Di Akalain ng Babaeng Ito na sa Kabila ng Kagaspangan ng Ugali Niya sa Biyenan ay Kabutihan ang Isusukli Nito

Inis na inalis ni Rachelle ang mga pinatuyong damit sa dryer, kanina lang kasi ay nagkaroon sila ng di pagkakaintindihan ng kanyang mister. Noong isang linggo kasi ay nagsabi ang lalaki na sa kanila na raw muna titira ang nanay nito pansamantala, pumayag si Rachelle dahil akala niya ay sinusubok lang siya ng asawa. Pero kagabi ay dumating na nga ang matanda at parang di niya matanggap sa sarili na kasama na niya ang byenan sa iisang bubong.

Wala namang problema sa matanda, sa katunayan ay mabait ito sa kanya at sa mga anak niya. May kusa rin ito sa gawaing bahay at talagang marunong makisama. Sadyang makasarili lang talaga si Rachelle at masama ang ugali, di niya lubos maisip na hindi na lang siya ang reyna ng tahanan. Selosa rin siya at ayaw niyang nakikipaglaro ang mga anak niya sa matanda, nagagalit siya kapag tinatawag ng mga ito na ‘nanay’ ang kanyang byenan dahil katwiran niya, siya lang dapat ang nanay sa bahay na iyon. ‘Lola’ dapat ang itawag.

Pumasok na sa salas ang babae at naabutan ang matanda na kandung-kandong ang kanyang 7 taong gulang na panganay, si Claudia. Agad siyang nakaramdam ng inis, feeling niya ay inaagaw nito ang anak niya.

“Claud, diba sabi ko magreview dahil may test kayo sa Monday?” sabi niya rito.

“Opo mama, may ikinukwento lang po si lola.” sabi ng bata.

Umirap naman siya at tinaasan ito ng kilay.

“Mas mahalaga pa ba yan kesa sa test mo? Kapag mababa ang score mo, lagot ka sa akin.” tinignan niya ng matalim ang bata. Napabuntong hininga naman ang matanda.

“Sige na, makinig ka na sa mama mo.” sabi nito at malambing na ginulo ang buhok ng apo. Tumalima naman ang bata.

Advertisement

“Nay, pag ho may ginagawa ang mga bata wag na ninyong istorbohin. Gumawa na lang kayo ng ibang bagay diyan.” inis na sabi niya sa byenan.

“Nagsumbong lang dahil ang ka-eskwela niya raw ay palagi siyang inaaway, kaya nagkakwentuhan kami.” paliwanag nito.

Bumuntong hininga si Rachelle at naglakad na papunta kwarto.

“May buwanang pensyon naman kasi, nakikisiksik pa rito.” pabulong na asik niya, alam niyang narinig iyon ng matanda. Lumipas ang ilang buwan at kasama pa rin nila ito. Palagi niyang inaaway ang asawa at kinukulit kung kailan ba aalis ang byenan at napipikon na rin sa kanya ang lalaki dahil di nito maintindihan kung ano ba ang problema niya sa nanay nito.

Pagsapit ng Oktubre, pumanaw na ang matanda. Lingid sa kanyang kaalaman ay may sakit pala ito kaya pinili nang makasama ang anak at mga apo sa huling sandali ng buhay nito. Nakaramdam ng pagkakonsensya ang babae pero di niya pa iyon inaamin sa kanyang sarili. Hanggang sa nilapitan siya ng kanyang mister at iniabot ang isang passbook ng bangko.

“Ano to?” tanong niya rito.

“Ibinilin sa akin ng nanay yan bago siya mawala. Bigay ko raw sayo.” malungkot na sabi nito.

Pagbukas niya ay nalaman niyang maraming pera ang laman ng librita, bakit naman siya bibigyan ng byenan?

Advertisement

“Sa akin ito?” takang tanong niya.

Tumango ang asawa. “Diyan pala nilalagay ng nanay ang lahat ng nakukuha niyang pensyon. Ibigay ko raw sa iyo at pampaaral ng mga bata. Maraming salamat din daw sayo at pinayagan mong tumira siya dito. Umaasa daw siyang aalagaan mo ako at ang mga apo niya katulad ng pagmamahal niya..” napaiyak na ang kanyang mister, gayon din si Rachelle.

Di niya akalaing sa kabila ng magaspang na pakita sa byenan, kabutihan pa ang isusukli nito. Sa bandang huli ay kapakanan pa rin nila ang iniisip. Lumapit si Rachelle sa kabaong ng matanda at doon ay humingi ng tawad, walang katapusang pagso-sorry ang ginawa niya hanggang napuno ng luha ang salamin noon.

Alam niyang huli na para magsisi pero nangako siya sa byenan na bilang ganti sa kabutihan nito ay habangbuhay niyang mamahalin at aalagaan ang anak nito at mga apo. Ginamit ni Rachelle ang perang pamana sa pag aaral ng kanyang mga anak, napagtapos niya ang mga ito sa kolehiyo. Ang dalawa ay nasa Amerika na nakatira habang ang isa naman ay may sarili na ring pamilya dito sa Pilipinas, naging mabait na byenan si Rachelle saa asawa ng kanyang anak dahil baon niya sa kanyang puso ang ngiti ng kanyang namayapang byenan, ito ang naging mabuting halimbawa para sa kanya.

Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba.Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.