Inday TrendingInday Trending
Agad na Nagdiwang ang Dalaga nang May Ialok sa Kaniyang Magandang Trabaho sa Abroad; Tagumpay nga ba ang Maidudulot Nito sa Kaniya?

Agad na Nagdiwang ang Dalaga nang May Ialok sa Kaniyang Magandang Trabaho sa Abroad; Tagumpay nga ba ang Maidudulot Nito sa Kaniya?

Laki sa hirap ang dalagang si Kate. Bata pa lang siya, namulat na siya sa paghihirap ng kaniyang ina sa pagtitinda ng mga lamang-dagat na huli ng kaniyang ama sa paglalaot.

Sa kaniyang murang edad noon, siya’y labis na nahabag dahilan para siya’y boluntaryong maglako ng ilan sa mga huling isda sa kanilang lugar. Pilit man siyang pagbawalan ng ama dahil nga delikado para sa isang bata na maggala nang walang kasama, tumatakas pa siya rito para lang makatulong sa kanilang mga pangangailangan.

Lalo pang naghirap ang buhay nila nang mawala ang kaniyang ama. Ang ina niyang dating nagtitinda ng isda sa palengke ay naging kargador ng mga gulay doon para lamang siya’y mabuhay at dahil nga hindi niya kayang tingnan ang ina na nahihirapan sa isang trabahong nagbibigay lang ng isa hanggang dalawang daang piso sa kanila kada araw, doon na siya nagpasiyang magtrabaho sa isang restawran.

Ngunit dahil sa pandemya, pagkaraan lang ng tatlong taon niyang pagtatrabaho rito, siya naman ay napasama sa mga natanggal sa trabaho.

Ito ang dahilan para ganoon na lang siya mabuhayan ng loob sa napakagandang oportunidad na alok ng isang ginang na nakilala niya sa bus habang pauwi siya galing sa paghahanap ng trabaho. Dali-dali niya itong ikinuwento sa ina pagkauwi ng bahay.

“Aba, mukhang magandang balita ang uwi ng anak ko, ha? Abot langit ang mga ngiti mo, eh! Dali na, ikwento mo na kay nanay! May mapapasukan ka na bang trabaho? May maipangbibili na ba tayo ng bahay at lupa?” salubong nito sa kaniya nang may magandang ngiti sa labi.

“Mayroon na po, nanay!” masaya niyang tugon dahilan para mapatalon sa tuwa ang ina.

“Salamat sa Diyos! Saan ‘yang trabahong napasukan mo?” pang-uusisa pa nito.

“Sa ibang bansa po, nanay. May nakasabay po akong ginang sa bus kanina, nakikita niya na raw po ako noon pa sa dati kong pinagtatrababuhang restawran. Ngayong nalaman niyang natanggal po ako sa trabaho, gusto niya raw akong tulungan,” kwento niya rito habang naghuhubad ng kaniyang sapatos.

“Naku, ang bait naman no’n!” mangiyakngiyak na sagot nito.

“Sobra po, nanay! Sabi niya pa nga po, siya na ang bahala sa ticket ko patungong ibang bansa!” sabi niya pa na lalo nitong ikinaiyak.

“Anong trabaho mo roon, anak?” tanong nito sa gitna ng mga hikbi bunsod ng labis na kasiyahan.

“Waitress din po, nanay, pero pupwede ko raw pong kitain sa isang araw doon ang kinikita ko sa isang buwan dito! Siguradong aalwan na ang buhay natin, nanay!” wika niya na lalo nitong ikinatuwa dahilan para sila’y magyakapan habang umiiyak sa sobrang pasasalamat.

Wala na siyang sinayang na oras noong araw na iyon. Agad niyang hinanda ang mga dokumentong kailangan at nakipag-ugnayan sa naturang ginang.

Pagkalipas lang ng ilang linggo, tuluyan na nga siyang lumisan ng Pilipinas. Pagkarating na pagkarating niya sa bansang pupuntahan, may isang Pinoy din doon ang sumundo sa kaniya.

Kaya lang, siya’y labis na nagtaka dahil sa isang mataong bar siya nito dinala.

“Ba-bakit po rito tayo dumiretso?” tanong niya rito.

“Dito ka magtatrabaho, hija. O, ito, isuot mo na tapos lumabas ka na agad doon bago ka pa maubusan ng kustomer,” pabalang na sagot nito saka siya hinagisan ng isang sexy na damit na ikinanginig ng kaniyang buong katawan.

“Sabi po sa akin, waitress daw po ang trabahong…” hindi na niya natapos ang sasabihin dahil siya’y pinandilatan na nito.

“Oo nga, waitress nga ang trabaho mo rito, pero pupwede kang ikwarto ng mga kustomer. Pwede bang huwag ka nang matanong? Pasalamat ka nga at nakapangibang bansa ka!” sigaw nito sa kaniya na ikinatungo niya na lang.

Tila ba isang bangungot para sa kaniya ang gabing iyon. Hindi niya na mabilang kung ilang kalalakihan ang humawak sa iba’t ibang parte ng katawan niya na dahilan para labis niyang pandirihan ang sarili.

Bago matapos ang gabing iyon, may isa pang Pinoy ang lumapit sa kaniya habang siya’y nagpapalit na ng disenteng damit. Inabutan siya nito ng ilang dolyar na mula sa kaha ng naturang bar. Bago pa siya magtanong, hinila na siya nito palabas ng gusali.

“Tumakas ka na, gamitin mo ‘yang perang ‘yan upang makauwi at muling makapagsimula sa Pilipinas! Kapag nagtagal ka pa rito, mahihirapan ka nang tumakas katulad ko!” payo nito sa kaniya.

“Pa-paano po kayo?” tanong niya.

“Ayos lang ako, hija. Matanda na ako. Sige na, alis na! Bilis!” sigaw nito saka tuluyang sinara ang naturang gusali.

Sinunod niya nga ang pinag-uutos nito. Agad siyang bumili ng ticket pauwi. Ngunit imbes na ipangsimula niya ang natitirang perang bigay nito, ginamit niya ito upang mapauwi ang ginang na iyon at ang ilan pang mga Pinoy na binebenta roon sa tulong ng gobyerno.

Paglipas pa ng halos dalawang buwan, nabalitaan niyang napauwi na ang mga Pinoy na biktima roon at nakulong ang ilan ding Pinoy na may pakana ng gawaing iyon.

Hirap pa man din ang buhay nilang mag-ina, magaan ang loob niyang walang banta ng pang-aab*so ang nag-aabang sa kaniya.

Pinagtulungan na lang din nilang mag-ina ang pagtitinda ng mga meryenda at tuhog-tuhog na siyang tumutugon sa kanilang mga pangangailangan.

Advertisement