Inday TrendingInday Trending
Nagdiwang ang mga Tao nang Pumanaw ang Nahuli Nilang Sirena, Tulala Silang Lahat Nang Malamang Nagkamali Sila

Nagdiwang ang mga Tao nang Pumanaw ang Nahuli Nilang Sirena, Tulala Silang Lahat Nang Malamang Nagkamali Sila

KarmaMysteryStories

Nakatira sa isang maliit na lugar si Mario, isa siyang mangingisda. Mayroon siyang dalawang anak at ang misis niya ang taga-benta ng kanyang mga nahuhuling isda sa palengke. Dahil nga maliit lang ang lugar nila ay usong-uso ang tsismisan para lang may pagkaabalahan.

Mahilig silang maniwala sa mga misteryo, ang iba nga ay sinasadya pang gumawa ng kwento para lang maging bida.

“Naglalakad ako kagabi, dahil nga sabi ni Dinia ay ibili ko raw siya ng salanyasi. Bigla akong napasulyap sa tubig, nakita kong may parang babae na lumalangoy! Sigurado ako, sirena iyon.

Bakit? Eh sino naman ang matinong tao na lalangoy ng ganoong oras, alas diyes! Walang ibang kasama, at hindi ko kilala ang mukha. Para siyang makaliskis,” bida ni Delfin.

Hangang-hanga naman ang mga kapitbahay na nakikinig habang hindi kumikibo si Mario. Paano kasi, nakakaasar ang kumpare niyang ito. Palagi nalang may kwento, kapag may naibabahagi siya sa mga kakilala nila ay palagi nalang nahihigitan nito. Tulad ngayon.

“Naku Delfin, dapat ay hinuli mo. Hindi ba’t malas raw ang mga sirena? Dapat patayin, baka kaya kaunti lang ang nahuhuli ng mga mangingisda natin dahil hinaharang ng pesteng iyon,” sabi ng isa.

“Paano? baka mamaya, ako naman ang isumpa. Tsaka nabigla nga ako eh,” napapakamot na sabi ni Delfin.

Umiiling na tumayo na si Mario, dala niya ang cooler, thermos at isang jacket.Papalaot nalang siya kaysa ma-bwisit siya sa pagbibida ng kumpare.

“Lakad na muna ako pare, may project sa school ang mga bata eh. Kailangan lang dumoble ang kita dahil may kamahalan.” paalam niya.

Ilang sandali pa ang lumipas ay namamangka na si Mario. Sinadya niyang wag nang magsama ng isa pa dahil may kahati pa siya sa kita pag nagkataon.

Ang mahirap lang pag ganito, mabigat mag-sagwan. Sira kasi ang motor ng bangka niya at wala pa siyang pambili ng bago.

Lumubog na ang araw pero kakaunti palang ang isdang nahuli niya, ni wala pa ngang kalahati ang laman ng kanyang timba.

Nagmamasid siya sa paligid habang hinihintay ang tatlong minuto bago iangat ang lambat nang mapasulyap siya sa gilid ng isang batuhan. Nabalot ng kaba ang buo niyang pagkatao nang makita ang isang batang babae, siguro ay nasa siyam na taong gulang.

Paano ito nakalangoy roon, napakalalim na ng parteng iyon!

Unti-unti siyang nagsagwan palapit sa bata at natakpan niya ang bibig nang makitang hindi ito normal. Puno ng kaliskis ang mukha nito at hanggang balikat.

Hindi na siya nag-atubili, inilapit niyang mabuti ang bangka rito at hinagisan ito ng lambat. Nagpumiglas ang sirena pero higit siyang malakas kaysa rito.

“Swerte, dadami na ang huli kong isda. Ako pa ngayon ang bida dahil ako ang matapang na nakahuli sa iyong peste ka,” nakangising sabi niya.

Napansin niyang may paa ito pero napupuno na iyon ng kaliskis. Marahil ay kasalukuyan itong nagbabagong anyo nang mahuli niya.

Ibinalibag niya ang bata habang nasa lambat pa ito, nagkagulo ang mga tao sa palengke.

“Susmaryosep!”

“Kaya tayo minamalas!”

“Patayin!” maririnig na paulit-ulit na sinasabi ng mga tao roon.

Takot na takot ang bata at hindi malaman kung ano ang gagawin. Dalawang lalaki lang ang malakas ang loob na nagtanggal rito sa lambat, habang abala ang isa na ihanda ang pangtali rito ay sinamantala ng bata ang pagkakataon. Kinagat nito ang kamay ng lalaking humahawak sa kanya at tumakbo.

“Tumatakas ang sirena! Ang daming kaliskis! Nakakadiri!” sabi ng mga tindera.

Isa si Mario sa nakihabol pero natulala sila lahat nang sa kagustuhang makalayo ay nasagasaan ng rumaragasang sasakyan ang bata.

Walang buhay itong humandusay sa sahig. Duguan, walang lumapit na kahit na sino.

Napalingon silang lahat nang mula sa malayo ay pumalahaw ng iyak ang isang ginang.

“Carmela! Anak ko!” humahagulgol nitong nilapitan ang walang buhay na bata.

“Walanghiya kayong lahat! Inilayo ko na nga siya sa tao dahil may sakit sa balat ang aking anak, tanging paliligo sa dagat nalang ang libangan niya. Pinagmalupitan nyo pa! Mga hayop kayo! Isinusumpa ko kayong lahat!” paulit-ulit na iyak nito.

Tigagal ang lahat ng naroon, pahiyang pahiya sila sa kanilang sarili at labis ang pagsisisi. Lalung-lalo na si Mario. Nakapatay siya ng tao dahil sa panghuhusga niya at kagustuhang bumida. Isang inosenteng bata ang nawalan ng buhay.

Inialis ng ginang ang katawan ng anak, inaasahan ng lahat na kakasuhan sila nito pero walang dumating na kahit na ano. Akala nila, ayos na. Akala nila nakahinga na sila nang maluwag pero hindi nila inasahan na sunud-sunod na kamalasan ang dumating sa kanilang mga buhay.

Lalong nawalan ng isda, bumagsak ang kanilang mga kabuhayan. Hindi na nila isinisi sa mga sirena ang lahat, alam nilang ito na ang kanilang karma. Parusa ng tadhana sa malaking kasalanang kanilang nagawa.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.