Di Malaman ng Babae Kung Kanino Isasauli ang Napulot na Malaking Halaga sa Basurahan, May Naghihintay Pala sa Kanyang Paghahanap

Nangibang bansa si Veron para mabigyan ng maayos na buhay ang kanyang mga anak. Isa siyang dalagang ina kaya mag-isa niyang binubuhay ang dalawa niyang anak na sina Cherry Lou at Cheska Mae na pinaaalagaan niya muna sa kanyang ina na si Aling Pepita.

Hindi naging madali ang buhay niya sa Hong Kong. Ginagawa niyang araw ang gabi kumita lang ng malaking pera para maipadala sa Pilipinas. Kumakayod siya ng husto para sa pag-aaral ng kanyang dalawang anak. Pareho kasing graduating ang mga ito. Si Cherry Lou ay magtatapos na sa elementarya at si Cherry Mae naman ay magtatapos sa high school.

“Aila, baka naman mayroon ka pang alam na raket. Sabihan mo lang ako ha?” tanong ni Veron sa kasamang OFW rin na si Marites.

“Grabe ka, Veron nakakailang bahay ka nang pinaglilinisan a! Hindi ka ba napapagod?”

“Kailangan ko kasing kumita ng malaki para sa pag-aaral ng mga anak ko. Iyong panganay ko magko-kolehiyo na sa pasukan at iyong bunso ko ay magha-high school naman.”

“Napakasuwerte naman ng mga anak mo sa iyo, Veron. Lahat gagawin mo para sa kanila.”

“Kasi nanay ako. Lahat talaga gagawin at kakayanin ko para sa mga anak ko. Responsibilidad ko iyon sa kanila,” aniya.

Isang gabi habang kausap niya ang mga anak sa skype ay tuwang-tuwa ang mga ito.

Advertisement

“Ma, kailan ka po ba uuwi dito?” tanong ni Cherry Lou.

“Naku, hindi pa siguro anak, kasi hindi pa tapos ang kontrata ko dito, e.”

“E, ma. Makakadalo ka po ba sa graduation namin?” tanong naman ni Cherry Mae.

“Pasensya na mga anak, hindi ako makakarating. Hindi ako pinayagan ng employer ko na umuwi. Pero huwag kayong mag-alala babawi si Mama kapag bumalik na ako diyan. Sorry mga anak!”

“Naiintindihan po namin, ma. Basta hihintayin po namin ang pagbalik niyo,” maluha-luhang sabi ng panganay niyang anak.

“Salamat, mga anak at naiintindihan niyo si Mama. Promise kapag nakabalik ako diyan, magbabakasyon tayo,” aniya.

“Totoo po? Yehey! Excited na po kami, ma!” wika ng kanyang bunso.

Matapos makipag-usap sa mga anak ay lihim na napaiyak si Veron. Miss na miss na niya ang mga ito ngunit kailangan pa niyang makaipon para sa kinabukasan nilang mag-iina.

Advertisement

Kinaumagahan, habang nagtatapon siya ng basura sa labas ng kanyang inuupahang apartment ay may napulot siyang kulay pulang sobre. Dahil nagandahan siya sa napulot ay binuklat niya iyon hanggang sa tumambad sa kanya ang napakaraming perang papel. Pinagmasdan niyang mabuti ang mga pera, mas lalo siyang nagulat nang malamang tunay na pera ang natagpuan niya sa basurahan.

“Diyos ko, ang daming pera nito! Sino kaya ang may-ari nito at bakit narito sa basurahan?” takang tanong niya sa sarili.

Agad niyang itinabi ang napulot na malaking halaga at ipinagtanong kung sino ang nawawalan nito. Kung kani-kanino siya lumapit at nagtanong pero walang nawawalan ng ganoong kalaking halaga. Hindi niya alam kung kanino isasauli ang pera kaya humingi na siya ng tulong sa mga kinauukulan.

“Ano ka ba naman, Veron, pera na gagawin mo pang bato, hindi mo naman mahanap kung sino ang nagmamay-ari niyan, bakit hindi mo pa angkinin tutal sabi mo ay kailangan mo ng malaking halaga para sa pag-aaral ng mga anak mo?” nanghihinayang na sabi ni Marites.

“Kaya nga, wala namang nakakalaam na napulot mo ang perang iyan, e. Kunin mo na!” gatol naman ng isa niyang kasamahan sa trabaho na si Lucy.

“Hindi maaari! Hindi akin ang perang ito. Saka hindi ko pinagpaguran ito kaya hindi tamang ariin ko ang hindi akin,” aniya sa mga kasama.

“Pero, kailangan mo ng pera ‘di ba? Saka malaking tulong iyan sa iyo at sa pamilya mo kapag nagkataon. Kung gusto mo paghatian na lang natin iyan para makinabang din kami, di ba, Lucy?” payo ni Marites.

“Oo nga, Veron. Paghatian na lang natin!” ani Lucy.

Advertisement

“Naku, hindi! Hindi atin ‘to kaya ibabalik natin sa totoong may-ari. Hindi makakaya ng konsensiya ko na kunin ang perang hindi akin. Paano kung nangangailangan din ang taong may-ari nito, paano kung may paggagamitan din siya ng malaking halagang ito?”

Wala nang nagawa pa ang mga kasamahan kundi samahan si Veron sa mga kinauukulan para isauli ang napulot na pera sa basurahan.

Makalipas ang ilang araw ay ipinatawag siya sa pulisya. Gusto raw siyang makausap ng nagmamay-ari ng napulot niyang pera.

Pagdating niya sa pulisya ay hinarap siya ng isang matandang lalaki. Napag-alaman niya na ang nakuhang pera sa basura ay pagmamay-ari pala ng isang negosyanteng Intsik na talagang sinadyang iwan sa basurahan ang malaking halaga ng pera. Kilalang mapagkawanggawa ang matandang negosyante at taon-taon itong naglalagay ng pera sa basura, para malaman kung sino sa mga makakapulot nito ang magbabalik ng pera. At kung sino man ang taong makapagbalik nito ay gagantimpalaan ng negosyante.

Dahil ibinalik ni Veron ang pera ay ginantimpalaan siya ng matulunging matanda. Binigyan siya nito ng negosyong restautant na siya mismo ang magpapatakbo, bukod dun ay ibinalik sa kanya ng negosyante ang perang nakuha niya.

Hindi pa rin makapaniwala si Veron sa suwerteng dumating sa buhay niya bunga ng kanyang pagmamagandang loob. Lubos siyang nagpasalamat sa matandang negosyanteng Intsik sa kabutihan nito. Masaya niyang ibinalita iyon sa kanyang ina at mga anak.

“Proud na proud kami sa iyo ng mga anak mo, anak!” masayang sabi ng inang si Aling Pepita.

“Inay, nakatutuwa po ang ginawa niyo, ipinagmamalaki po namin kayo ni Cherry Lou!” ani Cherry Mae.

Advertisement

“Inay, we so proud of you po!” wika ng bunsong anak.

“Mga anak, para sa inyo ang biyayang ito!” aniya.

Hindi inakala ni Veron na natupad ang mga pangarap niya sa isang iglap lang. Napatunayan niya sa sarili na totoong may PERA sa BASURA.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!