Pakialamanan Mo Buhay Mo!

Bagong lipat lamang si Julius sa kaniyang tinitirhang apartment at wala pa mang isang linggo ay halos dumugo na ang tenga niya sa away ng kanilang kapitbahay.

“Sh*t, araw-araw na lang bang magbubugbugan ‘yung mga hinayupak na ito! Hindi ba nila alam na pang gabi ako at kailangan ko ng tulog?” wika ng lalaki sa kaniyang sarili sabay bagsak ng kaniyang pintuan.

Ngunit hindi na niya matiis pa at nag-iinit na ang kaniyang dugo kaya agad siyang lumabas upang katukin ang kapitbahay nang bigla siyang mapatigil.

“Hindi ba ikaw ‘yung anak nung babae dito?” tanong niya sa batang lalaking may hawak na libro na nakaupo sa sahig sa tapat ng pinto niya.

“Opo,” mahinang sagot ng bata.

“E, anong ginagawa mo diyan? Tsaka bakit palaging nag-aaway ‘yung nanay at tatay mo? Hindi ba nila alam na nakakaistorbo sila ng kapitbahay?” galit na pahayag ni Julius sa bata.

“Pinapalabas po ako ng mama ko sa tuwing mag-aaway sila o ‘di kaya naman maglalambingan sila. Tsaka isa pa, hindi ko po tatay ‘yung lalaki. Matagal ng p*tay ang tatay ko. Bf ‘yun ni mama,” sagot sa kaniya ng bata.

Napalunok si Julius nung mapagtanto niyang binabalingan niya ng galit ang batang walang kasalanan. Papasok na sana siya sa kaniyang pinto nung marinig niyang kumalam ang sikmura ng bata. Masyado itong malakas para maitago.

Advertisement

“Hindi ka pa kumakain?” tanong ng binata. “Hindi pa po simula kagabi,” sagot sa kaniya ng bata. “Gusto mo bang pumasok muna dito? May pagkain ako,” yaya niya.

Agad na tumango ang batang lalaki at pumasok sa bahay ni Julius. Pinagsaluhan nila ang burger na binili niya. Wala naman kasi siyang pagkain at mag-isa lang naman kasi siya sa buhay kaya nasanay na lamang sa mga fast food.

“Kagabi pa po ako hindi kumain, kuya. Salamat sa burger, ha,” wika ng bata.

“Ano bang pangalan mo at bakit kagabi ka pa hindi kumakain?” tanong naman ni Julius. “Ako nga po pala si Michael, 10 years old na po ako. Kagabi pa sila nag-aaway kaya kagabi pa rin ako nasa labas,” sagot ni Michael.

Napailing na lang si Julius sa kaniyang narinig. “Mga magulang ngayon mas gusto pa ang sarap kaysa sa alagaan ang anak nila!” isip-isip ng binata habang nakatitig kay Michael na sarap na sarap sa kinakain nito.

Narinig niyang nagbukas ang pinto ng kanyang kapitbahay. Mabilis na tumayo at lumabas si Michael.

“Anong ginagawa mo diyan?” galit na bati ng nanay ni Michael. “Pinakain ko lang, ho, ‘yung anak niyong gutom na gutom na,” baling naman ni Julius sa babae.

Ngunit mabilis na hinatak si Michael ng lalaking kasama ng kaniyang nanay at tinignan ng masama si Julius.

Advertisement

“Bata, huwag kang nangingialam ng buhay ng may buhay,” pahayag ng lalaki sa kaniya sabay pakita ng baril nito na nakasingit sa kaniyang tagiliran.

Lumaki ang mata ni Julius at tinaas ang kaniyang kamay. Tsaka siya naglakad ng patalikod para pumasok sa kaniyang bahay.

“Mukhang mapapasama pa ako sa pagtulong ko,” bulong niya sa sarili. Sinarado na lamang ni Julius ang kaniyang pintuan at nagpahinga.

Lumipas pa ang mga ilang araw at hanggang sa umabot ito ng buwan na walang pinagbago.

“Wala ba talagang magsusumbong sa mga kapitbahay ko? Pakiramdam ko lantang gulay na ‘yung nanay ni Michael sa lakas ng balibag nung lalaki,” saad niya sa sarili habang paakyat ito ng hagdan.

“Alam mo balita ko kasi gangster daw yung kinakasama ni Beth kaya ginagawa siyang punching bag,” wika sa kaniya ng isang babae na nasa mga 40 anyos na rin.

“Nakatira ako sa dulo. Matagal nang nagbubugbugan ‘yang sina Beth kaya sanay na ako,” dagdag pa nito.

“E, bakit po walang nagrereklamo?” tanong ni Julius dito.

Advertisement

“Walang gustong makialam, ganun lang yun. Isa pa, malakas kapit noong lalaki sa itaas, marami daw koneksyon,” sagot sa kaniya ng ale at nauna na itong maglakad.

Hindi na lang nagsalita si Julius at dumiretso na lang ito sa kaniyang bahay kaya lamang ay natigilan siya nung sipain palabas si Michael ng lalaki. Puro pasa na rin ito at maga ang mata.

“Michael, ano bang nangyayari?” tanong niya sa bata. “Kuya, tulungan niyo po kami,” sagot sa kaniya ng bata.

Agad niyang kinuha ang telepono. Nanginginig niyang binuksan ito. Tinitigan si Michael sandali at tsaka binalik ang tingin sa kaniyang telepono.

“Kailangan mong gawin ito, Julius,” isip-isip niya.

“Kailangan ko ng tulong. ‘Yung kapitbahay ko binubugbog ng kinakasama niya. Pwede ba kayong magpadala ng rescue? Gangster daw kasi ‘yung lalaki kaya walang gumagalaw,” pahayag ng binata sa telepono.

“Sige, pupunta kami diyan,” sagot ng nasa kabilang linya.

Agad na dumating ang mga pulisya. Naaresto ang lalaking kinakasama ng nanay ni Michael na kinilala bilang si Valentino. Isa pala itong kriminal at matagal ng pinaghahanap ng awtoridad.

Advertisement

“Pasensya na kung ikaw ang tinawagan ko. Alam kong ayaw niyo na akong makita,” wika ni Julius sa isang pulis.

“Hindi naman kita itinakwil, Julius. Pasensya ka na kung nagalit ako sa sinabi mo pero ngayon alam ko nang malinis ang puso mo kahit pa nga pusong babae ito. Proud ako sa’yo, anak,” sagot sa kaniya ng pulis na si Ginoong Mendez, ang tatay ni Julius.

At nagyakap ang mag-ama. Pinalayas noon si Julius ng kaniyang pamilya nang umamin ito na bading siya. Itinakwil ng kaniyang ama dahil mataas pala ang posisyon nito bilang isang pulis. Kahihiyan daw kasi na magkaroon ng isang binabaeng supling.

“Binabawi ko na ang lahat ng sinabi ko dati na wala kayong kwenta dahil ang isang katulad mo pa mismo ang nagkaroon ng lakas ng loob upang iligtas ang kapitbahay mong nangangailangan ng tulong,” dagdag pa nito.

“Salamat sa’yo, hijo. Salamat dahil ikaw lang ang nagkalakas ng loob para tulungan kaming mag-ina. Matagal ko ng gustong magsumbong sa mga pulis ngunit natatakot ako. Mabuti na lamang at naging kapitbahay ka namin,” wika ni Aling Beth na magang-maga ang mukha sa pagkakabugbog.

Niyakap ni Michael si Juluis at doon na napaiyak ang binata. Ngayon alam niyang hindi masama ang tumulong at mas lalong hindi masama ang maging isang bading.