan ni Ben ang asawa.

“Mahal na mahal kita,” bulong ni Liane sa asawang si Ben.

“Mas mahal kita,” ganting bulong ni Ben at pagkatapos ay hinalikan sa noo si Liane.

Naging masaya ang buhay mag-asawa nila Liane at Ben. Wala namang masyadong nagbago sa kanilang turingan noong magkasintahan pa lamang sila, mas naging malambing lamang sila ngayong mag-asawa na. Matapos ang isang taon ay nabiyayaan ang mag-asawa ng isang munting anghel.

“Yes, dad? Wag kang mag-alala pauwi na ako dyan,” saad ni Liane sa asawang nasa kabilang linya habang pinapaharurot ang kanyang sasakyan pauwi. Tumawag kasi ang asawa at sinabing inaapoy daw ng lagnat ang kanilang anak. Agad-agad namang nagmadaling umuwi si Liane dahil sa labis na pagmamadali.

Sa sobrang pagmamadali nito at sa bilis ng pagmamaneho ay hindi napansin ni Liane ang papalapit na truck. Mabuti na lamang at agad niyang nakabig ang manibela ng sasakyan kaya naman ay naiwasan niya ito, ngunit tumama naman ang kanyang sasakyan sa poste. Tumama ang ulo niya sa manibela ng sasakyan at tuluyan na siyang nawalan ng malay.

Advertisement

Agad namang rumesponde ang mga pulisya at ambulansya sa aksidenteng naganap. Dinala nila agad sa ospital si Liane. Dali-dali ring nagtungo sa ospital si Ben. Sumunod din agad ang mga magulang at kapatid ng babae.

“Liane, mahal ko, okay ka lang ba?” agad na lumapit si Ben sa kanyang asawa. Tiningnan naman ni Liane si Ben ng may pagtataka sa mukha.

“Mahal? Ako?” naguguluhang tanong ni Liane sa asawa habang nakaturo pa sa sarili niya. Nabigla naman si Ben sa naging reaksyon ng asawa kaya tumingin siya sa doctor. Agad naman na lumapit ang doctor para tingnan ang kalagayan ni Lianne.

“Mommy! Daddy!” natutuwang tawag ni Liane ng makita ang mga magulang, “A-ano pong nangyari sakin?” Hindi alam ng mga magulang ni Lianne kung ano ang kanilang sasabihin.

Nagkatinginan na lamang silang mga asawa at nilapitan ang anak na nawalan ng alaala. Wala namang magawa si Ben kundi pagmasdan ang asawa habang may kirot at takot na nararamdaman sa kanyang dibdib. Paano nalang kung hindi na sila maalala pa ng kanyang asawa. Paano nalang silang mag-ama?

Mabuti na lamang at bumaba na ang lagnat ng kanilang anak kaya naman kampante ng nababantayan ni Ben ang asawang nasa ospital pa rin.

Napag-alaman nilang may kung tawagin ay Selective Amnesia si Liane gawa ng malakas na pagtama ng kanyang ulo sa manibela ng sasakyan nang siya maaksidente.

Hindi niya maalala ang nakaraang apat na taon ng buhay niya. Hindi niya matandaan ang araw na nagkakilala sila ng kanyang asawa o ang kasal pati na ang kanilang anak.

Advertisement

Parang gumuho ang mundo ni Ben ng malaman ang kalagayan ng kanyang asawa. Pero hindi siya pwedeng panghinaan ng loob. Lalo na at may anak sila. Kailangan niyang magpakatatag para sa kanilang pamilya.

Sinubukan nilang lahat ang iba’t ibang paraan para bumalik ang alaala ni Liane. Subalit walang kinahinatnan lahat ng paghihirap nila.

Wala mang maalala ay sinusubukan din naman ni Liane na intindihin at unawain ang mga sinasabi sa kanya ng kanyang pamilya. Nakikita niya ang lahat ng ginagawa ng kanyang asawa para lamang bumalik ang alaala niya. Naawa na rin siya rito at gusto na rin niyang makaalala. Sino ba naman ang may gustong mawalan ng alaala diba?

Sinusubukan niya talagang alalahanin ang nakaraang apat na taon. Pero kahit na gaano niya pa niya subukan, wala talaga siyang mapiga sa kanyang memorya.

Tiningnan niya ang batang natutulog sa tabi niya at hinawakan ang maliliit nitong kamay. Sobra siyang nalulungkot at nawawasak ang kanyang puso dahil hindi niya maalala ang sariling anak at asawa.

Nagkaroon ng isang pagtitipon sa bahay ng mga magulang ni Liane kaya naman pumunta ang mag-asawang Lianne at Ben.

Hindi naman inaasahang naroon ang dating nobyo ni Liane na si Richard. Nabalitaan nito ang nangyari sa dating nobya. Ilang taon din ang itinagal ng relasyon ni Richard at Lianne, ngunit natapos ito ng mahuli ni Liane si Richard na kahalikan ang kanyang matalik na kaibigang.

Nangyari ang lahat isang buwan bago makilala ni Liane ang asawang si Ben, kaya naman hindi rin ito naaalala ni Lianne.

Advertisement

“Liane, hanggang ngayon ay napakaganda mo pa rin!” masiglang bati ni Richard kay Liane at hinalikan ito sa pisngi. Nakaramdam naman ng kilig si Lianne. Sa kanyang alaala kasi ang ito pa rin ang lalaking minamahal. Agad namang nilapitan ni Ben ang asawa nang makitang umaaligid dito ang dating kasintahan.

Nagulat si Liane nang makita ang asawa na may nanlilisik na mata at nakatingin kay Richard. Bigla siyang nakonsenysa. Nakalimutan niyang may asawa’t anak na pala siya!

Iniwasan niya agad si Richard nang mapagtanto ang ginagawa nito. Muntik na siya nitong halikan ng tumingin siya sa palapit na asawa! Agad naman silang nakaagaw ng atensyon dahil nasampal ni Liane dating nobyo.

“Anong nangyayari dito?” Ma-awtoridad na tanong ng ama ni Liane kay Richard. Natawa naman si Richard.

“Oh bakit Liane? Hindi ba ako ang iyong mahal at hindi mo na matandaan ang gunggong na yan na nakisawsaw sa relasyon natin noon? Hindi mo ba matandaan kung gaano tayo kasaya noong nasa mga bisig pa kita?” akmang susuntukin sana si Ben si Richard ng pigilan ito ni Liane. Hinarap niya ang dating nobyo at muling binigyan ng malakas na sampal na ikinagulat naman nito.

“Maaaring nawalan ako ng alaala at hindi ko matandaan ang asawa’t anak ko o kung ano man ang mga nangyari sa aking buhay nang nakaraang apat na taon, pero naniniwala akong may mabigat na rason kung bakit tayo naghiwalay.

Hindi ko man maalala iyon ay naniniwala at may tiwala ako sa desisyong ginawa ko noon. Dahil kilala ko ang sarili ko. Marunong akong mag-isip. Hindi ko man maalala ngayon ang asawa ko pero sigurado akong lubos ko siyang minamahal at ganun din siya.

Nakikita at nararamdaman ko iyon sa araw-araw naming pamumuhay. Kaya wag ka nang magtaka pa at lubayan mo ako. Lubayan mo ang pamilya ko! May asawa na ako at may anak kami. Matuto kang rumespeto,” pagkatapos sabihin iyon ay hinawakan ni Liane ang kamay ng kanyang asawa at umalis.

Advertisement

Pagkarating nilang dalawa sa kanilang bahay ay agad na niyakap ni Ben ang asawa. Bagama’t nabigla ay natawa naman si Liane sa ginawa ng lalaki.

“Bakit?” natatawang tanong niya dito.

“Wala lang. Akala ko kasi hindi mo napapamsin yung efforts ko. Kinabahan talaga ako kanina. Baka kasi balikan mo yung g*gong yun,” tinanggal naman ni Liane ang mga kamay nitong nakapulupot sa katawan niya at hinarap ito.

“Ano? Ganun nalang ba ang tingin mo sakin?” taas-kilay niyang tanong sa asawa.

“Hindi,” hinawakan ni Ben ang kamay ng kanyang mahal na asawa, “eh kasi diba, wala ka namang maalala tungkol sa’min. Malay ko ba naman na sa isip mo, siya pa rin ang mahal mo,” malungkot na tugon nito.

“Ben, gaya ng sinabi ko kanina, nawalan lang ako ng alaala, hindi ng utak. Marunong naman akong mag-isip. Tsaka, hindi ko man mahanap sa aking isipan ang mga alaala natin at ng ating anak, nararamdaman ko naman ang pagmamahal na nagbubuklod sa pamilyang ito.

Kaya hindi ko kayo iiwan. Eh ano naman kung nawala ang mga alaala ko kasama kayo, maari naman tayong gumawa ng mga bago,” puno ng emosyong pahayag ni Lianne sa asawang naluluha na rin.

Tumango lang si Ben at ipinatong ang noo niya sa noo ng pinakamamahal na asawa.

Advertisement

“Mahal na mahal kita Lianne.”

Nagsimulang muli ang mag-asawa kasama ang kanilang munting anghel. Hindi na nila pinilit pa na ibalik ang mga alaala ni Liane. Gaya nga ng sabi ni Lianne, gumawa nalang sila ng mas maraming masasayang alaala kasama ang isa’t isa.

Isang maulang umaga noon. Lumabas si Liane upang magtapon sana ng basura ng hindi inaasahang madulas at mapasigaw siya. Tumama sa sahig ang kanyang ulo, dahilan para makaramdam siya ng matinding pagkahilo.

Sa di inaasahang pagkakataon, unti-untimg bumalik ang lahat ng alaala niya. Mabilis naman tumakbo palabas si Ben upang makita kung anung nangyari sa asawa.

“Ayos ka lamang ba, mahal? Nasaktan ka ba? May masakit ba sayo?” tanong ng lalaki.

“Ayos lamang ako,” bigla namang natawa si Liane.

“O bakit ka natatawa bigla? Ayos ka lamang ba?”

“Naalala ko lang kasi, noong unang anibersaryo natin, maulan din nun, nagkamali ka ng hakbang sa may waiting shed kaya nahulog ka sa kanal noon,” natatawang pahayag ng babae.

Advertisement

“Nakakaalala ka na?” todo ngiting tanong ng lalaki.

Tumango si Liane habang nakangiti. “Unti-unti nang bumabalik lahat, mahal ko. Naaalala na kita.”

Niyakap ni Ben ang asawa sa sobrang ligayang nadarama. Hinalikan niya ito ng madiin sa labi at saka muling hinila ang babae palalapit sa kanyang dibdib.

Maaaring makalimot man ang ating mga isipan at mabura sa ating mga alaala, parati sana nating pakakatandaan, kailanman hindi nakakalimot ang pusong tunay na nagmamahal.