Huli na Ang Lahat nang Malaman ng Babaeng Ito na ang Kinamumuhiang Nanay ay May Masakit Na Pinagdaanan Kaya Napilitang Mag-G.R.O

Kung mayroon mang pinandidirihan si Monica, iyon ay walang iba kung hindi ang kanyang ina. Dati kasi itong G.R.O, o nagtatrabaho sa mga bar. Walang dudang maganda ang kanyang ina, kahit may edad na ito ngayon ay bakas pa rin sa mukha nito ang kagandahang taglay, matangos na ilong, mabintog na mga labi, at mapupungay na mga mata.

Sa kasalukuyan ay 54 taong gulang na ito, habang siya naman ay 38, ibig sabihin ay 16 anyos pa lang ang nanay niya nang ipagbuntis siya. Sadyang makati! palaging nasa isip ni Monica. Lumaki siyang malaki ang galit dito, dahil kasi sa trabaho nito ay nadamay siya, anak ng pokpok, anak ng malandi, anak ng hitad, ilan lang yan sa mga naging bansag sa kanya.Araw araw ng buhay niya, hanggang ngayong tumigil na ito at may sarili na rin siyang pamilya ay dinaranas niya iyon. Kung sana lang, pwedeng pumili ng nanay.

“Alam mo? Hanggang ngayon ganon ang bansag sa akin, habangbuhay nang nakakabit sa akin ang ANAK NG POKPOK. Magkapareho daw siguro tayo, nakita mo na ang ginawa mo sakin? Nakakadiri ka!” singhal niya sa may edad na babae minsang dumalaw ito sa bahay nila ng kanyang asawa. Ano ba ang gustong palabasin nito ngayon, nagpapaka-nanay?

Tahimik lang naman ang ginang, kahit kailan ay hindi ito sumagot sa anak kapag nagrereklamo na ito tungkol sa naging hanapbuhay niya.

“Ayan, dyan ka magaling. Bait baitan! Ganyan mo siguro nakukuha ang mga lalaki mo no?” pang uusig niya rito.

Napaluha ang ginang at lumabas na ng bahay. Dinalhan niya ito ng niluto niyang biko pero hindi niya kayang magtagal na kausap ang anak, sobrang sakit para sa kanya na marinig ang mga salitang iyon na nanggagaling sa bibig nito. Iyak siya ng iyak patawid sa sakayan ng tricycle, hindi niya namalayan ang isang rumaragasang truck na paparating. Nabundol niyon ang kanyang katawan, at pagkatapos ay nagdilim na ang lahat..

“Monica, nakikiramay kami.” inabot ng isa sa mga kumare ng nanay niya ang sobreng hawak hawak nito.Tumango lang naman siya sa ginang, ayaw niyang kausapin ito, sigurado kasi siyang katulad rin ng sa nanay niya ang trabaho nito.

“Ikaw na pala si Monica, nakikiramay ako. Parang kailan lang ay kakwentuhan ko pa tuwing umaga iyang si Marilyn.” sabi ng isang matandang babae, siguro ay nasa 80 taong gulang na ito.

Advertisement

“Salamat, pero s-sino ho sila?” tanong niya rito.

“Dati akong Kapitana dito sa barangay, lumipat na kami matagal na panahon pero nang mabalitaan ko ang nangyari pinilit kong puntahan ang nanay mo kahit hirap na hirap na ako,grabe, kay laki mo na.” sa paraan ng pagsasalita nito ay tila kilalang kilala sila ng nanay niya. Tinitigan lang niya ang matanda, umupo ito sa tabi niya.

“Dati, palaging nakatambay si Marilyn sa tapat ng bahay ko. Doon kasi ma-araw, pinapaarawan ka niya, sanggol ka palang noon eh. Kung makatitig iyan sayo ay parang tutunawin ka, mahal na mahal ka ng nanay mo.” ayaw mang maapektuhan ni Monica ay tila sumasakit ang dibdib niya sa sinasabi ng matanda.

“Kaibigan nyo po siya kahit alam ninyo ang trabaho nya? Sa totoo lang, ni hindi ko nga nakilala ang tatay ko. Inisip ko na lang na baka isa sa mga customer niya.” sabi niya rito, tutal kilala na naman sila ng matanda, hindi siguro lingid sa kaalaman nito ang hanapbuhay ng ina.

“Hindi niya customer ang tatay mo..matinong bata iyang si Marilyn, napilitan siyang mag GRO dahil sakitin ka noon, sa ospital labas pasok ka. Saan nga naman siya kukuha ng pampa-gamot mo? Wala pa siyang alam noon sa trabaho, inosente at may nakapag alok dahil nagandahan, kumapit siya sa patalim para sa iyo. Bilib nga ako diyan, kahit bunga ka ng panggagahasa ay binuhay ka at mahal na mahal ka..” malungkot na kwento ng matanda.

“Na g-gahasa ho ang nanay?” hindi makapaniwalang tanong niya.

“Oo, kaya noong mabuo ka napilitan siyang maging GRO.”

Parang gumuho ang mundo ng babae. Buong buhay niya wala siyang ginawa kung hindi ang kamuhian ang saktan ang kanyang nanay, pero nasira pala ang buhay nito dahil sa kanya. Gusto niya itong yakapin, humingi ng tawad at bawiin lahat pero huli na, wala na ito.

Advertisement

Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.

Ano ang napulot mong aral sa kwentong ito? Kung ikaw si Monica, at ganoon ang trabaho ng iyong ina, ikakahiya mo rin ba siya? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.