Naaksidente ang Nobya ng Lalaki at Imposible nang Mabuhay Ito; Isang Milagro ang Magaganap

Araw ng sahod, maagang pumasok si Raffy sa bangko. Nagtatrabaho siya roon bilang security guard.

“Aba, Raffy ang aga mo! Alas diyes pa ang duty mo, ‘di ba?” tanong ng teller na si Grace.

“Inagahan kong talaga, Ms. Grace, dahil magde-deposit ako ngayon, sahod, eh,” sabi ng lalaki.

“Oo nga pala, tuwing sahod ay nagdedeposito ka ng pera para sa ipon mo. Teka nga, icheck ko ha?” sagot ng babae na may tiningnan sa kompyuter. “Naku, ang laki na ng ipon mo, Raffy, puwede na kayong pakasal ni Myrna,” dagdag pa nito.

Nag-iipon talaga siya para sa balak na pagpapakasal nila ng kanyang nobyang si Myrna na isang sekretarya sa law firm na malapit din ang opisina sa pinagtatrabahuhang bangko.

“Nu’n ngang nakaraang linggo, niyaya ko na si Myrna na pakasal na kami, at pumayag na siya. Pag-uusapan pa namin ang iba pang detalye, marami pa kasi kaming kailangang asikasuhin at ayusin,” wika pa ni Raffy.

“Kinikilig naman ako sa inyong dalawa. Basta huwag ninyo akong kakalimutang imbitahan sa kasal ninyo ha?” saad pa ng babae.

“Ikaw pa ba, Ms. Grace, ang makakalimutan naming imbitahan? Siyempre, nangunguna na ang pangalan mo sa imbitasyon,” nakangiting tugon ng lalaki sabay kindat sa kausap.

Advertisement

Sampung taon nang security guard si Raffy sa bangkong iyon kaya kaibigan na siya ng mga empleyado roon. Pati nga ang nobya niya ay kilalang-kilala na rin ng mga ito dahil sa tuwing oras ng uwian ay nagpupunta ito roon para sunduin siya para sabay silang umuwi.

“Balita ko’y malapit ka na raw ikasal, Raffy? Ngayon palang kino-congratulate ko na kayo ni Myrna. Best wishes ha?” masayang sabi ng manager ng bangko na si Mrs. Andrada.

“Naku, salamat po ma’am. Inaayos pa po namin ang tungkol sa kasal, pero salamat pa rin po sa pagbati niyo,” magalang niyang sabi.

Isang araw, habang naka-duty siya ay natanaw niyang papalapit sa kanya ang nobyang si Myrna kasabay ng ilang kliyenteng papasok sa loob ng bangko.

“Aba, bakit narito si Myrna? Mamaya pa ang labas niya, a?” nagtataka niyang tanong sa isip.

Lumabas siya para salubungin ang kasintahan, pero…

“T-teka, bakit nawalang bigla? P-pero kitang-kita ko siya kanina na kumaway pa nga sa akin saka ngumiti,” naguguluhang sambit niya sa sarili.

Naikuwento niya ang nangyari sa kasama niyang guwardiya rin na si Wilson.

Advertisement

“Lagi kasing siya ang nasa isip mo, pare, lalo’t nag-propose ka na pala ng kasal sa kanya. Imahinasyon mo lang ‘yon,” sabi ng lalaki.

“Siguro nga, pare,” aniya.

Mag-a-alas singko na ng hapon nang makatanggap siya ng tawag mula sa nanay niyang si Aling Sally.

“O, inay, napatawag po kayo?”

“Raffy! Si Myrna, nabundol ng kotse kaninang tanghali. Tumawag sa akin ang nanay niya, sabihin ko raw sa iyo. Agaw-buhay siya ngayon sa ospital, anak,” umiiyak na sabi ng nanay niya sa kabilang linya.

Biglang nanikip ang dibidib niya sa ibinalita ng ina. Sinundo pa siya nito sa bangko at sabay silang pumunta sa ospital kung saan naroon ang naaksidenteng nobya.

“Diyos ko! Kanina lang ay nakita ko siya, inay, sa labas ng bangko. Kumaway pa nga siya sa akin, pero nang lumabas ako’y bigla siyang nawala. Huwag naman po sanang mawala sa akin si Myrna ko,” naluluhang sabi ni Raffy sa ina.

Ikinabigla ng nanay niya ang sinabi niya. Marahil ay pahiwatig na iyon na may masamang nangyari sa kasintahan niya.

Advertisement

Pagdating nila sa ospital ay nalunos ang lalaki nang makita si Myrna na nakahiga sa kama. Ang sabi ng doktor ay tapos na itong operahan ngunit…

“Successful ang operasyon. Naalis na ang nabaling two lower ribs niya sa kanan pero mahinang-mahina ang kanyang puso, baka bumigay,” nag-aalalang sabi ng doktor.

“Doc, huwag niyong pababayaan ang nobya ko, gawin niyo po lahat ng inyong makakaya para iligtas siya,” tugon ni Raffy.

“Kawawa naman ang anak ko, hindi na yata makakasal,” bulong ni Aling Sally sa isang tabi na patuloy pa rin sa pag-iyak.

Habang nag-uusap sila ay biglang nag-panic ang mga nars na nag-aasikaso kay Myrna.

“Doc! Dr. Ramos! Ang pasyente!”

Nakita nilang nahihirapang huminga ang babae hanggang sa huminto na ang tibok ng puso nito. Ginawa pa rin ng doktor ang lahat…

“One…two…three, um! Dali nurse, ang nebulizer!” sigaw ng doktor habang isinasalba ang pasyente.

Advertisement

Wala namang tigil sa paghagulgol at pag-aalala ang mag-ina lalo na si Raffy na halos maglupasay na sa sahig. Dumating na rin ang mga magulang at kapatid ni Myrna na hindi na rin naiwasang maiyak sa sitwasyon ng babae.

Ngunit tila pinagbibigyan pa rin sila at muling nagbalik ang paghinga ni Myrna pero kinabitan na ng respirator.

“Pansamantala natin siyang naagaw sa kamat*yan pero hanggang kailan? Huwag tayong lubusang umasa dahil malubhang-malubha na ang lagay niya,” pagtatapat ng doktor sa kanila.

Sa kabila niyon ay hindi iniiwan ni Rafy ang nobya. Matibay ang pag-asa niya’t pananalig na gagaling si Myrna.

“Myrna, pakinggan mo ako. Ngayon mo pa ba ako iiwan? Kailangan kita, kailangan ka ng aking pag-ibig. Mahal kita at pinaka-iibig. Ikamamat*y ko rin kapag iniwan mo ako, Myrna. Pakinggan mo ako, mahal ko, lumaban ka,” bulong niya sa kasintahan.

Habang tumatagal ay pahina nang pahina si Myrna. Lalong lumiliit ang tiyansa na mabuhay ito. Sa isandaang porsyento ay sampung porsyento lamang ang laban nito ngunit sadyang matatag si Raffy, hindi niya sinusukuan ang nobya. Naniniwala siya na kayang pagtibayin ng pag-ibig niya at ng kanyang pananampalataya ang paggaling nito.

“Diyos ko, alang-alang sa aming mataos na pagmamahal sa isa’t isa, huwag niyo po munang kunin sa akin si Myrna. Pakiusap, hayaan niyo po munang maging maligaya kami,” dasal ni Raffy habang hawak-hawak ang mga kamay ng babae.

Kinaumagahan ay tinapat na siya ng doktor sa kalagayan nito.

Advertisement

“I’m so sorry, pero naghihintay na lamang siya ng oras. Hindi na niya kayang labanan ang danyos na likha ng aksidente. Ikinalulungkot ko, malapit nang bumigay ang katawan niya at tuluyang…”

“Hindi, doc! Hindi siya mamamat*y! Mabubuhay si Myrna, mabubuhay siya,” giit ni Raffy na muling kinausap ang nobya habang patuloy na lumuluha. “Myrna, kailangan kita, huwag mo akong iiwan. Naririnig mo naman ako, ‘di ba? Gumising ka na, hindi ko kayang mawala ka, ikaw ang buhay ko.”

Nang muling balingan ng doktor ang pasyente ay nanlaki ang mga mata nito.

“Huh! D-dumidilat siya…imahinasyon ko lamang ba ito?” gulat na tanong ng doktor sa sarili.

At naganap ang isang milagro.

Dumilat nga ang mga mata ni Myrna. Nagising ang babae.

“R-Raffy, R-Raffy,” sambit nito.

Napahagulgol sa tuwa si Raffy nang makitang gising na ang pinakamamahal niya.

Advertisement

“Myrna, o aking Myrna! Diyos ko, salamat po at dininig Niyo ang aking panalangin,” wika ng lalaki.

Hindi makapaniwala ang doktor sa nangyari. Napaka-imposible nang maka-rekober ang pasyente dahil sobrang malubha na ang lagay nito ngunit unti-unting bumuti ang lagay ni Myrna hanggang tuluyan itong gumaling.

“Mula sa kawalan ay narinig ko ang daing mo, Raffy, pinilit kong magbalik dahil sa ating pag-ibig,” wika ni Myrna na kasintahan.

“Pinakinggan Niya ang daing ko, mahal ko. Sabi na nga ba, eh, na kapag pinagsama ang panananalig sa Diyos at ang ating pagmamahal sa isa’t isa ay walang imposible. Paglabas mo rito sa ospital ay papakasal na agad tayo, ayoko nang malayo ka pa sa akin,” tugon ni Raffy sa nobya sabay halik sa mga kamay nito.

Sa isang tabi ay nakangiti naman si Dr. Ramos na pinagmamasdan ang dalawa.

“Nakakapagtaka talaga dahil wala na talaga siyang pag-asang gumising pa, pero pinakinggan sila ng lalong makapangyarihan kaya isa ngang milagro ang nangyari. Dahil sa mataos na pag-ibig nilang dalawa ay dininig sila ng Diyos na siyang lumikha ng pag-ibig kaya imposible ngang hindi sila pagbigyan sa matapat nilang pagmamahal sa isa’t isa. Talagang kamangha-mangha!” bulong nito.

Sadyang mahiwaga at makapangyarihan ang pag-ibig lalo na’t sinamahan pa ng taos pusong pananampalataya, siguradong wala talagang imposible.